Tuesday, February 11, 2025

MGA PAGPAPALA’T SUMPA: MALA-ESPIRITUNG KONDISYON NG TAO

HOMILIYA SA MISA PARA SA IKA-ANIM NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON (Cycle C) MGA PAGPAPALA’T SUMPA: MALA-ESPIRITUNG KONDISYON NG TAO 

 Ang mga babasahin sa Misa para sa Ika-Anim na Linggo ng Karaniwang Taon (Cycle C) at ang kanilang mga buod ay narito sa mga sumusunod: 

 Unang Pagbasa – Jeremias 17:5-8 – “Ganito ang sabi ng Panginoon: Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at ginagawang laman ang kaniyang bisig, at ang puso ay humihiwalay sa Panginoon. Sapagka't siya'y magiging gaya ng kugon sa ilang. Mapalad ang tao na tumitiwala sa Panginoon, at ang pagasa ay ang Panginoon. Sapagka't siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa tabi ng tubig.”

Ikalawang Pagbasa – 1 Korinto 15:12, 16-20 – “Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao. Ngunit ngayong si Cristo'y muling binuhay, ito'y katibayan na muling bubuhayin ang mga patay.” 

Ebangheliyo – Lk. 6:17, 20-26 – Sa lkuwento sa ebangheliyo ngayong linggo ay itinuturo sa atin ni Jesukristo ang kanyang pangangaral, o sermon, sa kanyang mga alagad tungkol sa mga pagpapapala at mga sumpa sa ganitong mga pananalita: “Tumingin si Jesus sa mga alagad, at sinabi, “Mapalad kayong mga mahihirap, mga nagugutom ngayon, mga tumatangis ngayon, kung dahil sa inyong pagsunod sa Anak ng Tao ay kinapopootan kayo, ipinagtatabuyan at nilalait ng mga tao, at pinagbibintangang kayo ng masama. Magalak kayo at tumalon sa tuwa kung gayon ang mangyari sa inyo, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Ngunit kahabag-habag kayong mga mayayaman ngayon, kayong mga busog ngayon, kayong mga tumatawa ngayon, kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.” 

Ano po ang ibig sabihin ng pagpapala at ano naman ang sumpa? Ang pagpapapala, o blessing, ay mga salitang nagbibigay pangako ng mga magagadang bagay sa isang tao para sa panahong darating. Ang sumpa naman ay ang kabaliktaran ng pagpapapala, dahil ito ay pagbabanta ng isang kasamaan, o kapahamakang darating sa hinaharap, kung hindi susunod, o gagawin, ang isang utos. Ano po ba ang pinag-ugatan ng pagbibigay ni Jesukristo ng mga pagpapala at mga sumpa? 

Ang pinag-ugatan ng mga salitang pagpapala at mga sumpa ay galing sa mga salita ni Propeta Moises sa Dt. 27:11-28:46, na medyo may kahabaan na hindi natin kailangang lahat itala pa dito. Kung si Moises ay nagbigay ng mga batas, ordinansa, regulasyon at mga utos sa isang bundok (Dt. 5:22, 4:11; Ex. 24:16), kaya ipinapakita din ng ebanghelyo na si Jesukristo bilang isang dakilang mambabatas ay nagbibigay din siya ng mga bagong utos at ordinansa ng Diyos para sa buhay ng mga bagong tao doon sa kanyang Sermon sa Bundok (Mt. 5:7; Mt. 5:7; Mt. 6:20-49). 

 Ang mga salita ng pagpapapala at mga sumpa ito ay may dalang pangako ng kaligtasan sa mga nagsisisunod at ng kapahamakan naman sa mga naglalabag tulad ng sinabi na: “Kung susundin mo ang Panginoon mong Diyos at tutuparin mo ang kanyang mga utos, itataas ka niya sa lahat ng mga bansa sa lupa. Lahat ng mga pagpapalang ito ay darating sa iyo kung susundin mo ang Panginoon mong Diyos.” “Kung hindi mo susundin ang lahat ng utos ng aklat na ito at hindi mo igagalang ang maluwalhati at kamangha-manghang pangalan ng Panginoon (Deut. 27:15-28:14 ).” 

 Ang mga pagpapala at ang mga Sumpa dito sa Lukas 6 ay nagpapahayag ng isang materyal na kalagayan sa buhay ng isang tao dito sa lupa, na mababaligtad sa susunod na buhay (Tingnan sa Lucas 16:25). Kung titingnan natin ang mga pagpapalang ito sa kabuuan ni Lucas, ang mga pagpapala ay para sa mga dukha, nagugutom, umiiyak at naghihirap ngayon, at pagkatapos ang nakalistang apat na sumpa ay para sa mga mayayaman, busog, tumatawa at pumapalakpak ngayon, na kabaligtaran ng apat na pagpapala o pagpapala na ipinapahayag. 

Bakit kailangan natin itong mga pagpapapala’t sumpa? Dahil ang tao ay mayroong dalawang kalagayan, o kondisyon, sa buhay: una, ang makataong kalagayan, at ang ikalawa, ang maka-espiritung kalagayan. Ang makataong kalagayan, o kondisyon, ay ang kalagayan ng tao patungo sa korupsyon, pagkabulok, at kamatayan. Ang maka-espiritung kalagayan, o kondisyon, ng tao ay ang kalagayan niya patungo sa pagkabuhay ng muli, sa resureksyon, sa walang hanggang buhay, at sa kaluwalhatian. 

 Ang mga pagpapala ay nakalaan sa maka-espiritung kalagayan, o kondisyon, ng tao, samantalang ang mga sumpa ay nakalaan sa kanyang makataong kalagayan, o kondisyon, tulad ng makikita dito sa isang ilustrasyon na ito sa ibaba: Kung ipinakita ni Moises ang pangitain ng lahat ng uri ng buhay na darating sa mga Israelita sa lupang pangako sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng mga pagpapala at mga sumpa ng Diyos, kaya ipinakita ni Jesukristo ang isang bisyon sa kanyang mga disipulo at sa mga nagnanais na maging Kristiyano sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng apat na pagpapalang ito at apat na sumpa ng buhay Kristiyano bilang isang pangitain, o bisyon. 

 Kaya, sa diagram na ipinakita natin dito sa itaas, ito ay nagpapakita ng kaugnayan sa pagitan ng mga pagpapalang ipinangako ng Diyos at iba pang mga katangian o birtud na alam na natin. Ang kabuuan kung ating tutuparin at isabuhay ang pagpapala at ang mga paguugali para sa buhay Kristiyano ay ang pagdurusa at pag-uusig na ibinibigay ng mga tao sa mga tunay na propeta ng Diyos. Kung hindi natin ito tutuparin at isabuhay, ang magiging resulta ay tatanggapin tayo ng mga tao gaya ng pagpuri ng mga tao sa mga huwad na propeta noong unang panahon (Lk. 6:26; Jer. 5:31). 

 dnmjr_10 Feb. 2025

No comments: