HOMILIYA PARA SA Ika-18 na LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B) sa Misa para sa OL of Peñafrancia Deanery Chapel, Bgy. San Jose-San Pablo, Camaligan, Camarines Sur.
IGLESIYA SA ILANG
Ang ebangheliyo para sa linggong ito ng ika-18 sa Karaniwang Panahon na hango sa Juan 6:24-35 ay patungkol sa sagutan ni Jesus at ng mga tao doon sa kabilang ibayo ng dagat sa Capernaum tungkol sa mana sa ilang na ibinigay daw ng Diyos sa mga Israelita noong kapanahunan ni Moises na siya ngayon hinanahanap na ibigay ni Jesus sa kanila.
Kaya ang sabi sa kanila ni Jesus ay: “Totoong sinasabi ko sa inyo, Hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit; kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit. Sapagka't ang tinapay ng Dios ay yaong bumababang mula sa langit, at nagbibigay buhay sa sanglibutan.” At ang sabi naman nila sa Panginoon, “Bigyan mo kaming palagi ng tinapay na ito.”
Ang unang binasa para sa ngayong linggong ito ay tiyak ngang tungkol sa pangyayaring pag-ulan ng mana sa ilang noon panahon ni Moises na binabanggit naman sa ebanghelio ngayong linggo. Ito ay tungkol sa reklamo ng mga tao ki Moises dahil wala na silang makain doon sa lugar ng ilang na pinagdalhan sa kanila ni Moises. Kaya ang mga Israelita ay nagsabi ki Moises: “Namatay na sana kami sa lupain ng Egipto, nang kami ay nauupo sa tabi ng mga palyok ng karne, at kumakain ng mga tinapay hanggang sa mabusog; sapagka't inyong dinala sa ilang na ito ang buong kapisanang ito, upang patayin ng gutom.”
Kaya sinabi ng Panginoon kay Moises, “Narito, magpapaulan ako ng pagkain mula sa langit. Sabihan mo sila, na sa kinahapunan ay kakain sila ng karne, at sa kinaumagahan, ay magpapakabusog sa tinapay upang makilala nila na ako ang Panginoon ninyong Dios.”
Nang makita nga ito ng mga anak ni Israel ay nagsabi sila, “Ano ito?” At sinabi ni Moises sa kanila, “Ito ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kainin.”
Sa mga insidenteng ikinikwento sa atin sa mga binasa sa linggong ito ay nagdadala sa atin na pag-aralan ang mga sitwasyon ng mga Israelita noong panahon ni Moises at ng mga tao noong panahon ni Jesus. At ang sitwasyong ito ay parehong tumutukoy sa naging buhay ng mga tao sa ilang, at ang lahat ng mga pagsubok na naranasan nila upang mapanatili ang pananampalataya sa Diyos sa lugar ng ilang na pinagdalahan sa kanila ng Panginoon.
Ano ang ilang? Sa Bibliya, ang ilang, o disyerto, ay isang espesyal na lugar kung saan ginagawa ng Diyos ang kaniyang mahalagang gawain o inihahatid ang kaniyang mahalagang mensahe.
Narito ang ilang
mga halimbawa:
1. Dinala ng Diyos si Abram at ang kanyang buong pamilya sa ilang ng Haran, at doon sinabi sa kanya, “Umalis ka sa iyong bansa at sa iyong mga kamag-anak at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo” (Gen. 11:31; 12:1; Gawa 7 :2-3).
2. Nakatanggap si Moises ng mensahe mula sa Diyos sa ilang ng Horeb at kinausap siya ng Diyos sa ilang upang mag-alay ng pagsamba kay Yahweh (Ex. 3:18). Ang Pag-alis ng mga Israelita ay naganap sa disyerto mula sa Ehipto hanggang sa Lupang Pangako, at ang mga Israelita ay nanirahan doon sa loob ng apatnapung taon (Jos. 24:7), nagbigay ng batas doon at nagtatag ng unang iglesiya sa disyerto (Mga Gawa 7:38). Dt. 4:10;
3. Tinukso ng Diyablo si Jesucristo sa ilang sa loob ng apatnapung araw (Mt. 4; Mc. 1:12-13; Lk. 4). Si Jesukristo ay nangaral sa mga baybayin ng mga lawa (Mt. 4:13) at mga ilog (Mt. 19:1), sa mga sinagoga ng mga bayan at nayon (Mt. 4:23; 9:35), sa mga liblib na lugar (Mt. 14:13) at sa mga disyerto (Mt. 16:1), at iba pa.
4. Ang babae na nakita ni Apostol Juan sa isang pangitain sa langit (Apoc. 12:1) ay tumakas patungo sa ilang (Apoc. 12:14).
Bakit pinipili ng Diyos ang disyerto, o ang ilang, para sa kanyang mahahalagang mensahe at trabaho para sa mga tao?
Ang salita ng Diyos ay walang lugar sa loob ng natural na relihiyon kung saan ang mabubuting gawa ng tao ay nangingibabaw ngunit sa lugar ng mga kahirapan at pangungulila ng tao kung saan nananaig ang pananampalataya at pagtitiwala sa di-nakikitang Diyos. Kaya naman, sa ilang, o disyerto, nasusumpungan ng tao ang tunay na pananampalataya.
Mula kay Abraham, ang ama ng pananampalataya, hanggang sa mga huling araw ng tunay na Iglesiya, o komunidad ng Diyos sa lupa, ang kasaysayan nito ay ang kasaysayan ng pananampalataya. Ito ay isang tuwid na linya ng kasaysayan mula 1850 B.C. hanggang ngayon. Kung minsan ang kasaysayang ito ay baluktot dahil ito ay sinasalakay ng natural na relihiyon, tulad ng panahon ng Hudaismo sa mga panahon ni Juan Bautista at Jesukristo.
