Monday, November 4, 2024

SINO ANG BULAG?

 



HOMILIYA PARA SA Ika-30 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B)

SINO ANG BULAG? 

Sa ebangheliyo para ngayong ika-30 na Linggo sa Karaniwang Panahon (Cycle B), na kinuha sa Ebangheliyo ni San Markos 10:46-52, ito ay ang kuwento ng isang bulag na si Bartimeo. 

Nang dumating sina Jesus sa Jerico, may nadaanan silang isang bulag na namamalimos sa tabing daan na ang pangalan ay si Bartimeo. Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Jesus at nagtanong sa kanya, “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakitang muli.” Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya.” Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod na siya kay Jesus. 

Sino nga ba ang bulag? Ang bulag daw ay ‘yung isang taong walang paningin. Kun gayon, kung wala siyang paningin ay wala din siyang nakikita. 

Subukan nating ipikit saglit ang ating dalawang mata at sabay tanungin ang ating sarili habang nakapikit ang dalawang mata natin: “Mayroon ba akong nakikita? 

May nakikita ka nga ba noong nakapikit ang iyong mga mata? Mayroon ba, o wala? Siyempre, mayroon. Kahit ang sa paligid mo ay wala kang nakikita dahil nakapikit ang iyong mga mata at ang nakikita mo lamang ay ang pusukit na kadiliman, nguni’t sa loob ng iyong pagkatawo ay may nararamdaman ka, ang iyong sarili. Kung gayon, kahit bulag ka at wala kang paningin ay may nakikita ka pa rin, at iyan ay ang iyong sarili. 

Sa makatuwid, ang bulag ay sarili lamang niya ang kanyang nakikita at hindi ang ibang taong nasa paligid niya. Kaya, ang isang bulag ay pareho na rin sa isang makasariling tao, dahil sarili lamang niya ang kanyang nakikita at hindi ang iba. Tulad ni Bartimeo sa kuwento sa ebangheliyo na kahit na sinasaway na siya na huwag nang magiingay sa pagdaan ni Jesus ay patuloy pa rin ang kasisigaw niya dahil sarili lamang niya ang iniintindi at hindi ang ibang tao na nasa paligid niya na nagsasaway sa kaniya.   

Ang pagkabulag ay sumisimbolo din sa kasalanan dahil ang lahat ng kasalanan ay nag-uugat sa pagiging makasarili ng isang tao. Kung kaya, ang isang makasariling tao ay siyang makasalanang tao. At dahil, lahat ng tao ay makasarili, kaya lahat ng tao ay makasalanan. 

Ang pagiging makasarili ay sinimulan ni Eba’t Adan sa kuwento ng Hardin sa Eden, ng sinuway nila ang utos sa kanila ng Diyos, kaya’t ang kasalan na ito ni Eba’t Adan ay ang kasalanang orihinal. At dahil lahat ng tao ay nanggaling kina Eba’t Adan, kaya sinasabi na lahat ng tao ay nagmana ng kasalanang nagawa nila, kung kaya, lahat ng tao ay naging makasalalan. Kung ang lahat ng tao ay makasalanan, samakatuwid lahat ng tao ay makasarili, at kung gayon lahat ng tao ay bulag. 

Heto ang mga halimbawa ng mga makasalanan, kung gayon, mga bulag na tao dahil makasarili sila:

  1.  Isang Arsobispo na itiniwalag ang kanyang mga miyembro dahil lamang sa nasaktan ang kanyang “amor propyo” na hindi sinunod ang kanyang mga kagustuhan bilang isang nakatataas na superyor;
   2.   Isang magulang ng pamilya na inuuna ang kayang mga luho, bisyo’t kapritso ng        sariling katawan kaysa ang mga pangangailangang materyal, pisikal at                   espiritwal ng asawa’t mga anak;
   3.   Isang namumuno sa pamahalaan na mas inuuna ang ambisyon niya sa                   politika, hindi nakikinig sa mga hinaing at pangangailan ng mga mamamayan,        ngunit siya ay patuloy na pagiging madamot, mapang-api’t makapritso, at ang           pangungurakot sa pundo ng kaban ng bayan;
   4.   Isang guro sa paaralan, o empleyado ng pribado’t pampublikong sektor, na               hindi makontento sa sobra-sobrang sahod na tinatanggap, ngunit humihingi pa        rin ng suhol, o anumang pabor materyal o sekswal, sa mga kliyente, o patuloy           na pangungurakot sa pundo ng gobyerno; 
   5.   Isang ordinaryong tao na nakaririnig sa katotohanan, ngunit hindi nakikita, o           ayaw tanggapin, ang kahulugan nito;
   6.   At iba pang mga taong katulad nila. 

Ang tanong, ang pagkabulag ba ay napagagagaling at nalulunasan? Katulad sa kuwento ng ebangheliyo ngayong linggo na pinagaling ni Jesus ang isang bulag na si Bartimeo dahil lamang sa kanyang pananampalataya, kung gayon, ang pagkabulag ay napagagaling at nalulunasan upang siya’y mamakitang muli. 

Kung ang bulag sa pisikal na katayuan ay napagagaling, samakatuwid, ang isang bulag sa espirituwal na katayuan, ang taong makasarili’t makasalanan, ay may pag-asang mapagaling din. Kailangan lamang niya ay ang katulad ng pananampalatayang taglay ni Bartimeo para sa isang guro na katulad din ni Jesus na may taglay na kapangyarihan at kakayahan na magpagaling sa kanya. 

Tama ang sinabi sa Una’t Ikalawang Pagbasa ngayong linggo na,   “Ang sabi ni Yahweh, umawit kayo sa kagalakan alang-alang kay Jacob; magpuri kayo at inyong ipahayag na iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan na sila’y pababalikin kasama ang mga bulag at mga pilay, ang mga inang may anak na pasusuhin, pati ang malapit nang manganak; sila'y ibabalik na talagang napakarami! (Jeremias 31:7-9). 

At ang Ikalawang Pagbasa naman ay nagsasabi: “Ang bawat Pinakapunong Pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao para mapatawad ang mga kasalanan nila. Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina ring tulad nila” (Mga Hebreyo 5:1-6). 

Kung ang kasalanan ay ang pagiging makasarili, ito ay pwedeng magamot at malunasan, tulad ng pagagamot at paglulunas sa isang taong bulag. Kung pinagaling ni Jesus ang isang bulag dahil siya ay may pananampalataya, ang isang tao naman na makasalanan dahil siya ay makasarili, ay pwedeng malunanas at magamot kung matututo siyang magmahal ng muli at umibig sa kapwa-tao niya. 

Dahil sa ang kasalanang orihinal ni Eba’t Adan ay ang pagigin makasarili nila dahil tinanggap nila ang katuruan ng Diyablo na “Ang Diyos ay hindi Pag-Ibig, bagkos ay isang malupit na amo, na ibig lamang silang ibilanggo sa kanilang mga sarili”, kaya sa pagtanggap ng pasaring na ito ng kaaway ay tinanggap din nila na hindi sila iniibig ng Diyos kaya sinuhay nila ang kanyang utos na hindi kumain ng prutas sa Kahoy ng Buhay. 

Ibig sabihin, ang sinasabing kasalanang orihinal na minana ng lahat ng tao sa ating unang mga magulang ay ang kawalan ng pag-ibig at pagmamahal ng Diyos, na ito ay tuluyang nawala sa damdamin ng tao at napalitan ng pagiging makasarili, ng pagmamahal sa sarili lamang at hindi sa iba. 

Samakatuwid, ang lunas sa pagiging makasarili ng tao ay ang pag-ibig at pagmamahal. At ito ang sinasabi sa Pangalawang Pagbasa na ginawa ng ating Pinakapunong Pari, na si Jesukristo, ng mag-alay ng kanyang buhay bilang isang “kaloob at mga handog…at dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan.” (Mga Hebreyo 5:3).  

Kung ang tao ay muling matututong umibig at magmahal sa kapwa, ay malulunasan na niya ang kanyang pagiging makasarili, at ang lahat ng mga kasalanang nagawa niya sa buhay, malaki man ‘yan o maliit, katulad ng mga kasalanang nabanggit na natin diyan sa itaas, ang lahat ng mga iyan ay mapapatawad dahil sa pag-aalay sa krus ng buhay na unang ginawa ng ating Pinakapunong Pari na si Jesukristo bilang pagtubos sa atin sa ating mga kasalanan. 

Tulad ni Bartimeo na nagsabi kay Jesus na “Guro, gusto ko pong makakitang muli.” (Mk. 10:51), bilang pagpahayag ng kanyang pananampalataya sa kanya, ay dapat sabihin na din natin ngayon sa Diyos na “Panginoon, gusto ko na din pong magamot at malunasan ang aking pagkabulag at mga kasalanan ng pagiging makasarili sa paraan ng pagumpisang magmahal sa aking mga kapwa.” AMEN. 

Sa pagtatapus, ang pagkabulag ay simbolo ng kasalanan dahil sa ang isang taong bulag ay representasyon, o simbolo, ng isang makasariling tao. Ang makasariling tao ay makasalanang tao dahil sarili lamang niya ang iniisip at hindi ang ibang tao. Ang pagmamahal at pag-ibig sa kapwa ang paraan upang maalis tayo sa sitwasyon ng pagiging makasarili. Si Jesukristo ang nagturo sa atin kung paano magmahal sa kapwa dahil sa kanyang sakripisyo at pagpapakasakit sa krus upang maialay ang kanyang buhay sa pagtubos at pagligtas sa sangkatauhan. 

dnmjr/10-22-2024

SAKRIPISYO NG DUKHANG BABAENG BALO

HOMILIYA PARA SA Ika-32 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B)

 


SAKRIPISYO NG DUKHANG BABAENG BALO 

Ang ebangheliyo para sa linggong ito ay kinuha sa Markos 12: 38-44. Tungkol ito sa puna ni Jesus sa mga mapagkunwaring tagapagturo ng kautusan at sa isang kuwento tungkol sa handog sa kabang yaman doon sa Templo ng isang mahirap na balo. 

Una, ang pagtuligsa ni Jesukristo sa mga mapagkunwaring tagapagturo ng kautusan na ang sabi niya ay mag-ingat sa mga tagapagturo ng kautusan na gustong laging maglalakad sa mga kalsada na may mahabang kasuotan. Nais din nila ang pagbati ng mga tao sa mga palengke. Nais din nila ang umupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at sa mga handaan. Ito raw ang mga lalaking lumunok ng ari-arian ng mga balo, samantalang nagkukunwaring nananalangin sila ng mahahaba. Ang mga ito raw ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan. 

Ang sinabi niyang ito tungkol sa mga mapagkunwaring tagapagturo ng kautusan na ito raw ang mga lalaking lumunok ng ari-arian ng mga balo ay ang naging dahilan ng kuwentong ito sa ebangheliyo para sa ngayong ika-32 na Linggo tungkol sa handog ng isang dukhang babaeng balo. 

Sa nabasa pong ebanghelyo, sa unang bahagi nito, ay tinutuligsa muna ni Jesus ang mga tagapagturo ng katuusan dahil sa kanilang mga mapagkunwaring gawa na gustong magsuot ng mga mahahabang damit, na gustong-gustong magpabati sa mga palengke, magupo sa mga kabisera ng mga handaan na ang mga ito raw ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan; at, ang pangalawa bahagi, ay ang kuwento tungkol sa handog ng isang dukhang babaeng balo. At ito ang kanyang kuwento: 

Umupo si Jesus sa tapat ng kaban ng yaman. Nakita niya kung papaano naghuhulog ng salapi sa kaban ng yaman ang napakaraming tao. Maraming mayayaman ang naghulog ng maraming salapi sa kaban ng yaman. Lumapit ang isang dukhang babaeng balo at naghulog ng dalawang sentimo na maliit lang ang halaga. Tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang dukhang babaeng balong ito ang naghulog ng higit na malaking halaga kaysa sa kanilang lahat na naghulog ng salapi sa kaban ng yaman. Ito ay sapagkat silang lahat ay naghulog ng mga labis nila. Ngunit siya, sa kabila ng kaniyang karukhaan, ay inihulog ang lahat ng kaniyang kabuhayan.” 

Ang kuwentong ito ay nakahahawig sa kuwentong nangyari tungkol kay Profeta Elias at ang babaeng balong taga-Sidon sa Unang Pagbasa na kuha sa 1 Hari 17:10-16. Ito ang nilalaman: 

Kaya pumunta si Elias sa Zarefat. Pagdating niya sa pintuan ng bayan, may nakita siyang biyuda na nangangahoy. Sinabi niya sa babae, “Pakiusap, dalhan mo ako ng kaunting tubig na maiinom…at dalhan mo rin ako ng tinapay.” Sinabi ng biyuda, “Nagsasabi po ako ng totoo, sa harap ng buhay na Panginoon na inyong Dios, na wala na akong tinapay. Ang natitira na lang ay isang dakot na harina sa mangkok at kaunting langis sa banga at kapag naubos na namin ito, mamamatay na kami ng aking anak sa gutom.” 

Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang mag-alala. Sapagka’t ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Hindi mauubusan ng harina ang iyong mangkok at hindi mauubusan ng langis ang iyong banga hanggang sa araw na padalhan ko ng ulan ang lupa.’ ” Lumakad ang babae at ginawa niya ang sinabi ni Elias. Kaya may pagkain araw-araw para kay Elias, at para sa biyuda at sa kanyang anak. Sapagkat hindi nauubos ang harina sa mangkok at hindi rin nauubos ang langis sa banga, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias. 

Sa kabila ng mabibigat na akusasyon at pagtuligsang ito ng Panginoong Jesus laban sa mga Eskriba, ay may magandang bahagi ang kuwento sa ebangheliyo, at ito ang pagpuri niya sa gawang paghahandog ng dalawang sentimo sa Kaban ng Templo ng dukhang babaeng balo, at sinabi ni Jesus na mas matimbang pa ito kisa doon sa handog ng mga mayayaman na nagbigay ng sobra sa kanilang mga pangangailangan, samantalang ang dukha balong ito ay nagbigay sa kabila ng kanyang mga pangangailangan. 

Ano ba ang kapuri-puring bagay sa gawang ito ng dukhang babaeng balo?  Ang kapuri-puri sa gawang ito ng dukhang balo ay ang kanyang damdaming makapag-sakripisyo at pagsasawalang-bahala sa kanyang sariling kapakanan sa ibabaw ng pangangailangan ng iba; at ito ay isang kahanga-hangang gawa dahil mas masakit ang ginawa ng dukhang balo na nagbigay ng abuloy sa kabila ng kanyang kahirapan at kasalatan sa buhay. Kaya po, ang aral na matutunan sa ebangheliyong ito ay “Magbigay Hangga’t Masaktan”. 

Ano po naman ang koneksyon ng aral na ito sa mga bagay na pinupuna’t tinutuligsa ni Jesus sa mga Eskriba’t Pariseo? 

Una, dahil sa ang mga ito ay mga mapagkunwari sapagkat sila ay kumilos na maka-diyos sa panlabas, ngunit hindi maka-diyos sa kanilang mga puso, kaya naman itinatapat sila ni Jesus sa kagandahang asal ng dukhang babaeng balo na nagbibigay ng handog hanggat masaktan, at hindi tulad ng mga eskriba’t pariseo na mga taong paimbabaw. 

Pangalawa, dahil ang mga Eskriba at Pariseo ay hindi naniniwala sa mga paghahain ng mga pari sa Templo, kaya sa pamamagitan ng paghahambing ng napakaliit na handog na ginawa ng mahirap na balo sa mga aksyon ng mga Eskriba at Pariseo, nais ni Jesus na ipakita na ang pag-aalay sa Templo ay mas mahalaga pa rin kaysa sa mga aral na moral na kanilang ginagawa na pawang mapagpakunwari at mapagpaimbabaw at hindi naman tapat sa kanilang mga puso. Ang katotohanang ito ay sinusuportahan ng pagtuturo sa Ikalawang Pagbasa na kinuha mula sa Hebreo 9:24-28 na nagsasabing: 

Sapagkat hindi pumasok si Cristo sa isang banal na lugar na gawa ng tao at larawan lang ng mga bagay na nasa langit, kundi sa langit mismo. Siya ngayon ay namamagitan para sa atin sa harap ng Dios…Ganoon din naman, minsan lang namatay si Cristo nang inihandog niya ang kanyang sarili para alisin ang kasalanan ng mga tao. At muli siyang babalik dito sa mundo, hindi na para akuing muli ang kasalanan ng mga tao, kundi para iligtas ang mga taong naghihintay sa kanya.  

dnmjr/11-04-2024