HOMILYA PARA SA IKA-26 na LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B) sa Misa para sa OL of Peñafrancia Deanery Chapel, Bgy. San Jose-San Pablo, Camaligan, Camarines Sur.
“ISKANDALO NG MGA KRISTIYANONG NAGKAWATAK-WATAK”
“Ang sinuman na maging balakid upang
ibagsak ang isa sa mga gumagawa ng mabubuting gawain sa ngalan ng Kristo ay mas
mabuti pang itapon sa dagat na may malaking gilingang bato na nakapulupot sa
kanyang leeg.” (Mk 9:42)
Iyan po an pinakaubod, o sumariyong mensahe ng ating tatlong binasa sa Banal na Kasulatan para sa linggong ito.
Ang unang binasa na kinuha sa Mga Bilang 11:25-29, ay nagkikuwento tungkol sa dalawang karaniwang mga Israelita, si Eldad at si Medad na mga pinuno sa kampo, na nakatanggap din ng espiritu ng propesiya tulad ng pitumpung matatandang pinuno, at nagsimula ding maghula sa gitna ng kongregasyon. Ang kaganapang ito ay isinumbong ki Moises ng isang binatilyo na ang sabi, “Sina Eldad at Medad ay nagpapahayag sa kampo.” Dahil dito, sinabi ni Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Bakit di po ninyo sila sawayin?” Ngunit sinabi ni Moises, “Nangangamba ka bang ako'y mababawasan ng karangalan? Gusto ko ngang maging propeta at mapuspos ng espiritu ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita.”
Malinaw po dito sa Unang Binasa na noon pa man ay mayroon ng mga taong gustong manira ng kapwa at gustong magbawal na isagawa ng mga karaniwang tao ang regalo ng propesiya, at gusto rin nilang para sa kanila lang maging eksklusibo ang biyayang ito. Nguni’t ang dakilang propetang si Moises ay hindi naging sangayon sa ganitong kaisipan at ibig niyang lahat ay makatanggap din galing sa Diyos ng regalong ito upang ang lahat ng tao ay makapag-propesiya din.
Sa Ikalawang Pagbasa na galing kay Santiago 5:1-6, sinasabi ng apostol na ito na ang mga mapepera, o mayayamang tao, ay siyang nagiging balakid sa mga karaniwang miyembro ng Iglesiya upang tumanggap din at makibahagi sa gawaing pagpapalaganap nin ebangheliyo sa paraan ng gawaing ebanghelisasyon. Sila din ang naging pasakit sa iba pang mga taong matutuwid sa lipunan
Pakinggan nating muli ang sinabi ni Santiago. Ang sabi niya, “Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. Kinakalawang na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw…Hinatulan ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.”
Sa Ebangheliyo naman na galing kay Markos (Mk. 9:38-43,47-48), ang sabi ay “Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin.”
Bakit kaya may mga taong masyadong mapagmapuri (self-righteous) at bilib na bilib sa kanilang mga sarili at gustong sarilinin ang mga magagandang bagay galing sa Diyos katulad ng makapagpropesiya o kaya makapaglingkod bilang mga ministro ng Sta. Iglesiya, na para bagang ang tingin nila sa sarili ay sila lang ang pinagpapala ng Diyos at wala ng iba.
Gusto nilang apihin ang ibang tao dahil gusto nilang sila lang ang kilalaning totoo at tama sa lahat ng bagay sa relihiyon, at sinasabi nilang hindi totoo at peke ang hindi nila kaanib, at hindi tama at mali ang lahat ng hindi sumasangayon sa kanila.
Partikular itong nangyayari sa ibang mga miyembro ng kongregasyong pangrelihiyon, na ang tingin nila sa kanilang sarili ay sila lang ang may karapatang magmisa at magsagawa ng mga sakramento dahil sila daw ang orihinal na iglesiyang itinatag ni Kristo sa lupa at mas nakarararami ang kanilang miyembro.
Ang sabi naman po natin diyan ay hindi sa kung ano ang totoo, o kung sino sa atin ang tama, kungdi ang lahat ng ito ay trabaho lamang. Nagtatrabaho lamang kami at kung gusto nila, ay magtrabaho din sila na katulad ng sa amin. Dapat sa kabutihan lamang tayo, at hindi sa kulay ng ating mga paniniwala o organisasyong kinabibilangan.
Kaya sabi sa ebangheliyo, “Tandaan ninyo: ang sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo'y tagasunod ko ay tiyak na tatanggap ng gantimpala.” “Mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin.”
Para sa mga taong ito na mapanghusga, ang sabi pa rin ng ebangheliyo, “Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang kamay, kaysa may dalawang kamay na mapunta ka sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mabuti pa ang pumasok sa buhay na walang hanggan na putol ang isang paa, kaysa may dalawang paa na mapunta ka sa impiyerno. At kung ang isang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito! Mabuti pang pumasok ka sa kaharian ng Diyos na iisa lang ang mata, kaysa may dalawang mata ngunit itatapon ka naman sa impiyerno.”
Kaya nga po, ang naging tema ng aking homiliya ngayong linggo ay ang “Eskandalong nagawa sa mundo ng pagkawatak-watak at pagkakhiwalay ng mga Kristyano”, ay dahil sa mga taong ito na mga mapagmapuri (self-righteous), mapanghusga sa kapwa, at bilib na bilib sa kanilang sarili na sila na lamang ang tama at ang relihiyong kanilang kinaaniban ay ang siyang totoo, na kaya nilang pumatay ng kapwa tao para lamang isulong ang kanilang sariling paniniwala na ang kanilang relihiyong kinaaniban ay ang totoo at tama.
Ang pagkawatak-watak na ito ng mga kristyano ay ang napakalaking eskandalo upang maging isa ring handlang para sa kumbersyon ng mundo papunta sa Diyos, at hadlang din sa pagpasok ng ilang mga tawo upang sumama at sumanib sa ating mga samahan sa loob ng Sta. Iglesiya. Ang problemang ito ay may kinalaman sa malaking krisis sa pananampalataya na hinaharap ng kasalukuyang Sta. Iglesiya sa modernong panahon.
Ang solusyon para sa ganitong problema ng Sta. Iglesia ay ang Ekumenismo na itinataguyod ng Ikalawang Konsilyo Vatikano ng Iglesiya Katolika Apostolika Romana. Nguni’t sa kabila ng panawagang ito para sa Ekumenismo, ay patuloy pa rin ang pagmatigas-tigasan ng ilang miyembro ng Sta. Iglesiya na magpanatili sa kanilang ugaling mapagmapuri (self-righteous), mapanghusga sa kapwa, at bilib na bilib sa kanilang sarili upang patuloy na itakwil ang hindi nila kapanalig sa kanilang paniniwala. Malinaw po ang sabing Ikalawang Pagbasa na galing ki Apostol Santiago ang kahihinatnan ng ganitong uri ng mga taong kagaya nila.
Iyan na po ang
mensaheng ipinararating sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga salita
ngayong ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahom.
dnmjr_09/24/2024