Tuesday, April 22, 2025

MAPAGDUDANG TOMAS!

 





HOMILIYA SA IKALAWANG LINGGO NG MULING-PAGKABUHAY  (CYCLE C) 

MAPAGDUDANG TOMAS!

“Huwag ka nang magduda kundi maniwala” (Juan 20:27) 

Narito ang mga buod ng ating mga babasahin sa Misa para sa Ikalawang Linggo ng Muling-Pagkabuhay (Cycle C). 

Unang Pagbasa – Mga Gawa 5:12-16 - Lahat sila ay nagkakaisang naroroon sa portiko ni Solomon. Walang sinuman sa mga iba ang naglakas-loob na sumama sa kanila subalit dinakila sila ng mga tao. At maraming pang mga mananampalataya sa Panginoon, kapwa lalaki at babae ay nadagdag sa kanila. 

Ikalawang Pagbasa – Apo. 1:9-11a, 12-13, 17-19 - Nang makita ko siya, ako'y napahiga sa kanyang paanan, ngunit hinipo niya ako ng kanyang kanang kamay at sinabi, "Huwag kang matakot.  Ako ang Una at ang Huli, Ako ang Buhay. Ako ay patay at ngayon ako ay mabubuhay magpakailan-kailanman, at hawak ko ang mga susi sa kamatayan at sa ilalim ng mundo.” 

Ebangheliyo – Jn. 20:19-31 - Pagkatapos ay nagsalita siya kay Tomas, "Ilagay mo rito ang iyong daliri; tingnan mo, narito ang aking mga kamay. Ibigay mo sa akin ang iyong kamay; ilagay mo sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan kundi maniwala ka." Sumagot si Tomas, "Panginoon ko at Diyos ko!" 

Bakit po ba si Apostol Tomas ay naging mapagduda? Narito at ikinikuwento ng binasang ebangheliyo ang dahilan kung bakit si Tomas ay naging mapagduda. 

Kinagabihan ng araw ding iyon, na unang araw ng sanlinggo, nagtipon ang mga alagad. Si Tomas na isa sa labindalawang alagad, na tinatawag Kambal, ay  hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus. 

Sinabi nga ng ibang mga alagad kay Tomas, “Nakita namin ang Panginoon.” 

Sinabi naman ni Tomas sa kanila, “Malibang makita ko ang tanda ng mga pako sa kaniyang mga kamay at mailagay ko ang aking mga daliri roon, at maipasok ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, kailanman ay hindi ako maniniwala.” 

O, ayan!, malinaw na sinasabi dito sa ebangheliyong binasa ang dahilan kung bakit hindi makapaniwala agad-agad si Tomas na si Jesus ay muling-nabuhay, dahil palaging absent siya kung ang mga alagad ay nangagtitipon! 

Ang pagiging palaging absent sa pagtitipon ay malaking dahilan kung bakit ang isang tao ay nagkukulang sa pananampalataya.

At ang ibig sabihin ng palaging absent sa mga pagtitipon ay kulang ang isang tao sa pananampalataya.

 Iyan po ang aral na napupulot natin dahil sa pagiging mapagdudang si Tomas! Ang pag-aabsent sa anumang pagtitipon ay mayroong epekto sa pananampalataya ng isang tao.

Ang solusyon sa pagiging kulang sa pananampalataya ng isang tao ay huwag palaging mag-aabsent sa mga pagtitipon ng anumang samahan. 

_22 Abril 2025