HOMILIYA PARA SA Ika-22 na LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B) sa Misa para sa O.L. of Peñafrancia Deanery Chapel, Bgy. San Jose-San Pablo, Camaligan, Camarines Sur.
“DALISAY AT WALANG DUNGIS NA RELIHIYON”
Ang ebangheliyo para sa ika-22ng Linggo sa Karaniwang Panahon, ay hango sa Markos 7:1-8, 14-15, 21-23.
Ang homiliya para sa linggong ito ay mayroong temang “DALISAY AT WALANG DUNGIS NA RELIHIYON”.
Kamakailan lamang, naghiling ang isang katrabaho ko sa LGU-Camaligan na magsisimula pa lamang ng kanyang sariling negosyo, na kung maaari ba siyang umupa ng isang bahagi ng aming harapan ng bahay para maglagay ng isang food stall. Nagkataon na nagtayo nga siya ng isang malaking food stall na halos masakop na nito ang buong harapan ng aming bahay kung saan naka-display ang isang signage para sa aming simbahan at kapilya. Dahil dito, nagsimulang bumuhos ang mga batikos. Ang ilang mga makakati ang dila nagsabi, “Tingnan mo, napakalaki ng bagong itinayong food stall na halos natakpan na nito ang signage ng iyong simbahan at kapilya!” Bilang sagot ko naman sa kanila ay, “Alin ba ang mas mahalaga, at mas kapaki-pakinabang, ang makatulong sa isang taong gustong magkaroon ng kabuhayan para sa kanyang pamilya, o ang signage para sa ating simbahan at kapilya?”
Para sa inyo, mahal kong mga kapatid, alin nga ba ang higit na mahalaga sa inyo: isang negosyong pangkabuhayan ng tao, o ang prestihiyo ng inyong relihiyon? Ang sagot ay nandito po makukuha sa tema ng ating homiliya na “dalisay at walang dungis na relihiyon”.
Iyan ang sinusubukan ding sagutin ng tatlong pagbasa para sa ika-22 Linggo ng Ordinariyong Taon.
Sa Unang Pagbasa na kinuha sa Dt. 4:1-2, 6-8, ay nagsasabing, “Ngayon, O Israel, pakinggan ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo upang mabuhay kayo nang matagal at mapasainyo ang lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, na inyong Diyos. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan. Sundin ninyo ang mga utos na ibinigay ko sa inyo mula kay Yahweh. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayon makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at pang-unawa. Kaya't masasabi nila: ‘Ang dakilang bansang ito'y matalino at may malawak na pagkaunawa.’ Aling bansa ang may makatarungang tuntunin at kautusan na tulad ng ibinigay ko sa inyo ngayon?’’
Ang
Ikalawang Pagbasa na Sulat ni Santiago 1:27 ay nagsasabi na, “Ang dalisay at
walang dungis na relihiyon sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang
mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang
dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan.”
Ang mga salitang ito ay laban sa mga pangyayaring ikinukwento sa atin sa Ebangheliyo ngayong linggo tungkol sa sagutan ni Jesus at ng mga Pariseo ukol sa pagtupad ng mga tradisyong itinuturo ng kanilang relihiyon, partikular sa paghuhugas ng mga kamay bago kumain, laban sa mga mabubuting gawang dapat nilang inuuna, halimbawa, ang pag-iwas sa mga maruruming mga gawain na galing sa kanilang mga puso, tulad ng mga masamang kaisipan, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagpatay. mga pagnanakaw, mga pag-iimbot, mga kasamaan, pandaraya, kalibugan, pagkainggit, matang masama, pamumusong, kayabangan at kahangalan. Ang sabi ni Jesus ay ito raw po ang nakakasama sa tao at hindi ang ‘di paghuhugas ng mga kamay dahil ang lahat ng kasamaang ito ay nagmumula sa loob at siyang nagpaparumi sa tao.
Dagdag pa rito ay ‘yung mga rekisistos na gawain ng isang mabuting relihiyoso na sinabi si Santiago na pagdalaw sa mga inulila at sa mga babaing bao sa kanilang kapighatian, pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan, at iba pang mga gawaing katulad nito.
Kung susumahin natin ang mga argumento para sa panig ng bulag na pagsunod sa mga tradisyon ng relihiyon at sa panig ng mulat na pagtulong sa mga higit na pangangailangan ng kapwa-tao upang mabuhay sa mundo, ay siyempre mas matimbang ang argumento para sa huling panig, ang pagtulong sa mga pangangailangan ng kapwa-tao.
Nguni’t may malaking hadlang upang lubos na maisakatuparan ang pagtulong sa kapwa kung ang sariling pagkatao ay magulo sa loob ng isang tao. Ang ibig pong sabihin ay, halimbawa, kung siya ay isang taong bisyoso, may maruming kaisipan at hangarin sa kapwa, may pagnanasa ng paglalamang at mga ambisyon sa buhay, makasarili na ang akala niya ay palaging siya ang tama, at iba pa, tulad ng sinasabi ni Jesukristo sa ebangheliyo at ni Santiago sa ikalawang pagbasa natin ngayong linggo.
Kaya po, malinaw na hindi panig ang Panginoong Jesukristo sa bulag na pagsunod sa mga tradisyon ng relihiyon tulad ng paghugas ng mga kamay bago kumain, nguni’t mas matimbang sa kanya ang panloob na paglilinis ng puso ng tao sa lahat ng karumihan at makasalanang pagnanasa. Ang sinumang sangayon sa nabanggit ay isang taong matalino at may malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, at masunurin sa makatarungang tuntunin at kautusang ibinigay ng Dios mismo at hindi sa bulag na pagsunod sa mga tradisyon ng relihiyon.
Naaalala ninyo pa ba ang awitin na pinamagatang “Banal Na Aso, Santong Kabayo” ng mang-aawit na Yano? Ang mga sinasabi diyan sa awitin na ‘yan ay eksakto sa ating homiliya para sa linggong ito.
Heto po ang mga lyrics para sa sinabing awitin:
Banal Na Aso, Santong Kabayo (Song by Yano)
Kaharap ko sa jeep ang isang ale
Nagrorosaryo, mata n'ya'y nakapikit
Pumara sa may kumbento
"Sa babaan lang po", sabi ng tsuper, "kase may nanghuhuli"
Mura pa rin nang mura ang ale:
Banal na aso, santong kabayo
Natatawa ako, hi-hi-hi-hi
Banal na aso, santong kabayo
Natatawa ako, hi-hi-hi-hi
Sa 'yo
Nangangaral sa kalye ang isang lalake
Hining'an ng pera ng batang pulubi
"Pasensya na, para daw sa templo"
"Pangkain lang po", sabi ng paslit, "talagang 'di ba
pu-puwede?"
Lumipat ng puwesto ang lalake.
Banal na aso, santong kabayo
Natatawa ako, hi-hi-hi-hi
Banal na aso, santong kabayo
Natatawa ako, hi-hi-hi-hi
Sa 'yo
Ano man ang 'yong ginagawa sa iyong kapatid
Ay s'ya ring ginagawa mo sa akin
Ano man ang 'yong ginagawa sa iyong kapatid
Ay s'ya ring ginagawa mo sa akin
Banal na aso, santong kabayo
Natatawa ako, hi-hi-hi-hi
Banal na aso, santong kabayo
Natatawa ako, hi-hi-hi-hi
Sa 'yo.
dnmjr/08-27-2024