Tuesday, July 30, 2024

 

HOMILIYA PARA SA IKA-11ng LINGGO NG KARANIWANG PANAHON

sa Misa para sa mga manggagawa ng 7-11 Chain Store sa Camaligan, Camarines Sur. 

Ang Ebangheliyo para sa Ika-11ng Linggo ng Karaniwang Panahon ay hango sa Mk. 4:26-34. Ito ay patungkol sa dalawang talinghaga ng Kaharian ng Diyos. 

Ang unang talinghaga ay ang kaharian daw ng Diyos  itinulad sa paghahasik ng isang tao ng mga butil ng buto sa lupa; na kusa itong tumutubo, nagsisipag-usbong, nagdadahon, at kalauna’y nagpapalabas ng mga uhay na siyang may dala ng mga butil; at saka naman dumarating ang mga manggagapas na may karit upang anihin na ang mga butil. Ito na ang panahon ng tag-ani. 

Ano ba ang ibig sabihin ng unang talinghagang ito? Ang ibig sabihin ng talinghaga ay ang kaharian ng Dios ay ang kaharian niya sa langit na siyang tahanan ng pawang gawang kabutihan ng mga tao. Ang mga taong naghahasik ng gawang kabutihan dito sa lupa ay katulad ng sinasabi sa ebangheliyo na isang taong naghahasik ng mga butil ng buto sa lupa, na pagkatapus ay nagsipag-usbong, nagkakadahon, nagkaka-uhay at nagkakabutil upang sa panahon ng tag-ani ay anihin.

Ang mga butil na ina-ani ng taga-pag-karit ay walang ibang ibig sabihin, kundi ang mga gawang mabubuti ng tao, at ang taga-pagkarit ng inani ay ang kamatayan. Sa panahon na dumating si kamatayan sa buhay ng tao, ang kanya pong gagawin ay ipunin ang lahat na mga gawang mabubuti na nagawa ng isang tao habang siya ay nabubuhay pa sa ibabaw ng lupa. Ang lahat ng mga naipong mabubuting gawa ng tao ay mapupunta sa kaharian ng Diyos, sa langit. At diyan sila maghihintay, upang kunin muli ng mga taong nabubuhay dito sa ibabaw ng lupa na para bagang mga butil ng butong panghasik upang ihasik ng muli sa lupa para magpatubong muli ng mga mabubuting gawa, na uusbong at magka-uhay, para magbungang muli ng mga butil ng kagandahang-asal at mga gawa ng mga tao. Ito ang siklo ng paggawa ng kabutihan ng mga tao dito sa ibabaw ng mundo, na paulit-ulit na inaani ng kamatayan sa panahon ng pagkamatay ng isang tao upang mapuno ng magagandang gawa ng tao ang tahanan ng Diyos sa langit. (Ang halimbawa ng siklong ito ng mga mabubuting gawa ng tao ay ang tubig-ulan na pumapatak bilang tubig na galing sa langit, at umaakyat pabalik sa langit bilang isang hamog papuntang langit upang ibagsak muli bilang ulan, atbpa.)

Ang ikalawang talinghaga ay tungkol sa kaharian ng Diyos (na siyang kaharian ng kabutihan na nasa langit) na itinutulad sa pagtatanim ng buto ng mustasa. Ito raw ang pinakamaliit na buto sa lahat ng mga butong inihahasik ng tao sa lupa. Subali’t kapag ito ay tumubo, umusbong, magkadahon, at magka-sanga, ito ay magiging pinakamayabong na punong kahoy sa buong kagubatan upang manirahan dito ang maraming mga ibon sa himpapawid.

Ano po ang ibig ipahiwatig sa atin ng ganitong talinghaga?

Ang gawang kabutihan daw ay naguumpisa sa isang maliit at ‘di pansining gawi o galaw ng isang tao. Kung minsan, ang isang mabuting gawa ay ‘di dapat pinapansin o pinarangalan. Kahit ito ay isang napakaliit na gawang mabuti, nguni’t kusa itong tutubo, maguusbong, magkakaroon ng maraming dahon at sanga, at masyadong yayabong upang pakinabangan ang kanyang lilim ng napakaraming tao. Ganyan din ang gawang kabutihan sa buhay ng maraming tao.

Kun gayon, ano ngayon kung ang isang tao ay nakagawa, o may ginawang mabuti? Makakain nya ba ‘yun? Mabubusog ba siya ‘nun? Tatababa siya? Lulusog ba siya? Uunlad ba siya? Sisikat ba siya? Hahangaan ba siya? Yayaman ba siya? Magkaka-award ba siya?

Dahil sa mga gawang mabuti na nag-usbong, nagkadahon at lumago hanggang sa maging pinakamalaking gawang mabuti, ito ay mapapakinabangan ng maraming tao dahil sa makatutulong ang mga ito upang ang mga buhay ng kapwa-tao ay mapabuti, mapaigi, maisaayos, matahimik, malunasan, magamot at mapatuwid.

Iyan po ang bisa’t kapangyarihan ng gawang mabubuti para sa kaharian ng mabubuting mga linalang.

       ‘Yung kasamahan ninyo sa trabaho na biglaang umuwi sa kanilang bahay sa Albay kahapon dahil ‘yung kanyang anak ay nasa ospital ngayon na may malubhang karamdaman, ‘di ba yung kasamahan ninyo na ‘yun ang nangutang sainyo ng pera upang siya ay makauwi at makakuha na rin ng pambayad sa ospital at iba pang mga pangangailangan ng pamilya niya. O di ba mabuting gawaang ginawa ninyo nung magpautang kayo ng prsa sa kanya para makatulong na mailigtas ang kanyang anak sa kapahamakan. Iyan po ang bunga ng mabubuting gawa sa buhay nating mga tao. 

_dnmjr/06-12-2024

  

 


 

 

 

                            

No comments: