HOMILIYA PARA SA IKA-15ng LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B) sa Misa para sa OL of Peñafrancia Deanery Chapel, San Jose, Camaligan, Camarines Sur, Philippines
MISYONERONG TAGUBILIN
Sa ebangheliyo ngayong linggo, sinasabi ng mga bersikulo 7 hanggang 12 ng Mk. 6 na:
“Nilibot niya
ang mga nayon na nagtuturo. Pagkatapos ay tinawag niya ang Labindalawa at
sinimulang ipadala silang dalawahan na nagbibigay sa kanila ng kapamahalaan sa
mga maruruming espiritu.
At inutusan niya
sila na huwag magdala ng anuman sa paglalakbay maliban sa isang tungkod, walang
tinapay, walang tampipi, walang pera sa kanilang mga pitaka.
Dapat silang
magsuot ng sandalyas ngunit, idinagdag niya, huwag magdala ng pamalit na damit.
At sinabi niya sa kanila, Kung kayo'y pumasok sa isang bahay saanmang lugar, manatili kayo roon hanggang sa umalis kayo sa distrito. At kung ang alinmang lugar ay hindi kayo tinatanggap at ang mga tao ay ayaw makinig sa inyo, habang kayo ay lumalayo ay ipagpag ninyo ang alikabok sa ilalim ng inyong mga paa bilang tanda sa kanila. Kaya't umalis sila upang mangaral ng pagsisisi.”
Ito ay ang mga mahigpt na tagubilin para sa mga misyonero na mula sa Panginoon:
1.
Huwag
magdala ng anuman sa paglalakbay maliban sa isang tungkod, walang tinapay,
walang tampipi, at walang pera sa bulsa;
2.
Magsuot
ng sandalyas, ngunit huwag magdala ng pamalit na damit;
3.
Kung
kayo'y pumasok sa isang bahay saanmang lugar, manatili kayo roon hanggang sa
umalis kayo sa distrito.
4. At kung ang alinmang lugar ay hindi kayo tinatanggap at ang mga tao ay ayaw makinig sa inyo, habang kayo ay lumalayo ay ipagpag ninyo ang alikabok sa ilalim ng inyong mga paa bilang tanda sa kanila.
Ang mga tagubilin na iyan ay sinabi ng Panginoong Jesus sa napaka-inosenteng mga salita at paraan, pero heto ang mga malalalim na pakahulugan ng mga iyan.
Bakit kaya? Ito pong mga nasa itaas na tagubilin ay mga praktikal na payo para sa isang misyonero kung magsasagawa siya ng misyon sa isang lugar, dahel sa mga sumusunod na dahelan at kahulugan:
‘Yung pinaka-unang tagubilin, ang dahelan po noon kung bakit bawal magdala ng mga probisyon ang isang misyonero para sa kanyang pagkain, perang gastusin, at kumot na pangtulog habang nagsasagawa siya ng misyon ay “ang manggagawa ay nararapat sa kanyang sahod”. Yung mga tao na kanyang pinagmimisyonan at ang nagpadala sa kanya sa misyon ay obligadong magpakain sa kanya, pati na ang pagbigay ng ibang mga pangangailangan nya para mabuhay sa pagtupad ng kanyang misyon sa isang lugar. Hindi po pwedeng ipadala ang isang misyonero na hindi bigyan ng perang pasahe niya papunta at pag-uwi galing sa misyon ng mga taong nagpadala sa kanya sa misyon, o kaya ‘yung mga taong pinagmisyonan niya na hindi siya bigyan ng perang pasahe pag-uwi niya galing sa lugar nila. ‘Yung mga taong pinagmisyonan niya ay dapat ring magpakain at magbigay ng akomodasyong tirahan sa misyonero habang siya ay nagsasagawa ng misyon sa kanila.
