HOMILIYA SA MISA PARA SA IKALIMANG LINGGO NG MULING-PAGKABUHAY (CYCLE C)
BAGONG UTOS
Narito ang mga buod ng ating mga babasahin sa Misa para sa Ikalimang Linggo ng Muling-Pagkabuhay (Cycle C).
Unang Pagbasa – Mga Gawa 14:21-27 - Naglagay sila ng bagong puso sa mga alagad, na pinasisigla sila na magtiyaga sa pananampalataya. ‘Lahat tayo ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap,’ sabi nila, ‘bago tayo pumasok sa kaharian ng Diyos.’ Pagdating nila, tinipon nila ang iglesiya at ibinalita ang lahat ng ginawa ng Diyos sa kanila, at kung paano niya binuksan ang pinto ng pananampalataya sa mga pagano.
Ikalawang Pagbasa – Apo. 21:1-5a - Nakita ko ang banal na lungsod, at ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit mula sa Diyos, kasing ganda ng isang nobyang nakadamit para sa kanyang asawa. Pagkatapos ay nagsalita ang isang nakaupo sa trono: ‘Ngayon ay ginagawa kong bago ang buong sangnilikha’, sabi niya.
Ebangheliyo – Jn 13:31-33a, 34-35 - Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: ibigin ninyo ang isa't isa; kung paanong inibig ko kayo, ay dapat ding ibigin ninyo ang isa't isa. Sa ganitong pag-ibig na mayroon kayo sa isa't isa ay malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad.
Sa Unang Pagbasa para sa linggong ito, na hango sa aklat ng mga Gawa (14:20-27), ay sinasabi na gumawa ang Diyos ng himala sa mga alagad, at ito ay “kung paano niya binuksan ang pintoan ng panapampalataya sa mga pagano” (v. 27).
Ang himala po na ‘yan ay siyang magiging pokus ng ating homiliya, dahil sa ang pagbukas ng pintoan ng pananampalataya sa mga pagano ay tunay ngang isang napakalaking milagro, o himala, ng Diyos na puwedeng mangyari, at magagawa pa hanggang ngayon, sa pamamagitan ng ating Inang Sta. Iglesiya kung tutupad siya sa bagong utos ni Jesukristo na isinabi sa atin sa ebangheliyo ngayong linggo: ang ibigin at mahalin natin ang isa’t isa tulad ng pagibig niya sa atin (Jn. 13:35).
Bakit naging bagong utos ang “pag-ibig sa isa’t isa”? Ano po ba ang lumang utos?
Ang lumang utos ay “mahalin ninyo ang kapwa-tao tulad ng pagmamahal ninyo sa inyong mga sarili.” (Mt. 19:19).
Ang pagkakaiba ng bago sa lumang utos ay nagpalit ang pokus, o direksyon, ng pag-ibig mula sa pagibig sa sarili tungo sa pag-ibig sa isa’t isa na dapat tulad ng pag-ibig na ipinadama ni Jesus sa kanyang mga alagad.
At ano ang uri ng pag-ibig na ito? Ito ang pag-ibig na hanggang sa kamatayan ng sarili tulad ng pag-alay niya ng kanyang sariling buhay sa krus upang matubos niya tayo sa ating kasalanan at maibalik muli sa harap ng ating Ama sa langit.
Kung gagawin ang pag-ibig na ito hanggang kamatayan ng sarili, na bagong utos ni Jesukristo sa mga alagad niya, ay seguradong malalaman ng mga walang pananampalataya sa Diyos at ng mga pagano sa buong mundo na ang mga disipulo nga ay tunay na mga alagad at tagasunod ng Kristo.
Ang bagong utos na ito ay ang pinakaunang moral miracle (kabaliktaran ng isa pa, ‘yong physical miracle) na nangyayari sa ating iglesiya na patuloy na nagbubukas ng kanyang pintoan upang ang mga pagano ay sumampalataya sa tunay na Diyos na ipinakilala at itinuro ni Jesukristo.
Ang uri ng pag-ibig na ito na sumusunod sa bagong utos ni Kristo ay ang milagrong gawa ng Diyos hanggang ngayon sa pamamagitan nating mga tagasunod ni Kristo upang buksan ang mga mata at puso ng mundo, na mahikayat silang sumunod ki Kristo kagaya natin sa loob ng Sta. Iglesiya.
Ang pangalawang moral miracle na nagaganap upang patuloy na mahikayat na lalo ang mga walang pananampalataya sa Diyos at ang mga pagano sa mundo ay ang pagkakaisa ng mga alagad ni Kristo, na isinabi na, “Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako'y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang sanlibutan ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin” (Jn. 17:21).
Itong dalawa na ito ay ang tinatawag nating “moral miracle” na dapat mangyari sa ating Sta. Iglesiya upang patuloy na magbukas ng pintoan ng pananampalataya at kumbersyon tungo sa Diyos. Kung wala ang dalawang ito ay walang tunay at sinserong kumbersyong magaganap sa Sta. Iglesiya, at wala ring iiral na Sta. Iglesiya sa mundo kung walang pagibig at pagkakaisa ang mga kristyano sa loob ng iisang Sta. Iglesiya.
Si Jesukristo mismo ang nagbigay ng mga seguradong tanda o marka ng kanyang tunay na iglesiya, at ito ay hindi ang mga tanda o marka na ipinamulat sa atin noon na “isa, banal, katoliko at apostolikong iglesiya” (one, holy, catholic and apostolic church), kundi ang mga tanda o marka ng pagibig at pagkakaisa (love and unity) sa loob ng isang iglesiya ni Jesukristo.
Kung ang isang iglesiya ay hindi nagbibigay ng mga tanda ng pagibig (o pagmamahal) sa isa’t isa, at hindi nagkakaisa ang mga miyembro sa loob ng kanyang pamamahala, iyan ay hindi tunay na iglesiya ni Jesukristo at wala diyan ang kaligtasan ng Diyos, kahit pa patuloy-tuloy nilang angkinin at sabihin na sila ang tunay at totoong iglesiya ni Kristo. Kung wala naman ang mga tanda o markang ito ng pag-ibig at pagkakaisa, ang lahat na pagangkin at pagsabing sila ang tunay, lahat ‘yan ay kasinungalingan.
Tungkol sa mga tanda o marka ng tunay na Sta. Iglesiya ni Kristo, sino ba ang paniniwalaan natin? ‘Yun bang sinasabi ni Jesukristo, ating mabuting pastol at gabay ng ating mga kaluluwa, na nakasulat sa Bibliya bilang bagong utos niya, o ang tinig ng isang maliit na pulutong, o konsilyo, ng mga obispo (Council of Nicea) noong 325 AD?
Sapagkat ang
pag-ibig at pagkakaisa ng mga alagad ni Kristo sa loob ng Sta. Iglesiya ay ang
magiging tanda ng ‘bagong panahon’ na pinasinayaan at ipinahahayag ang
kamatayan ni Jesukristo para sa mundo.
dnmjr/05-14-2015
No comments:
Post a Comment