Tuesday, April 1, 2025

ANG SULAT SA LUPA!

 


HOMILIYA SA MISA PARA SA IKALIMANG LINGGO SA KUWARESMA (Cycle C) 

ANG SULAT SA LUPA! 

Ang mga pagbasang gagawin sa Misang ito para sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma (Cycle C) at ang kanilang mga buod ay ang mga sumusunod: 

Unang Pagbasa – Josue 5:9a, 10-12 - Samantalang ang mga Israelita ay nasa Gilgal sa kapatagan ng Jerico, ipinagdiwang nila ang Paskwa noong kinagabihan ng ikalabing apat na araw ng unang buwan. 

Ikalawang Pagbasa –2 Cor. 5:17-21 - Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago… Sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at hindi na niya tinatandaan ang kanilang mga kasalanan… Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos. 

Ebangheliyo – Juan 8:1 – 11 - Dumating ang mga eskriba’t Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan, at sinabi kay Jesus, “Guro, ang babaing ito'y nahuli sa aktong pangangalunya. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo?”  Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya. Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. 

Ang kuwento ng ating ebangheliyo para sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma (Cycle C) ay kinuha sa Juan 8:1 – 11, at may temang “ANG SULAT SA LUPA!”. Ganito ang kanyang buod: 

Pumunta si Jesus sa templo upang mangaral doon sa mga tao.

Ang mga eskriba’t Pariseo ay nagdala sa harapan niya ng isang babaeng nadakip sa pakikiapid (pangangalunya). Tinanong nila si Jesus kung ano ang dapat gawin sa kanya ayon sa batas ni Moises. Ito ay ginawa nila upang siya’y tuksuhin at isumbong kalaunan.

Yumuko si Jesus at nagumpisang sumulat ng kanyang daliri sa lupa.

Nang makita ng lahat ng tao ang mga katagang isinulat niya sa lupa, ay isa-isang nagsilisan ang mga taga-usig niya, at unti-unti nila siyang iniwan kasama ang babaeng makasalanan.

Sa ganitong paraan, iniligtas ni Jesus ang isang babaeng makasalanan na muntik nang mapahamak na maparusahang batuhin ng mga tao hanggang mamatay.

At sinabihan ni Jesus ang babae, “Nasaan sila? Sa ganang ikaw, hindi rin kita parurusahan. Humayo ka’t huwag ng magkasalang muli.” At mapayapang nilisan ng babae si Jesus!

Ganyan ang kuwento sa ebangheliyo.

Tanong: Ano po ba ang mga katagang isinulat ng daliri ni Jesus sa lupa doon sa pangyayari ng kuwento, na nang mabasa ito ng mga tao ay paisa-isa silang umalis at iniwan si Jesus at ang babaeng gusto nilang saktan ng kamatayan dahil sa salang pakikiapid?

Ang totoo po ay wala naman talagang mga katagang isinulat si Jesus sa lupa na mababasang literal ng mga tao.

Nguni’t ang kilos niyang pagturo sa lupa ang may malalim na kahulugan, na naitindihan kaagad ng mga tao na tila baga isang pahiwatig sa kanila na tayong lahat na mga tao ay kapwa makasalanan at marurumi din dahil tayong lahat ay galing at gawa sa lupa, at sa lupa din tayo babalik!

Gaya ng sinabi sa banal na kasulatan na: “Alalahanin mo, tao, na ikaw ay alabok ng lupa, at sa alabok ng lupa ka rin babalik” (Gen. 3:19; Ec. 12:6), na isa itong pahayag sa Bibliya na kadalasang ginagamit ng mga kaparian tuwing Miyerkules de Ceniza (Ash Wednesday).

Samakatuwid, mga kapatid, ang babaeng nagkasala ng pangaapid ay kinikilalang isang makasalanang tao na, ayon sa mga eskriba’t Pariseo, ay dapat sana’y mamatay sa paraan ng pambabato sa kanya ng mga tao ayon sa batas ni Moises.

Nguni’t sa batas ng Panginoong Jesus, bagama’t ang babae ay may nagawang isang kasalanan, ay siya’y tao pa ring tulad ng lahat ng tao na nagkakasala at may karupukang katangiang taglay,  dahil tayong lahat ay mga taong galing sa lupang may karupokan at karumihang pinangalingan, na dapat din irinerespeto,  iniintindi, at inuunawa ang mga taglay na kahinaan at kalapasan ng bawat isa dahil sa kalayaang taglay din natin bilang mga tao.

Kung gayon, embes na patayin ang isang taong nagkasala, o makasalalan, ay dapat siyang intindihin at bigyan ng simpatiya ang kanyang mga kahinaan at kalapasan bilang tao ring katulad natin.

Sa mga kasong ganito, tulad ng mga kaso ng kapwa tao sa kampanya sa illegal drugs, ay embes na patayin ay dapat may pagpapatawad at paguunuwang ginagawa upang mapatotohanan ang mga sinabi ni Pablo Apostol sa Ikalawang Pagbasa sa linggong ito na “Sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at hindi na niya tinatandaan ang kanilang mga kasalanan” (2 Cor. 5:19).

Iyan ang mahalagang leksyon sa atin ng ebangheliyo ngayong linggo. Ang pagpapatawad sa mga kasalanan ay magandang gawin sa panahon ng Kuwaresma ng ating Inang Sta. Iglesiya. 

At sa huli, sinabi niya sa kanila, “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan, ang siyang unang bumato!”

dnmjr/3/02/2025