HOMILIYA PARA SA Ika-24ng LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B) sa Misa para sa OL of Peñafrancia Deanery Chapel, Bgy. San Jose-San
Pablo, Camaligan, Camarines Sur.
“PANANAMPALATAYA O MABUTING GAWA”
Kung noong
nakaraang linggo ang ipinagkumpara natin ay tungkol sa kung alin ang mahalaga
sa dalawa, ang pagsunod sa mga tradisyon ng relihiyon o ang pagbigay pryoridad
sa pangloob na kalinisan ng puso at pagtulong sa kapwa, ngayon namang linggo ay
ikukumpara natin ang pananampalataya sa mabuting gawa. Alin sa dalawang ito ang
higit na kailangan ng tao para sa kanyang kaligtasan?
Ang
pananampalataya at mabuting gawa ay ang dalawang mahahalagang sangkap sa
espirituwal na buhay ng isang kristyano. Masyadong masalimoot ang usaping ito noong
magsimula ang doktrinang “Sola Fide” ni Martin Luther, na pinaniwalaan ng
kanyang mga tagasunod, at nagin nang masyadong kontrobersiyal para sa
karaniwang mambabasa at tagapangaral ng Bibliya. Sabi nila, “hindi ako
naligtas sa pamamagitan ng aking mabubuting gawa dahil ako ay naligtas sa
pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya na gumagawa ako ng
mabubuting gawa!”
Ito
po ang paboritong talata sa Bibliya na ginagamit ng ating mga kapatid na
Protestante upang igiit ang kanilang doktrina sa “Sola Fide”: “Sapagkat dahil sa biyaya kayo ay naligtas, sa
pamamagitan ng pananampalataya—at ito ay hindi mula sa inyong sarili, ito ay
kaloob ng Diyos—hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang walang sinumang
makapaghambog" (Efeso 2:8-9). Tama naman po ang sinasabi ng talatang
ito, nguni’t parating mali ang pakahulugan na sinasabi ng iba tungkol sa
talatang ito.
Heto
po naman ang iba pang sinasabi ng mga binasa natin ngayong linggo na galing din
sa Banal na Kasulatan:
Sa
Unang Pagbasa na kuha sa Is 50:5-9, sinabi din na: “Binigyan ako ng Panginoong Yahweh ng pang-unawa, hindi ako naghimagsik
o tumalikod sa kanya. Hindi ako gumanti nang bugbugin nila ako, hindi ako
kumibo nang insultuhin nila ako. Pinabayaan ko silang bunutin ang aking balbas
at luraan ang aking mukha. Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila
sa akin, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin. Handa akong
magtiis, sapagkat aking nalalaman na ako'y hindi mapapahiya. Ang Diyos ay malapit,
at siya ang magpapatunay na wala akong sala. May mangangahas bang ako'y usigin?
Magharap kami sa hukuman, at ilahad ang kanyang paratang. Ang Panginoong Yahweh
mismo ang magtatanggol sa akin. Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala?
Mawawalang lahat ang nagbibintang sa akin, tulad ng damit na nginatngat ng
insekto.”
Sa
Santiago 2:14-18, ang ikalawang pagbasa, sinabi din na: “Kung
talagang may magsasabi, “May pananampalataya ako, at ikaw naman ay may mabuting
gawa.” Ito naman ang isasagot ko, paano ko makikita ang pananampalataya mo kung
wala ka namang mabuting gawa? Ipapakita ko sa iyo na may pananampalataya ako sa
pamamagitan ng mabuti kong gawa.”
Sa
ebanghelio na galing sa Markos 8:27-35, sinabi na: “Pinalapit ni Jesus ang mga
tao kasama ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Ang sinumang nagnanais
sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus
at sumunod sa akin. Ito ay sapagkat ang sinumang
nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Datapuwat ang
sinumang mawalan ng buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas niya
ito.”
Kung
ipapaliwanag natin ang mga binasa sa Unang Pagbasa na kuha sa Isaias 50:5-9, ay
nagsasabi ito na ang mga pagtitiis na sinasapit ng isang mananampalataya ay siya
na po ang mga mabuting gawa na bunga, o resulta, ng kanyang pananampalataya.
Diyan
sa ikalawang pagbasa naman ay makukuha ang mga argumento pabor para sa mabuting
gawa laban sa pananampalataya.
Kung
alin sa dalawa ang kailangan ng tao para sa kanyang kaligtasan, ang sagot ayon sa propesor namin noon sa Teyolohiya, ay
ang pananampalataya muna sa umpisa ng kanyang kumbersyon sa kristyanismo upang
siya ay tuluyang makapasok sa iglesiya at maligtas. At, kapag siya ay nakapasok
na at nailigtas na, siyempre kailangan na siyang gumawa ng mabubuting gawa
bilang bunga ng kanyang pananampalataya, mga mabuting gawa tulad ng mga sinabi
sa unang pagbasa.
Kaya
po naman, ang ebanghelio ngayong linggo ay malinaw na nagpapaalala sa sinumang
ibig sumunod kay Jesus na sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay ay
mawawalan nito; nguni’t ang sinumang mawawalan ng buhay dahil sa pananampalataya
sa kanya at sa pananampalataya sa ebanghelyo ng Diyos ay maililigtas niya ang
buhay niya sa mundong ito at sa susunod niyang buhay.