‘Yung pangalawa po, na kailangan magsuot ng sandalyas, walang ibang damit na dala maliban sa kung anong nakasuot na sa katawan niya, ay sa kadahelanang ang misyon na kanyang gagawin sa isang lugar ay dapat pangmadalian lamang, at hindi dapat tumagal ng ilang araw, o abutin pa ng linggo o buwan ang isang misyon. Dapat mabilis na gawin at isagawa ng misyonero ang mga dapat niyang gawin sa lugar na iyon na pagmimisyonan; halimbawa, ang paggamot ng mga may sakit, ang pagpapalabas ng mga demonyo sa mga sinaniban nito, at iba pa, at hindi siya dapat mag-abala sa paggawa ng mga pagtulong sa mga tao. Pagdating na pagdating ng misyonero sa isang lugar, ay huwag nang mag-abala pa o mag-aksaya ng maraming oras, huwag na ring magpatumpik-tumpik pa, tira agad kung titira na parang kidlat kung tumama at magtrabaho sa isang lugar, para makauwi na siya agad pakatapus maisagawa ang trabahong dapat niyang trabahuhin sa lugar na iyon. At pagkatapus ng trabaho, uwi na agad.
Ang pangatlong tagubilin, ang pananatili sa iisang bahay na inakyatan, ay sa kadahelanang pangit tingnan kung ang isang misyonero ay magpalipat-lipat ng bahay na pagtitirhan kung siya ay nagsasagawa ng misyon, dahil lalabas na para bagang naghahanap lamang siya ng mas komportableng buhay habang nagmismiyon siya dyan sa lugar na iyan.
At ang pang-apat na tagubilin, na ipagpag ang paa sa pag-alis at paglabas ng isang misyonero sa isang lugar ay ang pagpagpag ng mga alikabok sa paa ng isang misyonero ito po ang magiging tanda para sa mga tao na umaalis siya sa lugar nila na wala siyang bitbit, o dala-dala, kahit anuman mang bagay lamang na galing sa kanila na ilinalabas niya, dahil pumasok siya sa lugar nila na wala siyang dala na kahit ano, at lalabas siya ngayon na wala rin siya dala na kahit ano, upang hindi makapagsabi ang mga tao na nagpayaman siya habang siya ay nagmimisyon sa kanila. Sa isang salita, bawal mag-“sharon” ang isang misyonero.
Iyan po ang
malalim na ibig sabihin ng mga tagubilin na iyon ng Panginoon para sa kanyang
mga misyonerong labindalawang mga alagad.
May isa pa pong punto dito sa ebanghelio, kung bakit dalawahan ang pagpapadala sa mga misyonero sa pagsasagawa ng isang misyon? Ito po ay tinatawag ngayong panahon na “buddy-buddy system.” Ang sistema pong ito ang nagseseguro na ang mga misyonero ay may “support system” sa lugar na pupuntahan nila, na sila-sila mismo ang magtutulungan, magharangan, o magtakipan, kung sakaling may mga aberya, o aksidente sa lugar na mangyari habang sila ay nandoon, o may mga pagkakamali silang nagawa sa pagsasagawa nila ng kanilang mga trabahong pangmisyon.
Ito pong mga nasabi sa itaas ay ang tamang pamamaraan sa pagsasagawa ng isang misyon sa loob ng Sta. Iglesia.
Hindi po kagaya noong mga nakikita natin sa Facebook na mga larawan ng mga misyonerong nagsasagawa daw sila ng trabahong pagmimisyon sa iba’t-ibang bansa, nguni’t ang ipinapakita ay ang kanilang pagpunta-punta sa iba’t-ibang lugar na para bagang mga turista sila, nagbibisita ng mga kaibigan at kamag-anak, nagdadalo sa mga birthday party at iba pang mga salu-salo kasama ang mga kaibigan, at iba pa. Hindi naman nakikitang nagbibisita at naggagamot sila ng mga may sakit, o kaya nagpapalayas ng mga demonyo, at iba pang ayon sa iniuutos ng Panginoon na dapat gawin ng isang misyonero sa isang lugar.
Kung ang MSSPP-NAORCC (US) Archdiocese of California, ay isang tunay at tapat na “rectifying Church” (ibig sabihin nagtatama o nagtutuwid ng mga kamalian), dapat itama natin ang pagsasagawa natin ng ating mga misyon na ayon talaga sa kaisipan at kalooban ng ating Panginoong Jesukristo sa mga pamamaraang nakasaad sa ebangheliyong binasa ngayong linggo.
dnmjr/9/8/2024
No comments:
Post a Comment