Monday, November 4, 2024

SAKRIPISYO NG DUKHANG BABAENG BALO

HOMILIYA PARA SA Ika-32 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B)

 


SAKRIPISYO NG DUKHANG BABAENG BALO 

Ang ebangheliyo para sa linggong ito ay kinuha sa Markos 12: 38-44. Tungkol ito sa puna ni Jesus sa mga mapagkunwaring tagapagturo ng kautusan at sa isang kuwento tungkol sa handog sa kabang yaman doon sa Templo ng isang mahirap na balo. 

Una, ang pagtuligsa ni Jesukristo sa mga mapagkunwaring tagapagturo ng kautusan na ang sabi niya ay mag-ingat sa mga tagapagturo ng kautusan na gustong laging maglalakad sa mga kalsada na may mahabang kasuotan. Nais din nila ang pagbati ng mga tao sa mga palengke. Nais din nila ang umupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at sa mga handaan. Ito raw ang mga lalaking lumunok ng ari-arian ng mga balo, samantalang nagkukunwaring nananalangin sila ng mahahaba. Ang mga ito raw ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan. 

Ang sinabi niyang ito tungkol sa mga mapagkunwaring tagapagturo ng kautusan na ito raw ang mga lalaking lumunok ng ari-arian ng mga balo ay ang naging dahilan ng kuwentong ito sa ebangheliyo para sa ngayong ika-32 na Linggo tungkol sa handog ng isang dukhang babaeng balo. 

Sa nabasa pong ebanghelyo, sa unang bahagi nito, ay tinutuligsa muna ni Jesus ang mga tagapagturo ng katuusan dahil sa kanilang mga mapagkunwaring gawa na gustong magsuot ng mga mahahabang damit, na gustong-gustong magpabati sa mga palengke, magupo sa mga kabisera ng mga handaan na ang mga ito raw ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan; at, ang pangalawa bahagi, ay ang kuwento tungkol sa handog ng isang dukhang babaeng balo. At ito ang kanyang kuwento: 

Umupo si Jesus sa tapat ng kaban ng yaman. Nakita niya kung papaano naghuhulog ng salapi sa kaban ng yaman ang napakaraming tao. Maraming mayayaman ang naghulog ng maraming salapi sa kaban ng yaman. Lumapit ang isang dukhang babaeng balo at naghulog ng dalawang sentimo na maliit lang ang halaga. Tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang dukhang babaeng balong ito ang naghulog ng higit na malaking halaga kaysa sa kanilang lahat na naghulog ng salapi sa kaban ng yaman. Ito ay sapagkat silang lahat ay naghulog ng mga labis nila. Ngunit siya, sa kabila ng kaniyang karukhaan, ay inihulog ang lahat ng kaniyang kabuhayan.” 

Ang kuwentong ito ay nakahahawig sa kuwentong nangyari tungkol kay Profeta Elias at ang babaeng balong taga-Sidon sa Unang Pagbasa na kuha sa 1 Hari 17:10-16. Ito ang nilalaman: 

Kaya pumunta si Elias sa Zarefat. Pagdating niya sa pintuan ng bayan, may nakita siyang biyuda na nangangahoy. Sinabi niya sa babae, “Pakiusap, dalhan mo ako ng kaunting tubig na maiinom…at dalhan mo rin ako ng tinapay.” Sinabi ng biyuda, “Nagsasabi po ako ng totoo, sa harap ng buhay na Panginoon na inyong Dios, na wala na akong tinapay. Ang natitira na lang ay isang dakot na harina sa mangkok at kaunting langis sa banga at kapag naubos na namin ito, mamamatay na kami ng aking anak sa gutom.” 

Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang mag-alala. Sapagka’t ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Hindi mauubusan ng harina ang iyong mangkok at hindi mauubusan ng langis ang iyong banga hanggang sa araw na padalhan ko ng ulan ang lupa.’ ” Lumakad ang babae at ginawa niya ang sinabi ni Elias. Kaya may pagkain araw-araw para kay Elias, at para sa biyuda at sa kanyang anak. Sapagkat hindi nauubos ang harina sa mangkok at hindi rin nauubos ang langis sa banga, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias. 

Sa kabila ng mabibigat na akusasyon at pagtuligsang ito ng Panginoong Jesus laban sa mga Eskriba, ay may magandang bahagi ang kuwento sa ebangheliyo, at ito ang pagpuri niya sa gawang paghahandog ng dalawang sentimo sa Kaban ng Templo ng dukhang babaeng balo, at sinabi ni Jesus na mas matimbang pa ito kisa doon sa handog ng mga mayayaman na nagbigay ng sobra sa kanilang mga pangangailangan, samantalang ang dukha balong ito ay nagbigay sa kabila ng kanyang mga pangangailangan. 

Ano ba ang kapuri-puring bagay sa gawang ito ng dukhang babaeng balo?  Ang kapuri-puri sa gawang ito ng dukhang balo ay ang kanyang damdaming makapag-sakripisyo at pagsasawalang-bahala sa kanyang sariling kapakanan sa ibabaw ng pangangailangan ng iba; at ito ay isang kahanga-hangang gawa dahil mas masakit ang ginawa ng dukhang balo na nagbigay ng abuloy sa kabila ng kanyang kahirapan at kasalatan sa buhay. Kaya po, ang aral na matutunan sa ebangheliyong ito ay “Magbigay Hangga’t Masaktan”. 

Ano po naman ang koneksyon ng aral na ito sa mga bagay na pinupuna’t tinutuligsa ni Jesus sa mga Eskriba’t Pariseo? 

Una, dahil sa ang mga ito ay mga mapagkunwari sapagkat sila ay kumilos na maka-diyos sa panlabas, ngunit hindi maka-diyos sa kanilang mga puso, kaya naman itinatapat sila ni Jesus sa kagandahang asal ng dukhang babaeng balo na nagbibigay ng handog hanggat masaktan, at hindi tulad ng mga eskriba’t pariseo na mga taong paimbabaw. 

Pangalawa, dahil ang mga Eskriba at Pariseo ay hindi naniniwala sa mga paghahain ng mga pari sa Templo, kaya sa pamamagitan ng paghahambing ng napakaliit na handog na ginawa ng mahirap na balo sa mga aksyon ng mga Eskriba at Pariseo, nais ni Jesus na ipakita na ang pag-aalay sa Templo ay mas mahalaga pa rin kaysa sa mga aral na moral na kanilang ginagawa na pawang mapagpakunwari at mapagpaimbabaw at hindi naman tapat sa kanilang mga puso. Ang katotohanang ito ay sinusuportahan ng pagtuturo sa Ikalawang Pagbasa na kinuha mula sa Hebreo 9:24-28 na nagsasabing: 

Sapagkat hindi pumasok si Cristo sa isang banal na lugar na gawa ng tao at larawan lang ng mga bagay na nasa langit, kundi sa langit mismo. Siya ngayon ay namamagitan para sa atin sa harap ng Dios…Ganoon din naman, minsan lang namatay si Cristo nang inihandog niya ang kanyang sarili para alisin ang kasalanan ng mga tao. At muli siyang babalik dito sa mundo, hindi na para akuing muli ang kasalanan ng mga tao, kundi para iligtas ang mga taong naghihintay sa kanya.  

dnmjr/11-04-2024 

No comments: