HOMILIYA PARA SA Ika-16 na LINGGO SA ORDINARYONG PANAHON (Cycle B) sa Misa para sa OL of Peñafrancia Deanery Chapel, Bgy. San Jose-San Pablo, Camaligan, Camarines Sur.
MABUTING PASTOR
Ang ebangheliyo ngayong linggo, na kinuha sa Mk. 6:30-34, ay naguumpisa nang magsabi tungkol sa paguulat ng mga alagad sa Panginoon ukol sa isinagawa nilang misyon na katatapus pa lang.
Kaya naman, ibig silang ihiwalay muna ni Jesus sa mga tao upang makapagpahinga at makakain ng payapa na sila-sila lang.
Nguni’t dinumog pa rin ng mga tao ang grupo ni Jesus at halos ayaw nang mapuknat sa kanila.
Nang makita ni Jesus ang mga tao ay nahabag ang kanyang puso sa kanila at naawa dahil para silang mga tupang walang pastor, kung kaya tinuruan niya sila ng maraming mga bagay.
Ano ba ang mga katangian na hinahanap natin sa isang mabuting pastor? Ang mga binasa na galing sa banal na kasulatan para sa linggong ito ay nagtuturo sa atin ng mga mahahalagang katangian ng isang mabuting pastor.
Una, ‘yung kay Propeta Jeremias 23:1-6, na nagsasabi na ang isang mabuting pastor ay isang hari na tapat at matuwid, hindi kagaya nung mga bayaran, pabaya at halaghag na mga pastor na pinababayaan ang mga tupa na magkaligaw-ligaw, malipol, at lapain ng mga mandaragit na lobo. Itong mga bayarang pastor na ito ay sarili lang nila ang binubusog at nagsisipagtabaan dahil sa pagkain nila sa mga taba at gatas ng mga tupang kanilang inaalagaan, at tuluyang nagsisiyaman.
Pangalawa, yung galing sa sulat ni San Pablo sa mga taga Epeso 2:3-18, na nagsasabi na ang isang tunay at totoong pastor ay ‘yung nag-alay ng kanyang katawan sa krus na tumapos sa kamatayan upang kamtin ang kapayapaan na nagpabalik sa atin sa Ama sa pamamagitan ng kanyang iisang espiritu.
Ang pangatlo ay yung galing sa ebangheliyong binasa ngayong linggo na kinuha sa Markos 6:30-34, na nagsasabi tungkol sa mabuting pastor na may pusong maawain na nagtuturo ng maraming bagay sa mga tupang walang pastor.
At ang pang-apat ay ang mabuting pastor ay nagpapakain at nagpapainom ng kanyang mga tupa at dinadala sila sa mga berdeng sabsaban at dalisay na mga bukal para sa kanilang inumin (Salmong Responsoryo: Sal. 23:1-3).
Ano po ba itong mga pagkain at inumin na ito na ibinibigay ng isang mabuting pastor sa kanyang mga tupa upang sila ay mabusog, magsitabaan, at magsiyaman at hindi si pastor?
Ito po ay ang pagkain at inumin ng mga mabubuting aral at salita tungkol sa misteryo ng Diyos at tungkol sa kanyang kaharian dito sa lupa ngayon mismo habang sila ay nabubuhay pa upang magsilbing mga gabay nila para sa isang masagana, maunlad, mapayapa, tahimik at mapagmahal na pamumuhay kasama ng kanilang pamilya, mga kamag-anak, katrabaho at kasosyo sa isang komunidad ng kapwa tao.
Sa makatuwid, hindi po literal, o materyal, na pagkain at inumin ang ating tinutukoy, kundi ang mga espirituwal na pagkain at inumin na magpapabusog sa ating mga tupa at inakay na mga komunidad upang sila ay maging mabubuting mga tao at makagawa ng mabubuting bagay sa kanilang kapwa.
dnmjr_16 July 2024
No comments:
Post a Comment