KONTRADIKSYON
Dito
sa ebangheliyo para sa ika-10ng Linggo sa Karaniwang Panahon na binasa sa Misa
ng Simbahang Katoliko galing sa Mk. 3:20-35, mayroong napapansin na
kontradiksyon sa mga pahayag ni Jesukristo ukol sa isang talinghaga tungkol sa
kaharian, o kaya magin sa isang tahanan, na hati dahil sa nagsisi-pagaway-away
na mga miyembro at ito raw ay hindi makakatayo, bagkus ito ay tuluyang
mamamatay.
Ang
kontradiksyon ay narito: samantalang sa umpisa sinabi yan ni Jesus, nguni’t sa
karugtong ng ebanghelio sinasabi din ang kwento tungkol sa parang-pagtakwil
niya sa kanyang mga kamag-anak na gusto siyang dakpin dahil daw siya ay
nababaliw, na dinugtungan pa ng isang kwento tungkol sa pagbisita sa kanya ng
kanyang ina at mga kapatid dahil na rin sa kaparehong balita na siya raw ay
nababaliw na. Di ba ito rin ay nagpapahiwatig ng pagkawatak-watak sa loob ng
pamilya ni Jesus?
Kung
gayon, sa gitna ng kontrobersyang ito, iisa lang ang dahilan ng kontradisyon na
ito na tinukoy ng ebanghelio. At ano yun? Si Satanas. Si Satanas, na ang ibig
sabihin ng salitang ‘yan, ay isang taga-usig, o taga-sumbong.
Dahil sa
maling paratang, akala, o bintang na
gawa ni Satanas, kaya nagkagulo-gulo at nagkahati-hati ang isang kaharian, o
isang tahanan, o isang organisasyon o grupo.
Binintangan pa naman si Jesus ng kanyang mga kaanak na isa raw siyang
baliw, o sinapian siya ng isang demonyo.
Upang
hindi manaig si Satanas sa kanilang pamilya, dahil sa kanilang maling paratang
at sumbong laban sa kanya, kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Sino ang aking ina
at mga kapatid? Sino ang aking mga kamag-anak?” Itinuro niya ang mga taong
nakapaligid sa kanya, at nagsabi: “ito ang aking mga kamag-anak, ina at mga
kapatid; ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Diyos, sila ang aking ina, mga
kapatid at mga kamag-anak”. Ito ang
naging solusyon ni Jesukristo sa parang kontradiksyon na napapansin sa
ebangheliyong binasa.
Tingnan
natin na dahil sa isang maling paratang, bintang, ay kayang- kayang pataubin ni
Satanas ang pagkakabuklod-buklod at pagkakaisa ng isang pamilya, samahan, o
kaharian. Kaya, bilang tugon natin sa ebangheliyong ibinahagi, ay huwag tayong
basta magpaparatang o magbibintang ng mali sa kapwa na walang katotohanan, o
malinaw na basehan; o, kaya, huwag basta maniniwala sa isang maling paratang, o
bintang, ninuman, dahil ito ay ang mga maling gawain ni Satanas na ibig niya
tayong paghihiwalayin at tuluyang magkawatak-watak sa ating mga samahan.
Bilang
paglilinaw na din sa tinuran ni Jesus tungkol sa kalooban ng Diyos ay, ano nga
po ba ang kalooban ng Diyos? Paano po natin malalaman ang kalooban ng Diyos?
Ang
kalooban ng Diyos ay ang kalooban ng iba, o ng ating kapwa, kung saan ang iba
ay si Kristo (The will of God is the
will of the other, where the other is Christ).
Kaya po,
itinuro ni Jesus ang mga tao na nasa kanyang paligid na kasalukuyang nakikinig
sa kanyang mga turo at salita bilang sila ang kalooban ng Diyos, dahil sa
pakikinig nila sa mga salita ng Kristo.
Sa
makatuwid, labanan natin ang paghihimok ng pakikipag-away sa kapwa dahil iyan
ang susi ng pagkawatak-watak natin, lalo na kung 'yan ay bunsod ng mga maling
paratang at sumbong lamang laban sa ating mga grupo o asosasyon. May isang
kasabihan nga na, kung ibig ng isang tao na sirain ang isang samahan ng
relihiyon, ang uunahin nya ay 'yung mga kaparian dahil sila ang may hawak ng
sakripisyo at relihiyon (San Juan Marie Vianney).
Iyan
lamang po ang naging mensahe ng ebangheliyong ibinahagi sa atin sa nakaraang
ika-10 Linggo ng Karaniwang Panahon.
_10 June 2024
No comments:
Post a Comment