Wednesday, February 26, 2025

NAKIKILALA ANG KAHOY SA KANYANG BUNGA!

 


HOMILIYA SA MISA PARA SA IKAWALONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON (Cycle C) 

NAKIKILALA ANG KAHOY SA KANYANG BUNGA! 

Ang mga babasahin sa Misa para sa Ikawalong Linggo ng Karaniwang Panahon (Cycle C) at ang kanilang mga buod ay ang mga sumusunod: 

Unang Pagbasa – Sirak 27:5-8 - Ang gawa ng magpapalayok ay sa hurno nasusubok, ang pagkatao ng sinuma'y makikita sa kanyang pangangatuwiran. 

Ikalawang Pagbasa –1 Mga Taga-Korinto 15:54-58 - Kapag ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!” 

Ebangheliyo – Lukas 6:39-45 - Tinanong sila ni Jesus nang patalinghaga, “Maaari kayang mag-akay ang isang bulag ng kapwa niya bulag? Pareho silang mahuhulog sa hukay kapag ginawa nila ang ganoon! … Nakikilala ang bawat puno sa pamamagitan ng kanyang bunga. Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong puno ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi.” 

Sa Unang Pagbasa sinabi na ang pagkatao mo ay makikita sa iyong pananalita. Samantalang sinasabi naman sa ebangheliyo na kung ano ang nasa puso ay lumalabas daw sa kanyang mga bibig. 

Mahalaga sa tao ang kakayahan ng paningin dahil ito ang ginagamit natin upang tayo ay makakita. Kung isa kang bulag, ay makakapag-akay ka daw kaya ng mabuti sa kapwa mo bulag? Hindi po, dahil pareho kayong mahuhulog sa hukay. 

Kung ang klase ng isang kahoy ay nalalaman sa pamamagitan sa pagtingin sa kanyang mga bunga, paano mo malalaman ang klase ng kanyang bunga kung ikaw ay isang bulag? 

Ganun din, papano mo malalaman ang klase ng ugali ng isang tao kung ikaw ay bulag? Kung masama man ang kanyang ugali ay hindi mo rin ito makikita dahil ikaw ay isang bulag. Kaya, papano mo maitatama ang kanyang masamang ugali upang siya’y akayin sa tamang paguugali kung ikaw rin ay isang bulag? 

Sinabi na natin noon na ang pagkabulag ng isang tao ay isang porma ng pananalita, upang tukuyin ang pagiging makasarili ng isang tao, dahil sa ang isang bulag ay walang ibang nakikitang reyalidad, o bagay, sa kanyang paligid kundi ang kanyang sarili lamang. 

Kaya, kung makasarili ang isang tao ay bulag siya! Malaman natin na ang isang tao ay makasarili sa pamamagitan ng kanyang mga pananalita. Kung makasarili siya, paano niya aakayin ang ibang tao sa tama kung sarili lamang niya ang kanyang iniintindi? 

Kapag sinabing hindi makakaakay ang isang bulag sa kapwa niya bulag rin, ang ibig sabihin nito ay hindi pwedeng mag-akay ang isang taong makasarili ng isa ring makasariling tao. Bakit po? Dahil walang mangyayari o magaganap na akayan kundi hilahan. Hindi papayag ang isang makasariling tao na magpa-akay sa ibang tao kundi sarili lamang niya ang kanyang paniniwalaan  at hindi ang iba. Kaya, embes magpa-akay ay manghihila lamang siya ng iba papunta sa kanya. Pareho silang maghihilahan kun pareho silang makasarili. Iyan ang magaganap kung dalawang bulag ang magtatangkang mag-aakayan, dahil maghihilahan silang dalawa papunta sa hukay. 

Ano naman po ang ibig sabihin ng salitang “pareho silang mahuhulog sa hukay”? Ang ibig sabihin nito ay pareho silang mahuhulog sa kapahamakan dahil ang ibig sabihin ng “hukay” ay kapahamakan. 

Mahalaga sa isang mangangaral na hindi siya makasarili upang makapag-akay siyang mabuti sa kanyang kapuwa patungo sa mga mabubuting asal.   Dapat gamutin muna ng isang mangangaral ang kanyang sariling pagkabulag, ang kanyang pagiging makasarili niya, bago niya punain ang mga masasamang ugali ng kanyang kapwa. At malalaman natin na ang isang mangangaral ay isang makasarili sa pamamagitan ng pakikinig natin sa kanyang mga pananalita. 

Sa kabuodan, sinabi sa ebangheliyo ngayon na malalaman natin ang klase ng isang kahoy kung makita natin ang kanyang mga bunga. 

Papano naman natin makikita ang mga bunga ng isang bagay, kaganapan, o kaya ang mga pag-uugali ng isang tao, kung tayo ay mga bulag? Ang sabi ni Jesus, “Maaari kayang mag-akay ang isang bulag ng kapwa niya bulag? Pareho silang mahuhulog sa hukay kapag ginawa nila ang ganoon!” 

Ang sabi pa natin noon na ang pagkabulag ay isang uri ng kasalanan na tinatawag nating pagiging isang makasarili. 

Ang pagiging makasarili ng isang tao, kung saan siya ay bulag sa mga  sitwasyon at kaganapan sa kanyang paligid, ay malaking hadlang at balakid upang makita niya ang tunay na kalagayan at pag-uugali ng kanyang kapwa at ang mga bunga nito sa lipunan. 

Ang isang mangangaral na makasarili ay isang “bulag na umaakay sa kapwa niya bulag, at seguradong pareho silang mahuhulog sa hukay”, dahil hindi naman niya nakikita ang tunay na pag-uugali ng kanyang mga pinangaralan na siyang bunga at buod ng kanilang pagkatao. Kung gayun hindi natin sila matutulungan sa pamamagitan ng ating mga pangangaral upang maligtas sila sa kasalanan (ang pagiging makasarili nila na siya ring uri ng pagiging bulag), at hindi sila mapahamak at mamatay sa kanilang pagkatao upang matagumpayan rin nila ang kamatayan (1 Cor. 15:58). 

Kaya, ang mangangaral na makasarili ay hindi pwedeng mag-akay sa kapwa niya na makasariling tao rin dahil pareho silang mapapahamak: ibig sabihin, hindi niya maililigtas ang kapwa niya tao sa kanilang pagiging makasarili rin na siyang dahilan ng kanilang pagkakasala at tuluyang pagkamatay sa buhay na ibinigay ng Diyos. Kun gayon, walang tagumpay sa kamatayan ang magaganap sa parehong bulag na nag-aakayan kundi pareho silang mahuhulog sa hukay ng kapahamakan. 

DNMJR/dnmjr/26 Peb. 2025

 

No comments: