HOMILIYA PARA SA
Ika-31ng LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B)
100%
PAG-IBIG SA PARAAN NG SHEMA
Bilang pagpapatuloy sa ebangheliyong tinalakay noong nakaraang linggo, ang ebangheliyo natin para sa ika-31ng Linggo sa Karaniwang Panahon (Cycle B) na kinuha sa Ebangheliyo ni San Markos 12:28-34, ay tungkol sa kasagutan sa tanong sa temang natalakay na noong nakaraang linggo kung papaano magmamahal at iibig ang isang kristiyano, at ito ay sa pamamagitan ng Siyento Porsyentong Pag-ibig at Pagmamahal sa pamamaraan ng Shema.
Ang insidenteng ito sa ebangheliyo ay pwede nating pakahuluganan sa ibang pangungusap sa ganitong paraan:
May isang Hudyong pantas sa batas na nagtanong kay Jesus: “Guro, paano ako magkakaroon ng buhay na walang hanggan?” (Cf. Lk 10:25-28; Mt 22:34-40).
Sagot ni Jesus: “Puwede bang makontento ka na lang na ikaw ay buhay?”
Sagot naman ng Hudyong Pantas: “Guro, hindi naman po sapat na ang isang tao ay buhay lamang, nguni’t kailangan din niyang may “love-life.”
Ani Jesus: “Ah, love-life ba ang gusto mo? Okay, ito po ang love-life: ‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas‘. At ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’
Ang ebagheliyo ayon kay Markos12:28-34 para sa
linggong ito ay ito po talaga:
Ang kanilang pagtatalo ay narinig ng isa
sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot
ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po
ba ang pinakamahalagang utos?” Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang
utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon nating Diyos ang tanging Panginoon.
Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong
pag-iisip at buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa
gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga
ito.” Wika ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo.
Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At higit na mahalaga ang
umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig
sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na
susunugin at iba pang mga alay.” Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito
kaya't sinabi niya, “Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos.” At mula noon
ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.
Ito naman po ang Unang Pagbasa na kinuha sa Deuteronomiyo
6:2-6 - “Makinig kayo, O mamamayan ng Israel, at sundin ninyo ang kanyang mga
utos para maging mabuti ang inyong kalagayan at upang lalo pa kayong dumami sa
maganda at masaganang lupain, ayon sa ipinangako ng Panginoon, ang Dios ng
inyong mga ninuno. “Makinig kayo, O mga mamamayan ng Israel: Ang Panginoon na
ating Dios ay iisang Panginoon lang. Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios
nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buo ninyong lakas. Huwag ninyong
kalilimutan ang mga utos na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon.
Ang ebangheliyo at ang Unang Pagbasa ay
napapatungkol sa “Shema.” Ang salitang "Shema" ay hango sa unang
salita sa Dt. 6:4-25 na nagsasabing, “Shema, Israel, Adonai Elohenu, Adonai
Ehad” (Dinggin mo, Israel, si Yahweh ang ating Diyos, ang tanging Panginoon at
wala nang iba. Kaya't ibigin mo si Yahweh sa ating Diyos nang buong puso mo, at
nang buong kaluluwa mo, at nang buong lakas mo” (Dt. 6:4-5).
Ano naman ang kahulugan ng Shema? Para sa mga
Israelita, na siyang unang grupo ng mga tao na kumilala kay Yahweh (AKO AY AKO
NGA) bilang kanilang tanging Diyos na dapat sambahin hindi tulad ng ibang grupo
ng mga tao na maraming diyos na sinasamba (Tingnan ang Gen. 1:26, Ex. 15
:11, Deut. 6:14, Ex. 15:2, 8:5-6, Ex , Jn 10:5-6, Isa 26:13, 2 Cor 4:4, Mat. 2:36,
Ph 2:11, at 1 Cor 12:3, Gal 4:8), ang mga salita ng “Shema” ay isang
deklarasyon o pahayag ng isang monoteistikong pananampalataya dahil ang
kanilang diin ay ang mga salitang "ikaw ay Panginoon" (1 Tim. 1:9,
Gawa 17:24, Eph. 4:4-6, 1 Jn. 5:21, Dt. 10:17-22). Ang deklarasyon ng
monoteismo ay sentro ng kanilang pagsamba at espirituwalidad bilang isang
bansa.
Ang pagbigkas ng "Shema" para sa mga
Israelita ay upang ipahayag na si Yahweh na kanilang Diyos lamang ang kanilang papanginoonin,
sasambahin, at paglingkuran (1 Tim. 2:5, Jn. 17:31, 1 Co. 5:4, Ef. 4:4-6, Ga.
3:20). Sa harap ng deklarasyong ito ng pananampalatayang monoteistiko, ang
ibang mga diyos (ang “Baal” na nangangahulugang “ang Panginoon”) na
nagpapakilala sa kanilang sarili mula sa iba’t ibang kultura, relihiyon at
kaisipan ay gustong makipagkumpitensya (Isa. 45:10) para sa kanilang atensyon,
papuri at paggalang, laban kay Yahweh Diyos na dapat muna nilang kilalanin, na
hindi makakapangyari at walang puwang sa kanilang buong pagkatao (sa isip man,
puso at lakas).
Sa pag-awit ng Shema, nais nilang ipahayag ang
kanilang katatagan sa paniniwala kay Yahweh Diyos bilang tanging Panginoon sa
kanilang buhay. Kasabay ng kanilang katatagan ay ang kanilang paghanga, pagsamba
at paglilingkod nang buong isip, puso at lakas. Ito ang uri ng pagsamba na
hinihingi ni Yahweh na Diyos bilang kapalit ng kanyang proteksyon at
pangangalaga sa Israel na kanyang piniling bayan, na kinikilala ni Yahweh
bilang kanyang anak o asawa sa lahat ng mga bansa sa mundo.
Ang pagkilala na hinahanap ni Yaweh mula sa Israel
ay ang mahalin siya “nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas.” Ito ang
pagsamba na dapat ibigay ng Israel sa Diyos na nagbigay ng kanyang buong
atensyon, pangangalaga at pagmamahal sa Israel. Ang pag-ibig na ito ay
ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang tatlong uri ng espirituwalidad na ang
panalangin (pag-ibig nang buong puso), paglilimos (pag-ibig nang buong
kaluluwa), at pag-aayuno (pag-ibig nang buong lakas). Ang tatlong anyo ng
espirituwalidad na ito ay lumitaw sa Ilang nang sila ay tuksuhin o sinubukan ng
mga tukso ng tinapay, mga diyus-diyosan at mga himala.
Ang kasaysayan ng Israel ay naghahayag na bagama't
ipinahayag nila ang kanilang katatagan sa pagkilala kay Yahweh bilang ang
nag-iisang Panginoon, palagi silang nahuhulog sa pagsamba sa mga Baal at
Astoret (Huk. 3:7-8, 2 Hari 17:25-41, Gawa 7). :42-51).
Sa pagdating ni Jesucristo, nagkaroon ng bagong
interpretasyon at kahulugan ang Shema. Tinukoy niya ang Shema bilang una at
pinakadakila sa lahat ng mga utos (Mk. 12:28-30, Lk. 10:25-28, Mt. 22:34).
Para sa Israel, ang diin sa Shema ay doon sa
monoteismo; ang diin sa ikalawang bahagi ng Shema ay “Ibigin mo ang Panginoon
mong Diyos nang buong pag-iisip mo, at nang buong puso mo, at nang buong lakas
mo.” Sinabi ni Jesu-Kristo na ito ang pinakadakila at unang utos.
Ang Ikalawang Pagbasa na kinuha rin sa Mga Hebreyo
7:23-28 ay patungkol naman sa pagtupad ni Jesukristo ng Shema sa kanyang
sariling katawan.
Ito ang sinasabi sa Ikalawang Pagbasa: “Maraming pari noon, dahil kapag namatay ang
isa, pinapalitan siya ng isa upang maipagpatuloy ang mga gawain nila bilang mga
pari. Ngunit si Jesus ay walang kamatayan, kaya hindi naililipat sa iba ang
pagkapari niya. Kaya maililigtas niya nang lubos ang sinumang lumalapit sa Dios
sa pamamagitan niya, dahil nabubuhay siya magpakailanman upang mamagitan para
sa kanila. Kaya si Jesus ang punong
pari na kailangan natin. Banal siya, walang kapintasan, walang kasalanan,
hiwalay sa mga makasalanan, at itinaas ng higit pa sa kalangitan. Hindi siya
katulad ng ibang punong pari na kailangang maghandog araw-araw para sa
kasalanan niya, at pagkatapos, para naman sa mga kasalanan ng mga tao. Si Jesus
ay minsan lang naghandog para sa lahat nang ialay niya ang kanyang sarili. Ang
mga tao na naging punong pari ayon sa Kautusan ay may mga kahinaan. Ngunit ayon
sa sinumpaan ng Diyos matapos maibigay ang Kautusan, itinalaga niya ang kanyang
Anak na maging punong pari magpakailanman, dahil natupad nito ang layunin ng Diyos.”
Samakatuwid, ang Aritmetik
ng kristyanong pagmamahal ay 100% na pag-ibig sa Diyos dahil ang pagmamahal sa
Diyos ay buong-buo (buong isip, buong puso at buong lakas); ang pagmamahal sa
sarili ay 50% na pag-ibig, at ang pagmamahal sa kapwa ay 50% din,
sa suma total na 100% na pagmamahal para sa tao.
Ang pormula ng
Shema para sa pag-ibig at pagmamahal ay:
100% na pag-ibig
at pagmamahal sa DIYOS, dahil dapat ay buong-buo;
50% pagmamahal
sa Sarili; at 50% pagmamahal sa Kapwa, dahil dapat ibigin ang kapwa (50%) kagaya ng
pagmamahal sa sarili (50%):
Kaya, suma-total na 100 % na pagmamahal din para sa TAO.
dnmjr/10-22-2024