Kung bakit ang pangangaral at pagtuturo ni Juan Bautista sa mga tao ay naganap o ginawa niya sa disyerto ay dahil ang layunin niya ay maghanda ng isang daan upang itayo ang isang pamayanan, o iglesiya, o kapulungan sa disyerto na itinatag ni Moises noon para maitayong muli. Ang pagtatayo nitong kapulungan, o iglesiya ng Diyos sa disyerto, ay ginawa ni Jesukristo (Mt. 16) nang sabihin niyang “Ikaw, Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia” (Mt. 16:17). Ang trabaho ni Juan Bautista ay simpleng ihanda ang isang daan na ito sa disyerto para sa pagdating ng panahon ni Jesucristo. Ang bunga ng gawaing ito nina Juan Bautista at Jesucristo ay ang pagpapanumbalik ng bumagsak na Iglesiya ng Diyos dahil ang tunay na pananampalataya na itinanim at inalagaan sa ilang ay sinalakay at sinakop ng natural na relihiyon.
Tayo rin naman sa MSSPP, bakit tayo nagtitipon dito sa mga bahay-bahay, sa garahe at sa mga kalsada, sa halip na sa mga malalaking katedral, basilika, simbahan, paaralan, seminaryo, at iba pa?
Ang sagot ay
dahil hinahanap natin ang tunay na pananampalataya.
At ang tunay na pananampalatayang Kristiyano at ang mga tiyak na palatandaan nito ay hindi na nakikita sa loob ng kasalukuyang iglesiya, dahil noong taong 316 A.D. ay sinalakay ito ng natural na relihiyon. Ang resulta ng pag-atakeng iyon sa iglesiya na itinatag dati sa pananampalataya ni Jesukristo, na siyang relihiyon para sa Bagong Tipan, sa pamamagitan ng natural na relihiyon sa sulsol o ideya ng noo'y Romanong Emperador na si Constantine ay ang Iglesiya Constantino. Ang Iglesiyang Constantino na ito ay nagsilang ng dalawang magkahiwalay na iglesiya, ang iglesiya Romana Katolika sa kanluran at ang Iglesiya Ortodoks sa timog. Ang una sa dalawang iglesiyang ito ay ang iglesiyang nakikita natin na nagdala sa atin sa pananampalatayang Romano Katoliko.
Wala tayong masasabing masama sa iglesiyang nakikita natin na sangay ng iglesiya ni Emperador Constantine na nakadamit ng natural na pagika-relihiyoso maliban sa halos hindi natin makita ang mga buhay na palatandaan ng tunay na pananampalataya sa Diyos dahil sa makapal na suson ng pagkapaganong tumakip sa pagka-relihiyoso nito.
Noong 1964, ang Iglesiya Romana Katolika ay nanawagan para sa isang reporma sa relihiyon upang ibalik ang iglesiya sa panahon ng sinaunang iglesiyang Kristiyano ng Bagong Tipan. Ang panawagang ito ay ipinarating at ipinatupad sa pamamagitan ng Second Vatican Council. Ang pangunahing panawagan ng Konsehong ito ay, upang makita na ang Iglesiya ay tunay na bumalik sa iglesiya ng Bagong Tipan, katulad ng Ekumenismo. Sa madaling salita, ang ekumenismo ay ang pagkakaisa ng dating magkaribal at magkahiwalay na mga iglesiyang Kristiyano ng Iglesiya Katolika Romana sa kanluran at ng Iglesiyang Ortodoks sa timog sa iisang iglesiyang Kristiyano. Ang Iglesiya Kristiyana na ito ay ang iglesiya ng mga apostol ni Jesukristo na itinatag niya mismo na inihanda ni Juan Bautista sa ilang.
Kaya, ang iglesiyang itinatag ng Second Vatican Council para sa ating modernong panahon ay ang mismong iglesiya sa disyerto na itinayo ni Abraham noong 1850 B.C. Upang maitatag ang gayong iglesiya, kailangan nating bumalik sa disyerto, o sa ilang, kung saan unang itinatag ang iglesiya at patuloy na pinangangalagaan hanggang sa matupad ang propesiya ni Apostol Juan sa aklat ng Kapahayagan na ang Babae ay aalagaan sa ilang hanggang sa matupad ang katapusan ng mga panahon.
Itong iglesiyang ito sa ilang na tinutukoy sa Bibliya ay siya ring iglesiya na tinipon ng Panginoong Jesus doon sa burol sa lawa ng Tiberias kun saan naganap ang himala ng pamamahagi at pagbibigayan ng mga tinapay, at ang pagtitipon ng mga tao sa kabilang ibayo ng lawa ng Capernanum na siya rin naman binabanggit sa ebangheliyong binasa sa linggong ito.
Ang lahat ng mga kaparehong pagtitipon ng mga tao sa lahat ng dahop at alanganing lugar upang magsisamba sa Diyos at magsipag-aral ng kanyang mga salita’t katuruan ay pawang mga iglesiya sa ilang kun saan nagaganap ang paghanap, pagdiskubre, pagpatayo at pagpaunlad sa isang ganap na pananampalataya sa Panginoong Diyos sa loob ng isang tunay at totoong samahang kristyano.
Ito, mga kapatid, ang dahilan kung bakit tinatawag tayo ngayon ng ebanghelyo na sumapi sa isang iglesiya sa ilang, ang samahang misyonaryo ng MSSPP, dahil ang tunay na pananampalatayang hinahanap natin ay matatagpuan lamang sa isang lugar sa ilang.
dnmjr/30 July 2024
No comments:
Post a Comment