Tuesday, July 30, 2024

 


HOMILIYA PARA SA Ika-17 na LINGGO SA ORDINARYONG PANAHON (Cycle B) sa Misa para sa OL of Peñafrancia Deanery Chapel, Bgy. San Jose-San Pablo, Camaligan, Camarines Sur. 

HIMALA NG PAMAMAHAGI AT PAGBIBIGAYAN 

Ang ebangheliyo ngayong linggo, na kuha sa Jn. 6:1-15, ay tungkol sa himala ng mga tinapay at isda na nangyari doon sa burol kung saan pinagdalhan ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad. At doon naganap ang sinasabi ng karamihan sa atin dati na himala daw tungkol sa multiplikasyon, o pagpaparami, ng limang tinapay at dalawang isda na ginawa daw ni Jesus.  

Totoo nga po ba talaga na naghimala si Jesus at ginawa niya ang multiplikasyon, o pagpaparami, ng mga tinapay at isda doon sa burol na pinagdalhan niya sa napakaraming tao at sa kanyang mga alagad? Ano po ba talaga ang tunay na naganap doon sa kuwento ng himala ng mga tinapay at isda na sinasabi dito sa ebanghelio? 

Wala po talagang himalang naganap na multiplikasyon, o pagpaparami, ng mga tinapay at isda na sinasabing ginawa ng Panginoon.  Ang mga tao po ang gumawa ng himala dahil sa paglabas at pagbabahagi nila ng kanilang mga bitbit, o baon, na pagkain, sa ibang mga taong nanduroon na nagresulta upang silang lahat ay makapagsikain, at may tira pa. 

May nakaugalian po tayo na tinatawag na “potluck” sa mga ginaganap natin na mga partihan at mga kainan sa mga eskuwalahan, sa mga miting ng mga asosasyon, sa mga pagtitipon ng mga kabarkada o tropa, at iba pang mga pagtitipon ng mga tao, kung saan ang bawat isang miyembrong nagsisipagdalo ay may kanya-kanyang bitbit, o baon, na pagkain na galing sa kanilang mga bahay at tahanan. 

At kung oras na sila ay magsisikainan na, ay ilinalabas na nila ang kanilang mga bitbit, o baon,  na pagkain at inihahapag sa mesang pagkakainan upang ibahagi sa lahat ng nagsisipagdalo ang mga pagkaing dala-dala ng bawat isa sa kanila. Sa ating mga Filipino, ang tawag natin dito ay “bring your own baon.” Nguni’t sa mga kristyanong komunidad, ang kaugaliang ito ay tinatawag nilang “agape”, o fraternal meals. 

Iyan po talaga ang nangyari ki Jesus at sa kanyang mga alagad doon sa burol sa may pangpang ng lawa ng Tiberias. Ang pagbabahagi ng pagkain ay inumpisahan ng isang binatilyong may dala ng limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ang ginawa ni Jesus ay ang pagusal niya ng isang mapagpalang panalangin, o basbas,  sa ibabaw ng mga handog ng binatilyo. At nang makita ng mga tawo ang ginawa ni Jesus na pagbasbas sa mga tinapay at isda na dala ng batang lalaki ay ilinabas na rin nila ang lahat-lahat nilang dala-dalang pagkain upang magpabasbas at mabasbasan na rin ni Jesus. 

Nang makita nga ng mga tao ang ginawa ni Jesus sa mga tinapay at isda ng binatilyo, ay ginaya na rin nila ang ginawa ng binatilyo at tuloy inilabas na nila ang napakarami nilang pagkaing dala bilang mga baon upang magpabasbas ng pagkain ki Jesus. At pagkatapus na nakapagsikain ang lahat, mayroon pang natipon na labing dalawang bakol na tirang pagkain ang mga alagad ni Jesus. 

Sa madaling sabi, ‘yan po ang himala na nagyari doon sa burol ng lawa ng Tiberias, na isang himala ng pamamahagi ng mga pagkain na nag-umpisang manggaling sa limang orihinal na tinapay at dalawang orihinal na isda na dala-dala ng isang bata, na pinagsalu-saluhan ng lahat ng mga taong naroroon upang sila ay makapagsikain. 

Kaya, wala naman talagang himala ng multiplikasyon, o pagpaparami, ng mga tinapay at isda ang ginawa ng Panginoon, kundi ang ginawa niya lamang ay ang pagbabasbas ng mga dalang handog ng mga tao na nagresulta ng pagumpisa ng pagbabahagi at pamimigay ng kanilang mga dalang pagkain, o baon, sa bawa’t isa tao na nanduruon upang silang lahat ay makapagsikain. At ang resulta ng pagbabahaging ito ng mga baon ng mga tao ay may natirang labing-dalawang bakol na tirang pagkain. 

Ang karansang ito ng isang himala ng pagmamahagi at pagbibigayan ng pagkain sa mga tao ay ikinikwento rin sa unang binasa na hango sa ikalawang aklat ng mga Hari, ang tungkol sa utos ni Profeta Eliseo sa isang lalaki na ipamahagi niya sa mga tao ang kanyang dala-dalang tinapay. At nang ginawa nga ang pamamahagi at paghahain ng mga pagkain, ang lahat na taong nanduroon ay nabusog, at marami pa ang natirang pagkain. 

Di ba ganito rin ang nangyayari sa mga agape, o fraternal meals, na nagaganap sa mga pagtitipon ng ating mga komunidad, na ang mga baon na bitbit ng mga miyembro ay pinagsasalu-saluhan at pinamamahagi sa lahat ng mga taong nagsisipagdalo? At pagkatapus ng handaan, ay marami pang pagkain ang natitira na kung minsan ay napapanis na lamang dahil sa hindi kayang ubusin. Ang iba naman, ay dinadala na lang sa kani-kanilang mga bahay upang mapakinabangan, embes na masira at tuluyang masayang na lamang. 

Tunay ngang may bisa at kapangyarihan ang mga sinabi sa ikalawang pagbasa ngayong linggo na galing sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Efeso (Ef. 4:1-6); na ang sabi niya ay “magmahalan kayo at pagsumikapang manatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu sa pamamagitan ng buklod ng kapayapaan.” Ang espiritung ito ng pagmamahalan ay ang kapangyarihan sa likod ng lahat ng pagmamahagi at pagbibigayang nagaganap sa buhay ng mga kristyano. 

Ang paggamit ng mga simbolo, o tanda, na tinapay at isda sa kuwento ng ebanghelio ngayong linggo ay isa ring mga simbolismo patungkol sa mga sakramento ng Bautismo (mga isda na antigong simbolo ng mga kristyano, ang ichthus ) at Eukaristiya (ang mga tinapay). 

Samakatuwid, kung papano natin syento-porsyentong malalaman na ang isang kristyano ay tunay nga at totoo ngang isang ganap na kristyano ay nandyan sa kanyang pagsasa-ugaling taglay na pamamahagi at pagbibigayan, na siya namang resulta at epekto ng kanyang bautismo at  pangaraw-araw na pagsabuhay sa Euaristya, na syang dalawang sangkap ng kristyanong pamumuhay. 

Ito ang napakalaki at kagulat-gulat na mga himalang nakikita nating nangyayari sa araw-araw na pamumuhay sa mundo na ating ginagalawan ngayon na, na mga himalang gawa ng Panginoong Jesukristo sa buhay ng kanyang mga alagad at tagasunod na kristyano, sa himala ng tinapay at isda na mga simbolo ng kristyanong Bautismo at Eukaristya.

dnmjr_23 July 2024

No comments: