Tuesday, July 30, 2024

 HOMILIYA PARA SA IKA-14NG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON(Cycle B) para sa Misa sa OL of Peñafrancia Deanery Chapel, San Jose, Camaligan, Camarines Sur, Philippines. 

PROPETANG ITINAKWIL 

Ang ebangheliyo para sa linggong ito ay hango sa Mk 6:1-6, at ang homiliya ay pinamagatang “Propetang Itinakwil”. 

Sa relihiyon, ang isang propeta, o propetisa, ay isang indibidwal na itinuturing na nakikipag-ugnayan sa isang banal na nilalang at sinasabing nagsasalita sa ngalan ng nilalang na iyon, nagsisilbing isang tagapamagitan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng paghahatid sa ibang tao ng mga mensahe o mga turo mula sa supernatural na pinagmulan. 

Ang ebanghelio ay naglalahad ng isang kuwento tungkol sa pangyayaring pag-uwi ni Jesus sa kanyang sariling bayan Nazareth, kasama ang kanyang mga alagad, pumunta sila sa sinagoga dahil araw ‘yun ng pagsamba, at siya ay nagturo sa sinagoga ayon sa kinaugalian ng mga Hudiyo. Ang mga tao doon, bagama't sa simula ay humanga, at sila ay nagsabing “Saan kinuha ng taong ito ang ganitong ang mga bagay? At ano itong karunungang ibinigay sa kaniya na maging ang ganitong himala ay ginawa ng mga kamay niya? Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi ba kasama natin ang kaniyang kapatid na babae?”, hindi nila siya tinanggap. At sa araw din ‘yun hindi na siya pinakinggan at pinaniwalaan ng mga tao. 

Kaya naman, si Jesus ay nakapagsabi: Walang propetang tinatanggap sa kanyang sariling bayan, pamilya at kamag-anak.” 

Ano po ba ang mga dahelan kung bakit itinatakwil, o tinatanggihan, ang isang propeta? 

Hindi na po tayo lalayo pa upang maghanap kung saan kukunin ang mga kasagutan sa tanong na ito, kungdi dito na mismo sa binasang mga kasulatan para sa linggong ito. 

At may tatlong dahelan tayong nakuha: 

Una, ‘yung sinabi ni Propeta Ezekiel na matitigas talaga ang ulo at mga puso ng mga tao na ayaw makinig, o tanggapin, ang mensahe o turo ng isang propeta (Unang Pagbasa, Ez. 2:2-5). Kung minsan, ang Dios mismo ang nagpapatigas ng puso at damdamin ng mga tao para maging silang sutil, upang ipakita niya ang kanyang kadakilaan sa pagligtas at ipakita na rin ang kanyang awa para sa kanyang bayan (Tingnan ang Exodus 4, Hebrews 3:15). 

Pangalawa, ‘yung sinabi si Pablo Apostol na may taglay siyang mga kahinaan, o mga kapintasan, sa kanyang katawan, kaya siya ay inaayawan ng mga tao (Ikalawang Pagbasa (2 Cor. 12:7-10). Ang sinasabi ng Apostol na ‘tinik sa laman’ na mayroon siya na hiningi nyang makatlong beses na alisin sa kanya ng Dios, nguni’t siya ay sinabihan na “Ang aking biyaya ay sapat sa iyo, sapagkat ang kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.”   Tanggap na rin ni Pablo na “kapag ako ay mahina, kung gayon ako ay malakas (2 Cor. 12:9,10).” 

At ang pangatlong dahelan, ay ‘yung nangyari diyan sa ebangheliyong binasa, na dahel sa pamilyar na siya sa mga tao, o kaya kilala na nila siya sa kanyang personal pati na ang kanyang mga sekreto sa buhay, kaya itinatakwil na nila siya.  Akala nila alam na nila ang lahat tungkol sa kanya at sa kanyang pamilya, samantalang kakaunti lang ang alam nila tungkol sa kanyang pagkatao at sa kanyang misyon bilang propeta ng kaharian ng Diyos. 

Sina Ezekiel, Pablo at Jesus ay kabilang sa mga pinakakilalang tao sa Bibliya, na ang bawat isa sa kanila ay isang propetang ipinadala mula sa Diyos, nguni’t nakaranas ng pagtatakwil bilang mga propetang humarap sa pagsalungat mula sa mga tao. 

Sa kabila ng pagtatakwil na ito, silang tatlo ay matagumpay na ginampanan ang kanilang mga misyon bilang propeta dahil hindi nila kailangang bumaba sa antas ng iba upang ipakita ang lakas na kanilang taglay, at inisip na rin nila na mas nararapat nilang ihatid ang buong mensahe, o turo, ng Diyos sa mga tao, kaysa hangarin ang pangsariling dangal, karangalan, pagpupuri, kaginhawahan, o ang pagtanggap ng mga tao. 

Sa bandang huli, ang mensahe o ang turo pa rin ang mas mahalaga kaysa sa tagapagdala ng balita, o ng mensahe. Ang mensahero ay parang isang basahan lamang na, pagkatapus gamitin, ay puwede nang itapon, o kaya iretiro sa isang sulok, upang maghintay ng susunod niyang gamit. 

Ito po ang masaklap na reyalidad sa buhay ng isang tunay na propeta, o ng tunay na tagapagturo ng salita ng Diyos, na itakwil siya at ituring na para bagang isang trapong basahan na pagkatapus gamitin ay basta na lamang itapon, o kaya isabit at iiwan sa isang sulok ng dingding. Magkaganyan pa man, ang importante sa kanya ay maayos na naihatid at naiparating niya ang mensahe, o turo ng Diyos, sa mga tao. 

Kung ang isang propeta, o tagapagturo ng salita ng Diyos ay pinararangalan  ng mga tao, hinahangaan at pinagsisilbihan ng madla na para bagang isang  sikat na sikat na tao, lalo pa kung binabayaran ng malaki at tumatanggap naman ng bayad sa bawat kanyang serbisyo bilang alagad at tagapagturo ng salita ng Diyos, malamang po ay isa siyang palso at arawang propeta.

No comments: