HOMILIYA PARA SA Ika-23 na LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B) sa Misa para sa OL of Peñafrancia Deanery Chapel, Bgy. San Jose-San Pablo, Camaligan, Camarines Sur.
“PABORITISMO”
Ang ebangheliyo para sa ika-23 na Linggo sa Karaniwang Panahon, ay hango sa Mk 7:31-37.
Ang homiliya para sa linggong ito ay mayroong temang “PABORITISMO”.
Ang
ibig sabihin daw po ng paboritismo ay ang hindi patas na pagkiling sa isang
bagay o tao kumpara sa iba; isang partikular na pagkagusto na nagbibigay ng hindi
patas na katangi-tanging pagtrato sa isang bagay, tao, o grupo, sa kapinsalaan
ng iba.
Ang
gawaing ito ay parating nararanasan sa loob ng ating mga paaralan, kung saan
ang isang guro, o titser, ay may itinatanging isa, o dalawang estudyante, sa
loob ng kanyang klase. Ang tawag ng mga kaklase sa estudyanteng paborito ni
titser ay “teacher’s pet”. Ito ay isang mag-aaral sa isang klase na gustong-gusto
ng guro at higit na tinatratong maganda kaysa sa ibang mga mag-aaral. Ang
mag-aaral na ito (ang teacher’s pet) ay palaging nasa honor roll, palaging
kasali sa maraming mahahalagang aktibidad ng paaralan, tulad ng mga
paligsahan, at pinararangalan din dahil
sa kanyang katalinuhan, kagandahan (o kaguwapuhan), popularidad, at pera.
Kadalasan,
ang mga teacher’s pet ay ‘yung mga estudyanteng matatalino, may itsura at
magaganda. Kung minsan, ito yung mga estudyanteng palaging may dalang
pasalubong ki titser, na nagbibigay, o naglalagay, ng apple sa mesa ni teacher,
nagbubuhat ng mga gamit o libro ni titser, etc., tuwing papasok sa paaralan.
Sa
iglesiya, ang isang paborito ay yaong mga tao na pinatungan ng mga kamay sa ulo,
tulad, halimbawa, ng mga ministro na itinatalaga sa mga mahahahalaga at
mabigigat na tungkulin sa loob ng iglesiya.
Sa unang
pagbasa na kuha sa Isaias 35:4-7, ay nagsasabi na: “Ito ang sabihin sa
pinanghihinaan ng loob: Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob! Darating
na ang Diyos, at ililigtas ka sa mga kaaway.” Sa mga biktima ng
paboritismo, ang mga salitang ito ni Propeta Isaias ay siya na po ang maghahatol
sa kanila.
Para
naman sa paboritismo sa pagiistima ng mga bisita sa bahay, pakinggan po ang mga
hulit sa atin ni Apostol Santiago (Santiago 2:1-5) sa ikalawang Pagbasa ngayong linggo, na ang sabi: “Mga
kapatid, ang mga mananampalataya sa ating maluwalhating Panginoong Jesucristo
ay hindi dapat magpakita ng paboritismo. Kung may pumasok sa inyong mga
pagtitipon na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang
magara, at dumating din doon ang isang dukha na gusgusin ang damit, at
inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito
kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o
kaya'y, “Sa sahig ka na lang umupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.
Mga kapatid kong minamahal, Hindi ba't pinili ng Diyos ang mahihirap sa mundong
ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang
ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya?”
Sabi
sa isang pahayag sa Facebook Page na “Pumarito ka, Sumunod ka sa Akin”, “Kinondena
ni Santiago ang ganoong pagkiling sa iba, partikular na ang diskriminasyon
laban sa mahihirap na pabor sa mayayaman (tingnan ang Santiago 2:2–6).
Itinuturo ng ibang mga banal na kasulatan na ang mga tagasunod ni Kristo ay
hindi dapat magpakita ng diskriminasyon batay sa kulay ng balat, katayuan sa
lipunan, kasarian, o nasyonalidad; edukasyon o katayuan sa ekonomiya (Mga
Kawikaan 22:22); pananamit (tingnan sa Santiago 2:13); o kalusugan, edad, o
kaugnayan sa relihiyon. Sa pamumuhay sa ganitong paraan, mas nagiging katulad
tayo ng ating Ama sa Langit, na “walang pagtatangi ng mga tao” (Mga Gawa 10:34;
Mga Taga Roma 2:11).
Kung si
Jesus ang tatanungin, sino po ba ang kanyang mga papanigan? O dili kaya, kanino
po ba siya palaging panig? Kung noong nakaraang linggo ay sinabi natin na
pinapanigan ni Jesus ang mga mulat na tumutulong sa mga pangangailangan ng
kapwa-tao kaysa bulag na tagapagsunod sa mga tradisyon ng relihiyon, sa linggo naming
ito ay ipinapakita niya ang kanyang pagpanig sa mga taong nangangailangan ng
kanyang tulong, sa isang pipi’t bingi, na siyang parating inaapi at tinutukso sa
lipunan ng tao.