SINO
ANG BULAG?
Sa ebangheliyo para ngayong ika-30 na Linggo sa Karaniwang Panahon (Cycle B), na kinuha sa Ebangheliyo ni San Markos 10:46-52, ito ay ang kuwento ng isang bulag na si Bartimeo.
Nang dumating sina Jesus sa Jerico, may nadaanan silang isang bulag na namamalimos sa tabing daan na ang pangalan ay si Bartimeo. Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Jesus at nagtanong sa kanya, “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakitang muli.” Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya.” Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod na siya kay Jesus.
Sino nga ba ang bulag? Ang bulag daw ay ‘yung isang taong walang paningin. Kun gayon, kung wala siyang paningin ay wala din siyang nakikita.
Subukan nating ipikit saglit ang ating dalawang mata at sabay tanungin ang ating sarili habang nakapikit ang dalawang mata natin: “Mayroon ba akong nakikita?”
May nakikita ka nga ba noong nakapikit ang iyong mga mata? Mayroon ba, o wala? Siyempre, mayroon. Kahit ang sa paligid mo ay wala kang nakikita dahil nakapikit ang iyong mga mata at ang nakikita mo lamang ay ang pusukit na kadiliman, nguni’t sa loob ng iyong pagkatawo ay may nararamdaman ka, ang iyong sarili. Kung gayon, kahit bulag ka at wala kang paningin ay may nakikita ka pa rin, at iyan ay ang iyong sarili.
Sa makatuwid, ang bulag ay sarili lamang niya ang kanyang nakikita at hindi ang ibang taong nasa paligid niya. Kaya, ang isang bulag ay pareho na rin sa isang makasariling tao, dahil sarili lamang niya ang kanyang nakikita at hindi ang iba. Tulad ni Bartimeo sa kuwento sa ebangheliyo na kahit na sinasaway na siya na huwag nang magiingay sa pagdaan ni Jesus ay patuloy pa rin ang kasisigaw niya dahil sarili lamang niya ang iniintindi at hindi ang ibang tao na nasa paligid niya na nagsasaway sa kaniya.
Ang pagkabulag ay sumisimbolo din sa kasalanan dahil ang lahat ng kasalanan ay nag-uugat sa pagiging makasarili ng isang tao. Kung kaya, ang isang makasariling tao ay siyang makasalanang tao. At dahil, lahat ng tao ay makasarili, kaya lahat ng tao ay makasalanan.
Ang pagiging makasarili ay sinimulan ni Eba’t Adan sa kuwento ng Hardin sa Eden, ng sinuway nila ang utos sa kanila ng Diyos, kaya’t ang kasalan na ito ni Eba’t Adan ay ang kasalanang orihinal. At dahil lahat ng tao ay nanggaling kina Eba’t Adan, kaya sinasabi na lahat ng tao ay nagmana ng kasalanang nagawa nila, kung kaya, lahat ng tao ay naging makasalalan. Kung ang lahat ng tao ay makasalanan, samakatuwid lahat ng tao ay makasarili, at kung gayon lahat ng tao ay bulag.
Heto ang mga
halimbawa ng mga makasalanan, kung gayon, mga bulag na tao dahil makasarili
sila:
- Isang Arsobispo na itiniwalag ang kanyang mga miyembro dahil lamang sa nasaktan ang kanyang “amor propyo” na hindi sinunod ang kanyang mga kagustuhan bilang isang nakatataas na superyor;
3. Isang namumuno sa pamahalaan na mas inuuna ang ambisyon niya sa politika, hindi nakikinig sa mga hinaing at pangangailan ng mga mamamayan, ngunit siya ay patuloy na pagiging madamot, mapang-api’t makapritso, at ang pangungurakot sa pundo ng kaban ng bayan;
4. Isang guro sa paaralan, o empleyado ng pribado’t pampublikong sektor, na hindi makontento sa sobra-sobrang sahod na tinatanggap, ngunit humihingi pa rin ng suhol, o anumang pabor materyal o sekswal, sa mga kliyente, o patuloy na pangungurakot sa pundo ng gobyerno;
5. Isang ordinaryong tao na nakaririnig sa katotohanan, ngunit hindi nakikita, o ayaw tanggapin, ang kahulugan nito;
6. At iba pang mga taong katulad nila.
Ang tanong, ang pagkabulag ba ay napagagagaling at nalulunasan? Katulad sa kuwento ng ebangheliyo ngayong linggo na pinagaling ni Jesus ang isang bulag na si Bartimeo dahil lamang sa kanyang pananampalataya, kung gayon, ang pagkabulag ay napagagaling at nalulunasan upang siya’y mamakitang muli.
Kung ang bulag sa pisikal na katayuan ay napagagaling, samakatuwid, ang isang bulag sa espirituwal na katayuan, ang taong makasarili’t makasalanan, ay may pag-asang mapagaling din. Kailangan lamang niya ay ang katulad ng pananampalatayang taglay ni Bartimeo para sa isang guro na katulad din ni Jesus na may taglay na kapangyarihan at kakayahan na magpagaling sa kanya.
Tama ang sinabi sa Una’t Ikalawang Pagbasa ngayong linggo na, “Ang sabi ni Yahweh, umawit kayo sa kagalakan alang-alang kay Jacob; magpuri kayo at inyong ipahayag na iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan na sila’y pababalikin kasama ang mga bulag at mga pilay, ang mga inang may anak na pasusuhin, pati ang malapit nang manganak; sila'y ibabalik na talagang napakarami! (Jeremias 31:7-9).
At ang Ikalawang Pagbasa naman ay nagsasabi: “Ang bawat Pinakapunong Pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao para mapatawad ang mga kasalanan nila. Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina ring tulad nila” (Mga Hebreyo 5:1-6).
Kung ang kasalanan ay ang pagiging makasarili, ito ay pwedeng magamot at malunasan, tulad ng pagagamot at paglulunas sa isang taong bulag. Kung pinagaling ni Jesus ang isang bulag dahil siya ay may pananampalataya, ang isang tao naman na makasalanan dahil siya ay makasarili, ay pwedeng malunanas at magamot kung matututo siyang magmahal ng muli at umibig sa kapwa-tao niya.
Dahil sa ang kasalanang orihinal ni Eba’t Adan ay ang pagigin makasarili nila dahil tinanggap nila ang katuruan ng Diyablo na “Ang Diyos ay hindi Pag-Ibig, bagkos ay isang malupit na amo, na ibig lamang silang ibilanggo sa kanilang mga sarili”, kaya sa pagtanggap ng pasaring na ito ng kaaway ay tinanggap din nila na hindi sila iniibig ng Diyos kaya sinuhay nila ang kanyang utos na hindi kumain ng prutas sa Kahoy ng Buhay.
Ibig sabihin, ang sinasabing kasalanang orihinal na minana ng lahat ng tao sa ating unang mga magulang ay ang kawalan ng pag-ibig at pagmamahal ng Diyos, na ito ay tuluyang nawala sa damdamin ng tao at napalitan ng pagiging makasarili, ng pagmamahal sa sarili lamang at hindi sa iba.
Samakatuwid, ang
lunas sa pagiging makasarili ng tao ay ang pag-ibig at pagmamahal. At ito ang
sinasabi sa Pangalawang Pagbasa na ginawa ng ating Pinakapunong Pari, na si Jesukristo,
ng mag-alay ng kanyang buhay bilang isang “kaloob at mga handog…at dahil
sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang
para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan.” (Mga Hebreyo 5:3).
Kung ang tao ay muling matututong umibig at magmahal sa kapwa, ay malulunasan na niya ang kanyang pagiging makasarili, at ang lahat ng mga kasalanang nagawa niya sa buhay, malaki man ‘yan o maliit, katulad ng mga kasalanang nabanggit na natin diyan sa itaas, ang lahat ng mga iyan ay mapapatawad dahil sa pag-aalay sa krus ng buhay na unang ginawa ng ating Pinakapunong Pari na si Jesukristo bilang pagtubos sa atin sa ating mga kasalanan.
Tulad ni Bartimeo na nagsabi kay Jesus na “Guro, gusto ko pong makakitang muli.” (Mk. 10:51), bilang pagpahayag ng kanyang pananampalataya sa kanya, ay dapat sabihin na din natin ngayon sa Diyos na “Panginoon, gusto ko na din pong magamot at malunasan ang aking pagkabulag at mga kasalanan ng pagiging makasarili sa paraan ng pagumpisang magmahal sa aking mga kapwa.” AMEN.
Sa pagtatapus, ang pagkabulag ay simbolo ng kasalanan dahil sa ang isang taong bulag ay representasyon, o simbolo, ng isang makasariling tao. Ang makasariling tao ay makasalanang tao dahil sarili lamang niya ang iniisip at hindi ang ibang tao. Ang pagmamahal at pag-ibig sa kapwa ang paraan upang maalis tayo sa sitwasyon ng pagiging makasarili. Si Jesukristo ang nagturo sa atin kung paano magmahal sa kapwa dahil sa kanyang sakripisyo at pagpapakasakit sa krus upang maialay ang kanyang buhay sa pagtubos at pagligtas sa sangkatauhan.
dnmjr/10-22-2024