Tuesday, July 30, 2024

 

HOMILIYA SA IKA-12ng LINGGO NG KARANIWANG PANAHON (Cycle B) sa Misa para sa mga Manggagawa sa Konstruksyon ng 7-11 Chain Store dito sa Bgy. San Jose, Camaligan, Camarines Sur

ni Rev. Fr. Dominador N. Marcaida Jr. 

“SUBASKO” 

Ang ebangheliyo  para sa ika-12ng Linggo ng Karaniwang Panahon ay hango sa Mk. 4:33-41, at ang homiliya naman para sa ebangheliyong ito ay pinamagatang “Subasko.” 

Ito ay patungkol sa pagpalaot sa lawa ni Jesus at ng kanyang mga alagad, at, ng naglalayag na, ay inabot sila ng malakas na subasko kaya't ang bangkang sinasakyan nila'y hinampas ng malalaking alon at ito'y halos mapuno na ng tubig. Samantalang si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad at sinabi, “Guro, balewala ba sa inyo kung mapahamak kami?” Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin, “Tigil!” at sinabi sa lawa, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?” Natakot sila nang labis na pagmangha, at nagsabi, “Anong klaseng tao ito? Pati hangin at lawa  sa kanya sumusunod!” 

Ano nga ba ang ibig sabihin ng “subasko”? Ito ay salitang Bisaya na hango na salitang kastila na “chubasco”, na ang ibig sabihin sa English ay “tempest, storm, squall”, at iba pa. Sa salitang Bikol, ang ibig sabihin ng subasko sa dagat ay bagyo sa kalupaan. 

Nguni’t ang subasko, o bagyong, ito ay hindi tulad sa bagyong nararanasan natin dito sa Pilipinas na halos inaabot ng isang gabing buong magdamag kung manalasa sa mga kabahayan sa ating kalupaan o sa buong rehiyon ng ating bansa. 

Ang subasko, o bagyo, na ito na naranasan ng mga alagad ni Jesus sa laot, ayon sa ebangheliyong binasa, ay isang maliit na bagyo, o bugso sa dagat na may malakas na hangin at ulan na ilang minuto lamang kung manalasa. 

‘Yung kaba at takot na naranasan ng mga alagad sa nangyayaring subasko sa harapan nila, ay medyo grabe, at ang kanilang sindak ay sobra naman sa laki. 

Ng hindi na makatiis ay ginising nila si Jesus na kasalukuyang tinutulugan lamang noon ang nagaganap na subaskong naghahampas ng malakas na hangin at ulan sa kanilang sasakyan, at sinabihan siya na “Baliwala ba saiyo na kami ay mapapapahamak at malulunod?” 

Kaya bumangon si Jesus at sinabihan ang hangin at dagat na, “Tigil, tahimik!”, at tumigil at tumahimik naman talaga ang hangi’t dagat, dahil patapus na man talaga noon ang subasko, na dumadaan lamang ng ilang saglit na sandali sa kanilang kinaroroonan na bangka. Kaya pinansin ni Jesus ang kanilang kawalang pananampalataya, at sinabihan sila “Bakit kayo takot na takot? Wala ba kayong mga pananampalataya?” 

Ang labis na pagkabahala ng mga alagad sa harap ng iilang sandali at saglit na unos, o paghihirap, ay nagpapamalas ng kawalang pananampalataya sa buhay, o ang lebel ng pananampalatayang meron noon sila. Di ba ang bagyo ay iilang oras lamang kung manalasa, at, sa huli, ay lumilipas at natatapus din? Bakit kailangan pang matakot at masindak sa harap ng mga unos sa buhay, kung mayroong sapat at malakas na pananampalataya sa sariling kakayahan? 

Dito sa isyu ng Sambuhay Misallete para sa linggong ito ay sinasabi nila na “Mga Unos at Ipu-ipo sa buhay? Kapit lang kay Hesus”. Ang sabi naman po natin sa ganitong pahayag ay, “Hindo po, dahil ayaw ni Jesus na tayo ay basta aasa na lang sa kanya sa mga problemang dumarating sa ating mga buhay, dahil kailangan din nating gumalaw-galaw, kumilos, at tumindig sa ating mga sariling mga paa para ipakita naman natin na may sapat tayong pananampalataya sa ating mga sariling kakayahan upang maayos na harapin ang mga subasko, bagyo, o anumang pagsubok na dumarating sa ating buhay. 

Kagaya noong isa sa inyo na nakaranas kahapon ng matitinding mga kagat ng pulang langgam sa hinuhukay niyang footing para sa poste. O kaya, si foreman, nung napansin niyang mali-mali ang ibinigay sa kanyang sukat ng area para sa itatayo ninyong building. O, kaya, nang kayo’y bago pa lamang magsidatingan, ng napansin ninyong wala kayong malapit na paguunan ng malinis na tubig inumin at panghugas, at wala rin kayong CR na magagamit sa pagligo at pagdumi. O, kaya, yung matinding lungkot at pangungulila na nararanasan ng bawat isa sa inyo, dahil malayo kayo sa inyong mga kanya-kanyang pamilya’t mga anak. Ito ang mga uri ng subasko’t bagyo na naranasan ninyo sa inyong mga trabaho bilang mga manggagawa sa konstruksyon, na pilit ninyong sinulusyonan upang makaraos kayo sa pang-araw-araw na buhay dito sa lugar namin. 

Ang mga karanasang ito ay mga pagsubok sa inyong mga pananampalataya na tumindig sa sarili ninyong kakayahan na tulad sa isang subasko, o bagyo,  ay dumarating sa atin upang tayo ay mas lalong patatagin sa ating mga sarili. Ang nangyari ay sinubukan lamang ng nagdaang subasko ang uri ng pananampalatayang mayroon tayo, at pati  ang mga alagad ni Jesus. 

Ang mga bagyo’t subaskong ito na dumarating sa buhay natin ay ang pagdaan ng Diyos mismo sa ating mga buhay, o ang kanyang Passover, na nagdadala ng mga pagbabago para sa ating buhay.

Katatapus pa lang ang pagdiwang ng buong mundo sa kapistahan ng Passover, o Pasko. Kapwa Judiyo’t Kristyano ang nagdidiwang nito. Ang pagdaan ng Diyos sa buhay at kasaysayan ng tao ay nagaganap sa isang “Passover.” Ang Passover ng Diyos ay tulad ng isang bagyo o subasko. Kung ang pagdating ng bagyo sa isang lugar ay pinaghahandaan ng mga tao, ay gayun din ang pagdating ng Diyos sa ating buhay. At kung dumating na siya, tayo ay napupuno ng kagalakan at kasiyahan dahil sa kanyang presensya sa ating kalagitnaan, at siya ay nagdadala ng kabutihan, kasaganaan, kayamanan, at maraming pagbabago sa ating buhay. 

Kung ang subasko ay ang paraan ni Jesus upang masukat ang lebel ng pananampalataya ng kanyang mga alagad, ang Pasko, o pagdaan ng Diyos, ay tumatawag ng pananampalataya sa atin upang tugunan ang kanyang panawagan sa panglingkod sa kanyang sambayanan. 

Kung dumarating man ang mga subasko, o bagyo, sa ating buhay, ay dapat tayong matuwa at magsaya, dahil ito ay may dalang mga pagbabago at maraming oportunidad para sa ating pag-unlad at paglago. Kung gayun, hindi takot at sindak ang dapat na maramdaman natin sa harap ng mga unos, subasko at bagyo sa ating buhay, kundi bagong pag-asa at kasiyahan dahil ang Diyos ay dumadaan sa ating buhay, na may dalang kabutihan, kasaganaan, kayamanan, at maraming pagbabago sa ating buhay. Ito po ang ibig sabihin ni Jesus na uri ng pananampalataya na dapat mayroon tayo sa harap ng mga unos, bagyo, at mga subasko sa buhay. 

Kaya, subasko, o bagyo man ‘yan, panapampalataya man ‘yan o Paskuwa, o ang pagdaan ng Panginoon, o anupaman ang tawag natin dyan, lahat ‘yan ay nagdadala ng mga pagbabago, paglago, o pag-unlad sa buhay ng tao. Kaya, huwag tayong matakot, masindak, mag-atubili, o mangambang sumunod sa tawag ng Diyos. 

dnmjr_19 June 2024

No comments: