Wednesday, June 11, 2025

TATLUHANG DIYOS

 


HOMILIYA SA LINGGO NG PISTA NG SANTISSIMA TRINIDAD (CYCLE C) 

TATLUHANG DIYOS 

Narito ang mga buod ng ating mga babasahin sa Linggo ng Pista ng Santissima Trinidad (Cycle C). 

Unang Pagbasa – Kawikaan 8:22-31 - Sa lahat ng nilikha ni Yahweh, ako ang siyang una, noong una pang panahon ako ay nalikha na… Nang likhain ang mga langit, ako ay naroroon na, maging nang ang hangganan ng langit at lupa'y italaga… ako'y lagi niyang kasama at katulong sa gawain, ako ay ligaya niya at sa akin siya'y aliw. Ako ay nagdiwang, nang daigdig ay matapos, dahil sa sangkatauhan, ligaya ko ay nalubos. 

Ikalawang Pagbasa – Rom. 5:1-5 - At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. 

Ebangheliyo –Juan 16:12-15 - Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo. 

Noong nakaraang linggo sa homiliya para sa pista ng Pentecostes, bahagyang tinalakay na natin ang tungkol sa tema na ito, ang tungkol sa tatlong persona ng Diyos na tinatawag na Misteryo ng Santissima Trinidad.

Sinabi natin doon na, “isang persona ang Espiritu Santo, ang ikatlong persona ng Diyos, dahil siya an ikatlong manipestasyon (na kilala rin bilang: Latin, “persona”, na may mga kahulugan na aspeto, imahe, maskara, o manipestasyon) ng Diyos.

Ang unang persona, o manipestasyon ng Diyos ng kanyang sarili, ay bilang siya ay liwanag, na siyang tinatawag na Diyos Ama, na tagapagbigay ilaw at buhay sa lahat ng mga linalang.

Ang ikalawang manipestasyon ng Diyos ng kanyang sarili ay ang tinig, tunog, salita, o verbo, na siya ring tinatawag na Diyos Anak.

At ang ikatlong persona, o manipestasyon, ng Diyos ng kanyang sarili ay bilang lakas, o kapangyarihan sa paggawa, na tinatawag Espiritu Santo na siya ring semilya ng buhay.

Ang tatlong ito ay mga manipestasyon ng iisang Natura (na galing sa salitang Latin “nascor”, na ibig sabihin ay simula, orihen, pagsilang, kapanganakan, at iba pa), ang Inang tagapagsilang, tagagabay, at tagapagligtas ng buhay ng mga tao dito sa ating mundo.”

Sa linggong ito, ang ating ebangheliyo ay ang nagbibigay ng malinay na pahiwatig tungkol sa Santissima Trinidad, ang Tatluhang Diyos. Binanggit sa ebangheliyo na ito ang tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo bilang mga kakanyahan ng iisang Diyos.

May isa pang pinanggalingan ang doktrina na ito, ang pinakatanyag na talata na may kaugnayan sa bautismo na nasa Mateo 28:19, na nagtuturo sa mga mananampalataya na "Humayo nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo". Ang talatang ito ay nagbabanggit tungkol sa Tatluhang Diyos, ang misteryo ng Santissima Trinidad.

Ang pananampalayatayang ito tungkol sa Tatluhang Diyos ay siya ring angkop sa mga taong nasa relihiyon  ng lipunang burukrata-kapitalismo na tinatawag na Monopolytheism. 

dnmjr/11-06-2015 

Saturday, June 7, 2025

ESPIRITU SANTO: ANG KAPANGYARIHAN NG DIYOS

 


HOMILIYA SA LINGGO NG PISTA NG PENTECOSTES (CYCLE C) 

ESPIRITU SANTO: ANG KAPANGYARIHAN NG DIYOS 

Narito ang mga buod ng ating mga babasahin sa Linggo ng Pentecostes (Cycle C). 

Unang Pagbasa – Gawa 2:1-11- Nang sumapit ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nasa iisang pook na nagkakaisa. Sila ay nakaupo sa loob ng isang bahay. Biglang may umugong mula sa langit tulad ng humahagibis na marahas na hangin at pinuno nito ang buong bahay. May nagpakita sa kanila na nagkakabaha-bahaging mga dila tulad ng apoy at ito ay lumapag sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at nagsimulang magsalita sa ibang mga wika ayon sa ibinigay ng Espiritu sa kanila na kanilang sasabihin. 

Ikalawang Pagbasa –1 Co 12:3b-7, 12-13 – Kaya nga, walang sinumang tao ang makakapagsabing si Jesus ay Panginoon maliban sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 

Ebangheliyo –Juan 20:19-23 - Sinabi ngang muli ni Jesus sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo. Kung papaano ako isinugo ng Ama, gayundin, isinusugo ko kayo. Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi sa kanila: Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. Ang kaninumang mga kasalanan na inyong pinatatawad ay ipinatatawad iyon sa kanila. Ang kaninumang mga kasalanan na hindi ninyo pinatatawad, ang mga ito ay hindi pinatatawad. 

Ang kasalukuyang kristyanong pista ng Pentecostes ay mula sa isa sa tatlong pista ng mga Hudyo na may Griyegong pangalan ng “Pentecostes” (Ex 23. 14-17 - ang talababa a ng Gawa 2:1 ay nagsasabi na, “Ang kapistahan ng Pag-aani, na tinatawag na “kapistahan ng mga Linggo’ sa Ex. 34:22; ito ay ginanap ng pitong linggo (Dt 16:19), o limampung araw, Lv. 23:16, pagkatapos ng Paskuwa (samakatuwid ang Griyegong pangalan nito ay ‘Pentecost’, Tb. 2:1) at minarkahan ang pagtatapos ng pag-aani ng trigo”. Tingnan sa Jerusalem Bible). 

Ang Pentecostes ay itinutugma sa isang ekperyensiya ng mga sinaunang apostoles ni Jesus na pagkatapus na si Jesus pinatay sa krus ay nagkulong sila sa isang kuwarto sa Jerusalem dahil sa takot nila sa mga Hudiyong kaparian na baka sila rin ay isunod na ipadakip at ipapatay ng kagaya sa kanilang tagpagturo. Nguni’t sa pagtitipong ‘yun sa itaas na kuwarto ay pinukaw ang kanilang mga isipan at damdamin sa isang bago at masidhing katotohanan tungkol sa kanilang guro at napagtanto nila na siya pala ay isang sugo ng Diyos kung kaya ito ay namatay nguni’t muling binuhay upang iligtas ang mga tao sa kanilang miserableng kalagayan sa buhay. 

Kaya, nakatanggap sila ng bagong lakas at kapangyarihang lumabas sa kanilang pagtatago sa isang kuwarto sa itaas at hayag-hayagang magsalita sa mga tao sa labas tungkol kay Jesus na kanilang tagapagligtas.

Ito na po ang pagsilang ng Sta. Iglesiya mula sa eksperyensiya ng mga sinaunang apostoles sa araw ng isang Pentecostes, kung saan nagbuhos sa kanila ang Espiritu Santo ng isang maliwanag na inspirasyon tungkol sa misyon at mga gawain ni Jesus para sa kaligtasan ng mga tao. 

Ang Espiritu Santo ay ang kapangyarihan at lakas ng Diyos na siyang ginagamit niya upang siya’y makapagtrabaho. 

Halimbawa: Una, sa Gen. 1:2, sinasabi na ang Espiritu ng Diyos ay umaaligid sa ibabaw ng katubigan, at sa simula pa lamang ng paglikha niya ng sanglibutan ay nadoon na ang kanyang Espiritu upang gumawa ng kaniyang mga gawain. 

Pangalawa, sa Lukas 1:35, sinabi ng anghel kay Maria na darating sa kanya ang Banal na Espiritu, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ang lililim sa kanya, dahil sa ang Espiritu Santo ay isang binhi (Gk., “esperma”, “seed”) ng Diyos na pagmumulan ng buhay ng magiging anak ni Maria. Ang binhing ito ay may kapangyarihang taglay upang makapagsimula at makapagbigay ng buhay. 

Pangatlo, sa ating ebangheliyong binasa para sa linggo ito ay sinabi na tatanggap sila ng Espiritu Santo upang ang mga kasalan ng sinuman na kanilang ipapatawad ay patatawarin. Samakatuwid, ang Espiritu Santo lamang ang may kapangyarihang magpatawad at mag-alis ng mga kasalanan ng sinuman tao. 

Pang-apat, sa ikalawang pagbasa sa linggong ito, si apostol Pablo mismo ang nagsabi na “iisang Espiritu ay ibinigay sa lahat upang siya’y inumin” (1 Co 12:13). Ang isang kapangyarihan lamang ay siyang pwedeng inumin ninuman. 

Panglima, sa pangatlong stanza ng kantang “Veni Creator Spiritus”, sinasabi na ang Espiritu Santo ay ang daliri ng kanang kamay ng Ama. Ang talatang ito ay tumutukoy sa Espiritu Santo bilang kapangyarihan ng Diyos. 

Sinasabi din natin na isang persona ang Espiritu Santo, ang ikatlong persona ng Diyos, dahil siya an ikatlong manipestasyon (na kilala rin bilang: Latin, “persona”, na may mga kahulugan na aspeto, imahe, maskara, o manipestasyon) ng Diyos. 

Ang unang persona, o manipestasyon ng Diyos ng kanyang sarili, ay bilang siya ay liwanag, na siyang tinatawag na Diyos Ama, na tagapagbigay ilaw at buhay sa lahat ng mga linalang. 

Ang ikalawang manipestasyon ng Diyos ng kanyang sarili ay ang tinig, tunog, salita, o verbo, na siya ring tinatawag na Diyos Anak. 

At ang ikatlong persona, o manipestasyon, ng Diyos ng kanyang sarili ay bilang lakas, o kapangyarihan sa paggawa, na tinatawag Espiritu Santo na siya ring semilya ng buhay. 

Ang tatlong ito ay mga manipestasyon ng iisang Natura (na galing sa salitang Latin “nascor”, na ibig sabihin ay simula, orihen, pagsilang, kapanganakan, at iba pa), ang Inang tagapagsilang, tagagabay, at tagapagligtas ng buhay ng mga tao dito sa ating mundo. 

Bilang pangtapus, hiramin natin ang isang pahayag tungkol sa mga gawain ng Espiritu Santo sa ating Iglesiya, na nagsasabing, “Hayaang ang Banal na Espiritu ang maghirang, magpahid, at magbigay ng kapangyarihan—hindi pulitika, hindi mga alyansa, hindi mga personal na agenda. Bumalik tayo sa silid sa itaas, kung saan nagsimula ang Iglesiya—hindi sa kompetisyon, kundi sa panalangin; hindi sa posisyon, ngunit sa pagkakaisa; hindi sa kontrol, ngunit sa pagsuko. Kung talagang mahal natin ang Sta, Iglesiya, hahayaan nating kumilos ang Diyos. Magtitiwala tayo na ang Espiritu ang nagtatayo, hindi ang ambisyon” (Post ni Ken Ken na may titulong “When Service Becomes Self-Interest”, Facebook: June 3, 2025). 

dnmjr/2 Hunyo 2025

Wednesday, May 28, 2025

LANGIT SA ATING MGA KAISIPAN

 

 

 


 HOMILIYA SA MISA PARA SA PISTA NG PAG-AKYAT NG PANGINOON SA LANGIT (Cycle C)

 

LANGIT SA ATING MGA KAISIPAN 

Narito ang mga buod ng ating mga babasahin sa Misa para sa Linggo ng Pag-akyat ni Jesus sa Langit (Cycle C). 

Unang Pagbasa –  Mga Gawa 1:1-11 - Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, habang sila ay nakamasid, siya ay dinala paitaas. At ikinubli siya ng isang ulap sa kanilang paningin. Nang nakatitig sila, habang siya ay pumapaitaas, narito, dalawang lalaki na nakaputing damit ang tumayo sa tabi nila. 11 Sinabi ng dalawang lalaki: Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatitig sa langit? Itong si Jesus na dinala sa langit mula sa inyo ay babalik din katulad ng pagpunta niya sa langit na inyong nakita. 

Ikalawang Pagbasa – Eph 1:17-23 -  Ang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan. Kaya't nasa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. 

Ebangheliyo – Lk 24:46-53 - Pagkatapos ng mga ito, sila'y isinama ni Jesus sa labas ng lungsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila'y binasbasan. Habang binabasbasan niya sila, siya'y umalis at dinala paakyat sa langit. Siya'y sinamba nila at pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem na punung-puno ng kagalakan. 53 Palagi silang nasa Templo at doo'y nagpupuri sa Diyos. 

Ang linggong ito ay ang pista ng Pag-akyat ni Jesus sa langit, kung saan siya ay aakyat at paroroon sa Bagong Jerusalem upang lumuklok sa trono niya sa langit kapiling ang Diyos Ama at mga anghel. 

Ang Ascension ay ang pista ng maluwalhating pagbabalik ni Jesus sa kanyang trono ng karangalan sa kanan ng Ama bilang gantimpala sa natamo niyang matagumpay na pagtupad sa misyon na iginagawad sa kanya ng Diyos, ang pagtubos ng sangkatauhan. 

Kaya, kailangan ni Jesus na umakyat-muli pabalik sa Ama upang katawanin ang tao na makarating at makapasok sa langit sa pinakaunang pagkakataon simula noong lalangin ng Diyos ang mundo. 

An isinabi natin dito sa itaas ay ang tradisyonal na pakahulugan ng pista ng Pag-akyat ni Jesus sa langit sa konstekto ng Katoliko Romanong doktrina. 

Nguni’t mayroon tayong bagong pakahulugan sa pistang ito. 

Alin ba an tinatawag na langit? 

Ang langit ay ang ating isipan, tulad ng sinasabi sa kanta ni Andrew Lloyd Webber na “Heaven In Their Minds” (Jesus Christ Superstar, 1996). 

Sinabi din natin noon sa ating nakaraang mga homiliya na ang edukasyon ay ang kayamanan sa langit. At ang edukasyon ay nauukol sa kaisipan ng tao. Hindi tayo nagkakamali kung sabihin natin na ang itinuturing natin na langit ay siyang kaisipan ng tao, at hindi ‘yung nasa itaas ng kaalapaapan o kaulapan. 

Ang langit ay hindi lugar kundi estado ng ating kamalayang sa tao. Tinutukoy nito ang ating mas mataas na kalikasan at kamalayan na tinatawag nating “kaluluwa”. Natural na ang kaluluwa natin ay nakatira at nakaluklok sa kaisipan natin. Kaya, ang sinasabing “langit” ay walang iba kundi ang kaisipan natin. 

Kaya, kung sinasabi na si Jesus ay umakyat na sa langit, ang ibig sabihin nito ay umakyat na si Jesus sa ating nakatataas na kamalayan na siyang ating kaisipan. Diyan sa nagluklok bilang kanyang trono, at hawak na niya ang ating pagiisip at siya na rin ang may kuntrol ng ating buhay. 

dnmjr/05-27-2025

 

 

 

 

 

Thursday, May 22, 2025

KAPAYAPAAN SA BAGONG JERUSALEM

 


HOMILIYA SA MISA PARA SA IKAANIM NA LINGGO NG MULING-PAGKABUHAY (CYCLE C)

KAPAYAPAAN SA BAGONG JERUSALEM 

Narito ang mga buod ng ating mga babasahin sa Misa para sa Ikaanim na Linggo ng Muling-Pagkabuhay (Cycle C). 

Unang Pagbasa –  Mga Gawa 15:1-2, 22-29 (An Kontrobersya sa Antioch) - At may ibang mga taong nagsilusong mula sa Judea ay nagsipagturo sa mga kapatid, na sinasabi, Maliban na kayo'y mangagtuli ayon sa kaugalian ni Moises, ay hindi kayo mangaliligtas. At nang magkaroon si Pablo at si Bernabe ng di kakaunting pagtatalo at pakikipagtuligsaan sa kanila, ay ipinasiya ng mga kapatid na si Pablo at si Bernabe, at ang ilan sa kanila, ay magsiahon sa Jerusalem, sa mga apostol at sa mga matanda tungkol sa suliraning ito. 

Ikalawang Pagbasa – Apo. 21:10-14, 22--23 -  At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagka't ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na. At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa. 

Ebangheliyo – Jn 14:23-29 - Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. 

Ang linggong ito ay paghahanda para sa susunod na linggo sa pista ng Pag-akyat ni Jesus sa langit, kung saan siya ay aakyat at paroroon sa Bagong Jerusallem upang lumuklok sa trono niya sa langit kapiling ang Diyos Ama at mga anghel. 

Ang mga babasahin sa linggong ito ay may layuning ipakilala ang tema ng Bagong Jerusalem, and Lungsod ng Kapayapaan. Ngayon pa lang na linggong ito ay binubuksan na ng Inang Sta. Iglesia ang ating mga isip, puso’t damdamin sa magaganap na maluwalhating pagbabalik ni Jesus sa kanyang trono ng karangalan sa kanan ng Ama bilang gantimpala sa natamo niyang matagumpay na pagtupad sa misyon na iginagawad sa kanya ng Diyos, ang pagtubos ng sangkatauhan. 

Kaya, kailangan ni Jesus na umakyat-muli pabalik sa Ama upang katawanin ang tao na makarating at makapasok sa langit sa pinakaunang pagkakataon simula noong lalangin niya ang mundo. 

At sa pagkarating ni Jesus sa langit, sinimulan na niyang itayo ang Bagong Jerusalem, kanyang mabining esposa, bilang isang Lungsod ng Kapayapaan, na, kung saan tayong lahat na ligtas na ay mananahan kasama niya. 

Ang Unang Pagbasa ay mula sa Gawa 15:1-2, 22-29. Ito ay tungkol sa Kontrobersya sa Antioch. Tinatalakay nito ang unang kontrobersyang Kristiyano sa unang iglesiya na gumulo sa kapayapaan ng mga unang Kristiyano sa Jerusalem. 

Ang Jerusalem, kahit ngayon, ay ang sentro ng pagtatalo para sa kontrol sa pagitan ng Palestinian Arabs at ng estado ng Israel na ang kapayapaan ay medyo hiwalay sa lungsod na ito ng Kapayapaan. 

Nais ng Zionist Movement na ibalik ang ikalawang templo na winasak ng mga Romano noong mga taong 70 AD sa Jerusalem. Kung mangyari ito, naniniwala sila na ang pagsalakay ng mga Israelita ay magiging kumpleto at ibabalik ang kapayapaan sa Bagong Jerusalem. Sa kabilang panig, ang pinaniniwalaan naman ng mga Kristiyano ay ang kapayapaan ni Kristo ang magkakabisa sa bagong Jerusalem na makalangit (Tingnan ang Ikalawang Pagbasa sa Rev 21:3). 

Ang tema ng Bagong Jerusalem at ang tema ng pag-akyat ni Jesukristo sa langit ay parehong nakakabit sa tema ng resureksyon at restorasyon. Sa paanong paraan? 

Ang tinutukoy ng Banal na Kasulatan na Bagong Jerusalem ay hindi baga ang tunay at orihinal na Jerusalem na siyudad ng mga sinaunang haring Solomon at David, na dahil sa mga pananakop na nangyari sa kanilang bansa, ay nabuwal, nadapa at nawasak. Hanggan ngayon, ang siyudad ng Jerusalem, kung saan itinayo ni Haring David ang kanyang trono, ay pinagaawayan pa ng bansang Isarel at mga muslim na kapwa gustong mag-angkin sa kanya (Tingnan an artikulo “Jerusalem: Center of Conflict, Center of Peace” ni John Ross Schroeder sa www.ucg.org). 

Kaya, ang Jerusalem hanggan ngayon ay hindi pa rin nabubuhay na muli at naibabalik sa dati at original niyang pag-aari at kalagayan. 

Sa ating binasa sa ikalawang pagbasa ay may sinasabi tungkol sa isang bagong Jerusalem. Posible ba ito? Posible ba kayang makabalik sa dati ang nawasak na Jerusalem ni Haring Solomon at Haring David at magkaroon ng Bagong Jerusalem? 

Ang sagot ay possible po. 

Mangyayari ito sa pamamagitan ng isang "restorative church" na nasa gitna natin ngayon, ang Old Roman Catholic Church Metropolitan See for Asia-Utrecht Succession (ORCC MSA-US). 

Ang ORCC MSA-US ay isang restorative church dahil isa siyang Iglesiyang apostoliko, at sinusunod nito ang mga apostol ni Kristo na mga mensahero ng muling nabuhay na Jesus na ipinadala sila upang ipahayag at isagawa ang pagpapanumbalik ng sinaunang Israel. Ipinadala rin tayo ngayon sa mundo na may misyon na ipahayag ang pagpapanumbalik ng ating sinaunang pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng ORCC MSA-US. 

Ang ORCC MSA-US, samakatuwid, ay isang restorative Church, at kami ang mga apostol ng muling pagkabuhay at pagpapanumbalik ng maraming buhay ng ating mga tao, gaya ng mga pari at seminarista na umalis sa aktibong ministeryo ng Simbahan, ng mga mag-asawang hiwalay sa isa't isa at sa kanilang mga anak, ng mga miyembro ng pamilya at grupo ng mga organisasyon na nahiwalay dahil sa lokasyon, hidwaan at hindi pagkakaunawaan ng mga tao dahil sa pulitika, mga alitan sa trabaho, atbp. 

Ibalik ang sinaunang pananampalataya, baguhin ang puso ng Sta. Iglesiya. Ex Radicibus Surgitur. Bumangon Mula sa Kanyang mga Ugat. 

Handa ba kayong tanggapin ang hamon na ito ng pagiging isang mapanumbalik na Iglesiya (restorative Church)? 

dnmjr/05-23-2015


Tuesday, May 13, 2025

BAGONG UTOS

 

HOMILIYA SA MISA PARA SA IKALIMANG LINGGO NG MULING-PAGKABUHAY (CYCLE C) 

BAGONG UTOS 

Narito ang mga buod ng ating mga babasahin sa Misa para sa Ikalimang Linggo ng Muling-Pagkabuhay (Cycle C). 

Unang Pagbasa –  Mga Gawa 14:21-27 - Naglagay sila ng bagong puso sa mga alagad, na pinasisigla sila na magtiyaga sa pananampalataya. ‘Lahat tayo ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap,’ sabi nila, ‘bago tayo pumasok sa kaharian ng Diyos.’ Pagdating nila, tinipon nila ang iglesiya at ibinalita ang lahat ng ginawa ng Diyos sa kanila, at kung paano niya binuksan ang pinto ng pananampalataya sa mga pagano. 

Ikalawang Pagbasa – Apo. 21:1-5a -  Nakita ko ang banal na lungsod, at ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit mula sa Diyos, kasing ganda ng isang nobyang nakadamit para sa kanyang asawa. Pagkatapos ay nagsalita ang isang nakaupo sa trono: ‘Ngayon ay ginagawa kong bago ang buong sangnilikha’, sabi niya. 

Ebangheliyo – Jn 13:31-33a, 34-35 - Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: ibigin ninyo ang isa't isa; kung paanong inibig ko kayo, ay dapat ding ibigin ninyo ang isa't isa. Sa ganitong pag-ibig na mayroon kayo sa isa't isa ay malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad. 

Sa Unang Pagbasa para sa linggong ito, na hango sa aklat ng mga Gawa (14:20-27), ay sinasabi na gumawa ang Diyos ng himala sa mga alagad, at ito ay “kung paano niya binuksan ang pintoan ng panapampalataya sa mga pagano” (v. 27). 

Ang himala po na ‘yan ay siyang magiging pokus ng ating homiliya, dahil sa ang pagbukas ng pintoan ng pananampalataya sa mga pagano ay tunay ngang isang napakalaking milagro, o himala, ng Diyos na puwedeng mangyari, at magagawa pa hanggang ngayon, sa pamamagitan ng ating Inang Sta. Iglesiya kung tutupad siya sa bagong utos ni Jesukristo na isinabi sa atin sa ebangheliyo ngayong linggo: ang ibigin at mahalin natin ang isa’t isa tulad ng pagibig niya sa atin (Jn. 13:35). 

Bakit naging bagong utos ang “pag-ibig sa isa’t isa”? Ano po ba ang lumang utos? 

Ang lumang utos ay “mahalin ninyo ang kapwa-tao tulad ng pagmamahal ninyo sa inyong mga sarili.” (Mt. 19:19). 

Ang pagkakaiba ng bago sa lumang utos ay nagpalit ang pokus, o direksyon, ng pag-ibig mula sa pagibig sa sarili tungo sa pag-ibig sa isa’t isa na dapat tulad ng pag-ibig na ipinadama ni Jesus sa kanyang mga alagad. 

At ano ang uri ng pag-ibig na ito? Ito ang pag-ibig na hanggang sa kamatayan ng sarili tulad ng pag-alay niya ng kanyang sariling buhay sa krus upang matubos niya tayo sa ating kasalanan at maibalik muli sa harap ng ating Ama sa langit. 

Kung gagawin ang pag-ibig na ito hanggang kamatayan ng sarili, na bagong utos ni Jesukristo sa mga alagad niya, ay seguradong malalaman ng mga walang pananampalataya sa Diyos at ng mga pagano sa buong mundo na ang mga disipulo nga ay tunay na mga alagad at tagasunod ng Kristo. 

Ang bagong utos na ito ay ang pinakaunang moral miracle (kabaliktaran ng isa pa, ‘yong physical miracle) na nangyayari sa ating iglesiya na patuloy na nagbubukas ng kanyang pintoan upang ang mga pagano ay sumampalataya sa tunay na Diyos na ipinakilala at itinuro ni Jesukristo. 

Ang uri ng pag-ibig na ito na sumusunod sa bagong utos ni Kristo ay ang milagrong gawa ng Diyos hanggang ngayon sa pamamagitan nating mga tagasunod ni Kristo upang buksan ang mga mata at puso ng mundo, na mahikayat silang sumunod ki Kristo kagaya natin sa loob ng Sta. Iglesiya. 

Ang pangalawang moral miracle na nagaganap upang patuloy na mahikayat na lalo ang mga walang pananampalataya sa Diyos at ang mga pagano sa mundo ay ang pagkakaisa ng mga alagad ni Kristo, na isinabi na, “Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako'y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang sanlibutan ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin” (Jn. 17:21). 

Itong dalawa na ito ay ang tinatawag nating “moral miracle” na dapat mangyari sa ating Sta. Iglesiya upang patuloy na magbukas ng pintoan ng pananampalataya at kumbersyon tungo sa Diyos. Kung wala ang dalawang ito ay walang tunay at sinserong kumbersyong magaganap sa Sta. Iglesiya, at wala ring iiral na Sta. Iglesiya sa mundo kung walang pagibig at pagkakaisa ang mga kristyano sa loob ng iisang Sta. Iglesiya. 

Si Jesukristo mismo ang nagbigay ng mga seguradong tanda o marka ng kanyang tunay na iglesiya, at ito ay hindi ang mga tanda o marka na ipinamulat sa atin noon na “isa, banal, katoliko at apostolikong iglesiya” (one, holy, catholic and apostolic church), kundi  ang mga tanda o marka ng pagibig at pagkakaisa (love and unity) sa loob ng isang iglesiya ni Jesukristo. 

Kung ang isang iglesiya ay hindi nagbibigay ng mga tanda ng pagibig (o pagmamahal) sa isa’t isa, at hindi nagkakaisa ang mga miyembro sa loob ng kanyang pamamahala, iyan ay hindi tunay na iglesiya ni Jesukristo at wala diyan ang kaligtasan ng Diyos, kahit pa patuloy-tuloy nilang angkinin at sabihin na sila ang tunay at totoong iglesiya ni Kristo. Kung wala naman ang mga tanda o markang ito ng pag-ibig at pagkakaisa, ang lahat na pagangkin at pagsabing sila ang tunay, lahat ‘yan ay kasinungalingan. 

Tungkol sa mga tanda o marka ng tunay na Sta. Iglesiya ni Kristo, sino ba ang paniniwalaan natin? ‘Yun bang sinasabi ni Jesukristo, ating mabuting pastol at gabay ng ating mga kaluluwa, na nakasulat sa Bibliya bilang bagong utos niya, o ang tinig ng isang maliit na pulutong, o konsilyo, ng mga obispo (Council of Nicea) noong 325 AD? 

Sapagkat ang pag-ibig at pagkakaisa ng mga alagad ni Kristo sa loob ng Sta. Iglesiya ay ang magiging tanda ng ‘bagong panahon’ na pinasinayaan at ipinahahayag ang kamatayan ni Jesukristo para sa mundo.

dnmjr/05-14-2015 



Monday, May 5, 2025

MABUTING PASTOL SA MABUTING PAMUMUNO

 

MABUTING PASTOL SA MABUTING PAMUMUNO 

Narito ang mga buod ng ating mga babasahin sa Misa para sa Ikaapat na Linggo ng Muling-Pagkabuhay (Cycle C). 

Unang Pagbasa – Gawa 13:14, 43-52 - Ganito ang iniutos sa amin ng Panginoon, ‘Inilagay kitang liwanag sa mga Hentil upang magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’” Nang marinig ng mga Hentil ang mga salitang iyon, sila'y nagalak at nagpuri sa salita ng Panginoon, at sumampalataya ang lahat ng hinirang para sa buhay na walang hanggan. Kaya't lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. 

Ikalawang Pagbasa – Apo. 7:9,14b-17– Sapagka't ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila'y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa't luha ng kanilang mga mata. 

Ebangheliyo – Jn. 10:27-30 - Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.” 

Tamang-tama ang temang ito para sa gagawin nating paparating na pagpili ng mga bagong lider at mga taong mamumuno sa ating gobyerno at sa Sta. Iglesiya. 

Kahit noon pa man na mga sinaunang panahon sa Bibliya, ang imahe ng isang mabuting pastol ay nagin nang modelo ng isang mabuting pamumuno. Tulad, halimbawa, ng sinasabi sa Jeremias 23:1-2 na, “Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Nakakaawa kayong mga pinuno ng mga mamamayan ko! Kayo sana ang mag-aalaga sa aking mga mamamayan tulad ng pastol ng mga tupa, ngunit pinabayaan lang ninyo silang mamatay at mangalat.” Dito, tinuligsa ng propeta ang mga pastol na "sinisira at pinangangalat" ang mga tupa sa pastulan ng Diyos. Ito ay binibigyang kahulugan bilang pagkondena sa mga namumuno at pinuno na nabigong pangalagaan at protektahan ang kanilang mga tao. 

Heto ang isa pang sitas sa Zacarias 10:2-3 na nagsasabing “Sapagka't ang mga diyus-diyosan ay nagsasalita ng panlilinlang at ang mga manghuhula ay nakakakita ng mga ilusyon; nagsasabi sila ng mga maling panaginip at nag-aalok ng walang laman na kaaliwan. Kaya't ang mga tao ay gumagala na parang tupa, inaapi dahil sa kakulangan ng pastol. “Ang aking galit ay nag-aapoy laban sa mga pastor, at aking parurusahan ang mga pinuno: sapagka't ang Panginoon ng mga hukbo ay nagmamasid sa kanyang kawan, ang sangbahayan ni Juda. 

Ang anim daw na tungkulin ng isang pastol ay ang mga sumusunod:

1. pagpapakain sa mga tupa;

2. pagdadala sa kanila sa magandang pastulan at tubig;

3. pag-aayos at paggupit sa kanila, pagpaanak sa mga bagong tupa;

4. nangunguna sa kanila at nagtuturo sa kanila na manatiling magkasama;

5. pag-hanap sa mga naliligaw na nawala; at

6. pagprotekta sa mga tupa sa bukid at sa kulungan. 

Nguni’t para sa atin, ang tatlong mamahalagang pag-uugali na dapat taglayin ng isang mabuting pastol para sa isang mabuting pamumuno ay ang mga sumusunod:

  1. Hindi niya kinakatay ang kanyang mga inaalagaang tupa at hindi siya nagpapasasang kainin ang mga taba nito, bagkos iniaalay niya ang kanyang buhay para sa mga tupa (Ezk. 34:2-10; Zak. 11:4-17; Mikah 3:1-4);
  2. Bibanatayan at inaakay niya sila upang hindi maligaw at manakaw o masalakay ng mga tulisan at ganid na mga lobo (Is. 59:9-12; Juan 10:11-13; at
  3. Dinadala niya sila sa malalagong sabsaban at malinis na inumin sa sa matatabang pastolan (Salmo 23:1-2). 

Sa Bagong Tipan, heto naman pong mga sumusunod na sitas sa Bibliya na malinaw na patunay na ang mga ministro nga ng Sta. Iglesiya ay mayroong katungkulan na maging mga pastol: 

  1. Gawa 20:28-30 - Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan kung saan kayo ginawa ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa. Maging mga pastol ng simbahan ng Diyos, na binili Niya ng Kanyang sariling dugo. Alam ko na pagkatapos ng aking pag-alis, ang mga ganid na lobo ay papasok sa gitna ninyo at hindi patatawarin ang kawan. Kahit na mula sa iyong sariling bilang, ang mga tao ay babangon at babaluktutin ang katotohanan upang ilayo ang mga alagad na sumunod sa kanila; at
  2. 1 Pedro 5:2-4 - Maging pastol kayo sa kawan ng Dios na nasa gitna ninyo, na bantayan sila hindi sa pagpilit, kundi sa loob ng kalooban, ayon sa ibig ng Dios sa inyo; hindi dahil sa kasakiman, kundi dahil sa pananabik; hindi nagpapanginoon sa mga ipinagkatiwala sa iyo, kundi maging mga halimbawa sa kawan. At kapag nagpakita ang Punong Pastol, tatanggapin ninyo ang korona ng kaluwalhatian na hindi maglalaho. 

Ang mga pahayag na ito ay sapat na upang makapag-isip-isip tayo na dapat tularan natin ang isang mabuting pastor para sa ating pamumuno maging sa gobeyrno o, kaya, sa Sta. Iglesiya. 

Kaya, pagkasabi natin niyan, sa darating na halalang lokal at nasyonal ay dapat maingat na pumuli tayo ng mga taong mamumuno sa ating mga  bayan-bayan na may kakayahan at kalooban ng isang Mabuting Pastol.

dnmjr/05 May 2025

Thursday, May 1, 2025

DUC IN ALTUM (Cast into the Deep!)

 


HOMILIYA SA IKATLONG LINGGO NG MULING-PAGKABUHAY (CYCLE C) 

DUC IN ALTUM (Cast into the Deep!) 

Narito ang mga buod ng ating mga babasahin sa Misa para sa Ikatlong Linggo ng Muling-Pagkabuhay (Cycle C). 

Unang Pagbasa – Gawa 5:27b-32, 40b-41 - Iniharap nila sa Kapulungan ang mga apostol at ang mga ito'y tinanong ng pinakapunong pari. “Hindi ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang mangaral sa pangalan ng taong iyan?” sinabi niya. Sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao. Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Jesus na pinatay ninyo nang siya'y inyong ipinako sa krus. Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ang mga Israelita ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan, at nang sa gayon ay magkamit sila ng kapatawaran. Saksi kami sa mga bagay na ito, kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”  Nilisan ng mga apostol ang Kapulungan at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Jesus. 

Ikalawang Pagbasa – Apo. 5:11-14 - Nakita ko at narinig ang tinig ng maraming anghel na nakapalibot sa trono, ng mga buhay na nilalang, ng mga matanda at ng mga sampunlibo ng sampunlibo at mga libu-libo ng mga libu-libo. Sinabi nila sa pamamagitan ng isang malakas na tinig: Ang Korderong kanilang pinatay ay karapat-dapat na tumanggap ng kapangyarihan at kayamanan at karu­nungan at kalakasan at karangalan at kaluwalhatian at pagpapala. 

Ebangheliyo – Jn 21:1-19 - Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpakitang muli si Jesus sa kaniyang mga alagad sa lawa ng Tiberias. Sinabi ni Simon Pedro sa kanila: Mangingisda ako. Sinabi nila sa kaniya: Sasama rin kami sa iyo. Lumabas sila mula roon at agad-agad na sumakay sa bangka. Wala silang nahuli nang gabing iyon. Nang magbubukang-liwayway na, si Jesus ay tumayo sa tabing-dagat. Gayunman, hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus. Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Mga anak, may pagkain ba kayo? Sumagot sila sa kaniya: Wala. At sinabi niya sa kanila: Ihagis ninyo ang lambat sa dakong kanan ng bangka at makakasumpong kayo. Inihagis nga nila at hindi na nila kayang hilahin ang kanilang lambat dahil sa dami ng isda. Umahon si Simon Pedro. Hinila niya ang lambat sa dalampasigan. Ang lambat ay puno ng mga malalaking isda. Isang daan at limampu’t tatlo ang kanilang bilang. Kahit na ganoon karami ang isda, hindi napunit ang lambat. Sinabi ni Jesus sa kanila: Halikayo at mag-agahan. Walang sinuman sa mga alagad ang naglakas ng loob na magtanong kung sino siya dahil alam nila na siya ang Panginoon. Kaya nga, lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. Ito na ang ikatlong ulit na nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad mula nang siya ay ibinangon mula sa mga patay. 

Ayon sa salaysay sa Jn. 21:4-8, si Jesukristo ay nakatayo sa pampang ng madaling araw, tinawag ang kanyang mga alagad na nasa bangka at tinanong “Kaibigan, may nahuli ka ba?” (Jn. 21:4-5) Sumagot ang mga alagad, “Wala.” Hindi nila alam na si Jesukristo ang tumawag at hindi nila nakilala ang kanyang tinig. 

At sinabi sa kanila ni Jesus, “Ibaba ninyo ang inyong lambat sa kanang bahagi ng bangka at may mahuhuli kayo.” 

Ginawa nila ito at nakahuli sila ng maraming isda, anupat nahirapan silang hilahin ang lambat at ang ibang mga alagad sa iba pang mga bangka ay kinailangang sumakay sa bangka ni Pedro upang hilahin ang huli at dalhin ito sa pampang. Ang layo ng bangka sa pampang ay halos isang daang yarda (Cf. Jn 21:6-8). 

Ang kuwentong ito sa Jn 21:4-8, kung konektado sa reklamo ni Pedro na nakasaad sa Lk 5:5 na nagsasabing “Nagpagal kami buong gabi ngunit wala kaming nahuli”, ay mayroong isang aral o doktrina lang ang ating makikita. 

Ang isang aral, o doktrina, na ito na gustong ituro ng ebanghelyo ay ang bagong istilo, o sikreto ni Jesus, ng panghuhuli ng isda na gusto niyang ituro naman sa kanyang mga apostol. 

Bakit sinabi ng mga alagad sa Jn. 21:6 na ‘wala silang nahuli’ at sa Lk 5:5 mismong si Pedro ang nagsabi ‘Nagpagal kami buong magdamag ngunit wala kaming nahuli?’ Bakit kahit magdamag silang nagtrabaho, wala pa rin silang nahuli? 

Kung mauunawaan natin ang tagubilin ni Jesukristo sa kanyang mga alagad na nasa bangka sa lawa na ihulog ang lambat sa kanang bahagi ng bangka (Jn 21:6), ang ibig sabihin nito ay ang dahilan kung bakit hindi sila nakahuli ng kahit na anong isda ay dahil inilapag nila ang kanilang lambat sa kaliwang bahagi ng bangka na nasa maling bahagi. Kaya naman, kailangan nilang baguhin ang kanilang istilo o paraan ng paghuhulog ng kanilang lambat ayon sa paraan ni Jesus. Pagkatapos, nagawa nilang manghuli ng maraming isda kahit isang daang yarda lang ang layo nila, at hindi na sila kailangang lumayo nang napakalayo sa dalampasigan. 

Ang pangyayaring ito ay may malaking aplikasyon sa kanilang hinaharap na gawain bilang ‘mga mangingisda ng mga tao’, hindi na literal na mga isda, na kanilang gagawin bilang mga alagad ni Jesukristo, o bilang mga Kristiyano. Sa gawain ng mga apostol, at tayo bilang mga makabagong apostol ni Kristo, sa pagkumbinsi sa mga tao na dumalo sa mga katekesis ng ebanghelisasyon o sakramentalisasyon, madalas tayong nagrereklamo na wala o kaya kaunti ang ating nakukumbinsing mga tao na dumalo sa ating mga katekesis dahil sa napakaraming hadlang na dumarating sa atin kahit pa sabihin nating napakaraming araw na tayong nag-aanunsyo o nag-iimbita. 

Sino nga ba ang may kasalanan kung hindi natin makumbinsi ang mga tao na dumalo? Ang mga tao ba o tayo? 

Kung ibabase natin ang paliwanag hinggil sa problemang ito sa paliwanag sa pangyayaring ito ng Jn 21:4-8 at Lk. 5:5, ang tunay na pinagmumulan ng problema, ayon kay Jesukristo, ay ang ating istilo o paraan ng pagkumbinsi sa mga tao, na sa ebanghelyo ay tinatawag na maling paraan o istilo ng paghuhulog ng lambat upang makahuli ng isda. 

Ayon sa kuwentong ito sa Jn 21:4-8, inihulog ng mga alagad ang kanilang mga lambat sa kaliwang bahagi ng bangka, kaya naman hindi sila nakahuli ng isda kahit na ‘magdamag silang nagtrabaho’ (Lc 5:5). Ang sinabi dito bilang 'kaliwang bahagi', ay may mas malalim na kahulugan. 

Ang kahulugan ng paglalagay ng kanilang lambat 'sa kaliwang bahagi' ay ang mga disipulo ay nagtatrabaho sila ng may kahinaan, dahil ang pagiging nasa 'kaliwa' ay nangangahulugang 'mahina'. Kaya naman, kung mayroong isang tao na gumagamit ng kanyang kaliwang kamay sa paggawa, ang resulta ay isang hindi magandang uri ng pagkakagawa. 

Sa Bibliya, ang ‘kaliwa’ ay sumasagisag sa isang posisyon o sitwasyon na mahina, walang lakas, at may masamang epekto. Sa Christian iconography, si Satanas ay inilalarawan sa kaliwang bahagi ng Diyos o ng tao (Cf. Jb. 1-6, Mt. 25:33, 41), sa parehong paraan na ang mga anghel ay inilalagay sa kanang bahagi. Kaya naman, kung gagamitin natin ang kaliwang kamay sa paggawa, nangangahulugan ito na ang resulta ay mahirap, mahina, o walang puwersa. 

Kung babalikan natin ang problemang binanggit natin sa itaas hinggil sa mga paghihirap na nararanasan natin sa pagkumbinsi sa mga tao na dumalo sa katekesis o ebanghelisasyon, mauunawaan natin na ang problema ay nasa mga apostol o mga misyonero na hindi sapat ang puwersang binibigay nila sa kanilang gawaing pangungumbinsi, at ang nangingibabaw ay ang kanilang kahinaan. Ang apostol, o misyonero, ay siyang naglalagay ng maraming kahinaan o balakid sa kanyang gawain ng pagkumbinsi, kaya naman mahirap ang resulta, o walang dumadalo. Kung ang apostol ay mahirap sa pagpapaliwanag, o pagtalakay ng kanyang mga turo, kaya hindi niya makuha ang atensyon ng mga tao upang makinig sa kanyang mga turo at pagkatapos ay wala siyang nahihikayat na pumasok sa samahan. Kung may mahinang huli ng ‘isda’, o kahit na may huli ngunit nang maglaon ay nakatakas ang mga isdang ito, nangangahulugan ito na ang apostol, o misyonero, ay nagtatrabaho na may napakaraming kahinaan sa kanyang parte. Ang mahinang resulta ng kanyang trabaho ay sinasagisag ng 'paghulog ng lambat sa kaliwang bahagi ng bangka'. 

Ang patunay na may katotohanan ang turong ito ay maaaring kunin sa ebanghelyo na nagsasabing ‘Nagtrabaho kami buong gabi, ngunit wala kaming nahuli; ngunit sa iyong salita, muli naming ibababa ang lambat’ (Lk. 5:5). Sinabi ni Simon Pedro na 'ngunit sa iyong salita, muli naming ibababa ang lambat', alin ang salitang ito ni Jesus? An sabi ni Jesus ay ‘inilagay ang iyong lambat sa starboard, o kanang bahagi ng bangka, (Jn. 21:6). Nang sinunod ng mga disipulo ang mga salitang ito ni Jesucristo, ang kanilang lambat ay nakahuli ng maraming malalaking isda na hindi nila kailangan malayo kundi isang daang yarda lamang mula sa dalampasigan. 

Ang kahulugan ng mga salitang ito ay, kung susundin lamang ng mga apostol, o mga misyonero, ang utos ni Jesukristo na magtrabaho sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang buong tapang, lakas, kasipagan at kakayahan, ay magagawa nilang makumbinsi ang maraming tao at madala sa Diyos hindi lamang ang maliliit kundi ang malalaking makasalanang tao din. At iyon, hindi na nila kailangang pumunta sa napakalayo na mga lugar, kahit na ilang yarda lamang ay nakumbinsi na nila ang maraming tao na dumalo sa kanilang pangangaral. 

Tularan natin ang pangyayaring nabanggit sa Unang Pagbasa ngayong linggo, ang tungkol sa mga makapangyarihang pahayag ng pagpapatunay ni Apostol Pedro sa harap ng Sanhedrin, na nagpalaya sa mga apostol sa pagkakadakip sa kanila sa ilalim ng mga kamay ng mga nakakapangyaring Hudiyo. 

Ang mga isda at tinapay na binasbasan ni Jesus sa harap ng mga alagad nang sila'y nag-almusal na sa dalampasigan ay sumisimbolo sa Bautismo at Eukaristiya na siyang pagsasaluhan ng mga kristyanong nahuli ng mga alagad, resulta ng kanilang matagumpay na pagturo at pangangaral na may buong tapang, lakas, kasipagan at kakayahan ayon sa itinurong istilo ng pangingisda ni Jesus.

 

26 Abril 2025

Tuesday, April 22, 2025

MAPAGDUDANG TOMAS!

 





HOMILIYA SA IKALAWANG LINGGO NG MULING-PAGKABUHAY  (CYCLE C) 

MAPAGDUDANG TOMAS!

“Huwag ka nang magduda kundi maniwala” (Juan 20:27) 

Narito ang mga buod ng ating mga babasahin sa Misa para sa Ikalawang Linggo ng Muling-Pagkabuhay (Cycle C). 

Unang Pagbasa – Mga Gawa 5:12-16 - Lahat sila ay nagkakaisang naroroon sa portiko ni Solomon. Walang sinuman sa mga iba ang naglakas-loob na sumama sa kanila subalit dinakila sila ng mga tao. At maraming pang mga mananampalataya sa Panginoon, kapwa lalaki at babae ay nadagdag sa kanila. 

Ikalawang Pagbasa – Apo. 1:9-11a, 12-13, 17-19 - Nang makita ko siya, ako'y napahiga sa kanyang paanan, ngunit hinipo niya ako ng kanyang kanang kamay at sinabi, "Huwag kang matakot.  Ako ang Una at ang Huli, Ako ang Buhay. Ako ay patay at ngayon ako ay mabubuhay magpakailan-kailanman, at hawak ko ang mga susi sa kamatayan at sa ilalim ng mundo.” 

Ebangheliyo – Jn. 20:19-31 - Pagkatapos ay nagsalita siya kay Tomas, "Ilagay mo rito ang iyong daliri; tingnan mo, narito ang aking mga kamay. Ibigay mo sa akin ang iyong kamay; ilagay mo sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan kundi maniwala ka." Sumagot si Tomas, "Panginoon ko at Diyos ko!" 

Bakit po ba si Apostol Tomas ay naging mapagduda? Narito at ikinikuwento ng binasang ebangheliyo ang dahilan kung bakit si Tomas ay naging mapagduda. 

Kinagabihan ng araw ding iyon, na unang araw ng sanlinggo, nagtipon ang mga alagad. Si Tomas na isa sa labindalawang alagad, na tinatawag Kambal, ay  hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus. 

Sinabi nga ng ibang mga alagad kay Tomas, “Nakita namin ang Panginoon.” 

Sinabi naman ni Tomas sa kanila, “Malibang makita ko ang tanda ng mga pako sa kaniyang mga kamay at mailagay ko ang aking mga daliri roon, at maipasok ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, kailanman ay hindi ako maniniwala.” 

O, ayan!, malinaw na sinasabi dito sa ebangheliyong binasa ang dahilan kung bakit hindi makapaniwala agad-agad si Tomas na si Jesus ay muling-nabuhay, dahil palaging absent siya kung ang mga alagad ay nangagtitipon! 

Ang pagiging palaging absent sa pagtitipon ay malaking dahilan kung bakit ang isang tao ay nagkukulang sa pananampalataya.

At ang ibig sabihin ng palaging absent sa mga pagtitipon ay kulang ang isang tao sa pananampalataya.

 Iyan po ang aral na napupulot natin dahil sa pagiging mapagdudang si Tomas! Ang pag-aabsent sa anumang pagtitipon ay mayroong epekto sa pananampalataya ng isang tao.

Ang solusyon sa pagiging kulang sa pananampalataya ng isang tao ay huwag palaging mag-aabsent sa mga pagtitipon ng anumang samahan. 

_22 Abril 2025


Tuesday, April 1, 2025

ANG SULAT SA LUPA!

 


HOMILIYA SA MISA PARA SA IKALIMANG LINGGO SA KUWARESMA (Cycle C) 

ANG SULAT SA LUPA! 

Ang mga pagbasang gagawin sa Misang ito para sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma (Cycle C) at ang kanilang mga buod ay ang mga sumusunod: 

Unang Pagbasa – Josue 5:9a, 10-12 - Samantalang ang mga Israelita ay nasa Gilgal sa kapatagan ng Jerico, ipinagdiwang nila ang Paskwa noong kinagabihan ng ikalabing apat na araw ng unang buwan. 

Ikalawang Pagbasa –2 Cor. 5:17-21 - Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago… Sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at hindi na niya tinatandaan ang kanilang mga kasalanan… Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos. 

Ebangheliyo – Juan 8:1 – 11 - Dumating ang mga eskriba’t Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan, at sinabi kay Jesus, “Guro, ang babaing ito'y nahuli sa aktong pangangalunya. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo?”  Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya. Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. 

Ang kuwento ng ating ebangheliyo para sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma (Cycle C) ay kinuha sa Juan 8:1 – 11, at may temang “ANG SULAT SA LUPA!”. Ganito ang kanyang buod: 

Pumunta si Jesus sa templo upang mangaral doon sa mga tao.

Ang mga eskriba’t Pariseo ay nagdala sa harapan niya ng isang babaeng nadakip sa pakikiapid (pangangalunya). Tinanong nila si Jesus kung ano ang dapat gawin sa kanya ayon sa batas ni Moises. Ito ay ginawa nila upang siya’y tuksuhin at isumbong kalaunan.

Yumuko si Jesus at nagumpisang sumulat ng kanyang daliri sa lupa.

Nang makita ng lahat ng tao ang mga katagang isinulat niya sa lupa, ay isa-isang nagsilisan ang mga taga-usig niya, at unti-unti nila siyang iniwan kasama ang babaeng makasalanan.

Sa ganitong paraan, iniligtas ni Jesus ang isang babaeng makasalanan na muntik nang mapahamak na maparusahang batuhin ng mga tao hanggang mamatay.

At sinabihan ni Jesus ang babae, “Nasaan sila? Sa ganang ikaw, hindi rin kita parurusahan. Humayo ka’t huwag ng magkasalang muli.” At mapayapang nilisan ng babae si Jesus!

Ganyan ang kuwento sa ebangheliyo.

Tanong: Ano po ba ang mga katagang isinulat ng daliri ni Jesus sa lupa doon sa pangyayari ng kuwento, na nang mabasa ito ng mga tao ay paisa-isa silang umalis at iniwan si Jesus at ang babaeng gusto nilang saktan ng kamatayan dahil sa salang pakikiapid?

Ang totoo po ay wala naman talagang mga katagang isinulat si Jesus sa lupa na mababasang literal ng mga tao.

Nguni’t ang kilos niyang pagturo sa lupa ang may malalim na kahulugan, na naitindihan kaagad ng mga tao na tila baga isang pahiwatig sa kanila na tayong lahat na mga tao ay kapwa makasalanan at marurumi din dahil tayong lahat ay galing at gawa sa lupa, at sa lupa din tayo babalik!

Gaya ng sinabi sa banal na kasulatan na: “Alalahanin mo, tao, na ikaw ay alabok ng lupa, at sa alabok ng lupa ka rin babalik” (Gen. 3:19; Ec. 12:6), na isa itong pahayag sa Bibliya na kadalasang ginagamit ng mga kaparian tuwing Miyerkules de Ceniza (Ash Wednesday).

Samakatuwid, mga kapatid, ang babaeng nagkasala ng pangaapid ay kinikilalang isang makasalanang tao na, ayon sa mga eskriba’t Pariseo, ay dapat sana’y mamatay sa paraan ng pambabato sa kanya ng mga tao ayon sa batas ni Moises.

Nguni’t sa batas ng Panginoong Jesus, bagama’t ang babae ay may nagawang isang kasalanan, ay siya’y tao pa ring tulad ng lahat ng tao na nagkakasala at may karupukang katangiang taglay,  dahil tayong lahat ay mga taong galing sa lupang may karupokan at karumihang pinangalingan, na dapat din irinerespeto,  iniintindi, at inuunawa ang mga taglay na kahinaan at kalapasan ng bawat isa dahil sa kalayaang taglay din natin bilang mga tao.

Kung gayon, embes na patayin ang isang taong nagkasala, o makasalalan, ay dapat siyang intindihin at bigyan ng simpatiya ang kanyang mga kahinaan at kalapasan bilang tao ring katulad natin.

Sa mga kasong ganito, tulad ng mga kaso ng kapwa tao sa kampanya sa illegal drugs, ay embes na patayin ay dapat may pagpapatawad at paguunuwang ginagawa upang mapatotohanan ang mga sinabi ni Pablo Apostol sa Ikalawang Pagbasa sa linggong ito na “Sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at hindi na niya tinatandaan ang kanilang mga kasalanan” (2 Cor. 5:19).

Iyan ang mahalagang leksyon sa atin ng ebangheliyo ngayong linggo. Ang pagpapatawad sa mga kasalanan ay magandang gawin sa panahon ng Kuwaresma ng ating Inang Sta. Iglesiya. 

At sa huli, sinabi niya sa kanila, “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan, ang siyang unang bumato!”

dnmjr/3/02/2025