Tuesday, February 18, 2025

MAHALIN NINYO ANG INYONG MGA KAAWAY!

HOMILIYA SA MISA PARA SA IKA-PITONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON (Cycle C) MAHALIN NINYO ANG INYONG MGA KAAWAY! Ang mga babasahin sa Misa para sa Ika-Pitong Linggo ng Karaniwang Panahon (Cycle C) at ang kanilang mga buod ay ang mga sumusunod: Unang Pagbasa – 1 Samuel 26:2, 7-9, 12-13, 22-23. “Sinabi ni Abisai kay David, “Niloob ng Diyos na mahulog ngayon sa mga kamay mo ang iyong kaaway. Kung gusto mo, tatarakan ko na siya ng sibat... Ngunit sinabi ni David, ‘Huwag mong gagawin iyan. Malaking kasalanan na pagbuhatan ng kamay ang haring pinili ni Yahweh. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, darating ang araw na mamamatay rin siya, maaaring sa sakit o sa digmaan. Huwag nawang itulot ni Yahweh na patayin ko ang kanyang piniling hari’.” Ikalawang Pagbasa – 1 Korinto 15:45 – 49. “Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit.” Ebangheliyo – Lukas 6:27-28. “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo.” Galing sa ebangheliyo ni Jesukristo ang katuruan ng ating tema para sa ngayong ika-Pitong Linggo ng Karaniwang Panahon (Taon C) … ang mahalin ang ating mga kaaway. Sino ang ating kaaway? Lahat ng pumupuna at sumasalungat sa ating mga plano at hangarin, at lahat ng umuusig at nanlilinlang sa atin, ay ating mga kaaway. Ang ating kalaban ay sinumang lumalaban, sumasalungat, nagagalit, nang-iinis, at nagpapahirap sa ating buhay. At higit sa lahat, ang ating mga kaaway ay ang lahat ng hindi nagmamahal sa atin, ‘yung napopoot sa atin, at 'yung mga hindi natin gusto sa buhay natin. Maging masunurin tayo kay Jesucristo. Mahalin natin ang ating mga kaaway, ang mga masasama at di-matuwid na tao dahil “pinasisikat ng Diyos ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga matuwid at sa mga hindi matuwid (Mateo 5:45).” Tulad sa ginawa ni David kay Haring Saul sa Unang Pagbasa na hindi niya pinaslang si Saul kahit nagkaroon ng isang pagkakataong makapagganti siya sa kanyang kaaway. At higit sa lahat, alalahanin natin ang sinabi ni Apostol Pablo sa ikalawang Pagbasa na ang alagad ng Kristo, ang kristyano, ay hindi na isang linalang na makalupa, kundi siya ngayon ay isang makalangit na linalang dahil siya ay ipinanganak na ng muli sa pamamagitan ng Banal na Espiritu nin Diyos. Kung gayon, bilang isang makalangit na linalang, magagawa na niyang mahalin ang kanyang mga kaaway, ang lahat na nagpapahirap, umuusig, sumasalungat at tumutuligsa sa kanya, dahil ang mga pamantayan niya sa buhay na ito ay hindi na makalupa kundi makalangit na. Ang pagtuturong ito ay napakahirap gawin. Sino ang makakagawa nito? Kung mayroon, tiyak na wala na sanang mga kulungan at korte ngayon, at marahil wala nang mga alitan at away na magaganap sa buhay natin. Mahirap man itong gawin, nguni't sino ba ang nagsabing madali at hindi mahirap ang daang papuntang langit? Gaya ng palagi nating sinasabi sa ating panalangin ng AMA NAMIN na “patawarin mo kami sa aming mga kasalanan gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin,” ang pagmamahal sa ating mga kaaway ay nagmumula at naguugat sa panalanging ito na itinuro sa atin ng Panginoong Jesukristo. Kung hindi nating magawang mahalin ang ating mga kaaway sa araw-araw nating pamumuhay, ay napakawala ring saysay ang pagpapanalangin natin ng AMA NAMIN. Kaya, mahalin natin sa araw-araw ang lahat na ating mga kaaway, lahat ng pumupuna at sumasalungat sa ating mga plano’t hangarin, mga nagpapahirap, umuusig, nanlilinlang, napopoot, tumutuligsa, hindi natin gusto, at hindi nagmamahal sa atin. Sa ganitong paraan, tayo ay magiging tunay at ganap na mga kristyano, at mga anak ng Diyos na ating Ama sa langit. Paano po ang magmahal sa isang kaaway? Ang pagmamahal ay hanggang sa kamatayan sa krus, gaya ng pagmamahal sa atin ng ating Panginoong Jesukristo. Ang ibig sabihin ay handa tayong magsakripisyo ng ating sarili at mamatay para sa isang minamahal, kaaway man siya o isang kaibigan. Kung ang pagmamahal ng ating Panginoong Jesukristo para sa atin ay humantong hanggang kamatayan sa krus, ganyan din po dapat ang pagmamahal ng isang kristyano, hahantung hanggang kamatayan sa krus, bilang isang sakripisyo at kamatayan ng ating sarili hanggang malagutan tayo ng ating hininga para sa ating minamahal. dnmjr/17 Feb. 2025

No comments: