HOMILIYA PARA SA Ika-21 na LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B) sa Misa para sa OL of Peñafrancia Deanery Chapel, Bgy. San Jose-San Pablo, Camaligan, Camarines Sur.
O, SADYANG KAY LUPIT, KUNG IKA’Y IPAGPALIT
Ang ebangheliyo para sa ika-21ng Linggo sa Karaniwang Panahon, na hango sa Juan 6:60-69, ay tungkol sa naging epekto ng mga sagot ni Jesus sa mga Hudyo dahil sa temang Tinapay, na nakadismaya sa marami sa kanyang mga alagad nang mapakinggan at tuluyang tumalikod na sa pagsunod sa kanya. Kaya naman tinanong ni Jesus ang Labingdalawang natitirang mga alagad niya, “Non vis quoque relinquere?” (Aalis din ba kayo?).
Ang pagtalikod (apostasy) ay nangyayari kung ang isang bagay, o tao, ay nakakakilabot na, nakakalula na, hindi na kapani-paniwala, nakakapagod na, nakakasuklam na, nakakadismaya na, nagbago na ang lasa ng paguugali, o ang templa ng utak, at naging “toxic” na (epekto na seguro ng kagagamit sa drugs, o iba pang kadahelanan), sobrang naiinip na sa paghintay sa wala, o kaya’y nakakaumay na.
Alam ni Jesus na kay pait at kay lupit, kung ika’y ipagpalit, kaya naman ang resulta nito ay nasa kasabihang, "Ang impiyerno ay walang alam na galit tulad sa isang babaeng ipinagpalit" (Hell knows no fury like a woman scorned). Kung may pait kapag ipinagpapalit, ang natural na pakiramdam ng isang pinalitan ay magalit.
Sa pagtalikod na ito sa kanya ng karamihan sa mga alagad niya, hindi si Jesus nagalit, bagkos ay unawa ang kanyang sukli doon sa mga alagad na tumalikod (apostatized) sa kanya.
Ang naging tugon dito ni Jesus ay mag-move-on agad-agad, at kanyang hinarap ang natitira pa niyang mga alagad at tinanong ng: Aalis din ba kayo? Ang sagot naman sa kanya ni Pedro, “Panginoon, kanino kami pupunta? Nasa iyo ang mga salita ng buhay na walang hanggan. Naniwala kami at nalaman namin na ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”
Kaya, ang sabi sa kanila ni Jesus: “Kayo ang mga taong tumayo nang tapat sa tabi ko noong ako ay nakararanas ng maraming pagsubok.” (Lk. 22:28).
Itong
pagsubok na ito na narasanan ni Jesus sa kanyang naging unang mga alagad na
tumalikod sa kanya ay tila baga repitisyon, o pag-uulit, sa naging karanasan ni
Moises sa mga Israelitang kanyang inaakay sa disyerto, na binasa natin sa Unang
Pagbasa sa linggong ito na hango sa Exodo 24:15-16, na ang sabi ni Moises sa
mga Israelita ay: Ngunit kung hindi
kayo maglilingkod kay Yahweh, piliin ngayon kung sino ang nais ninyong
paglingkuran. Subali’t ako at ang aking buong tahanan, kami ay maglilingkod kay
Yahweh.
Sumagot naman ang mga tao, “Wala kaming balak na talikuran si Yahweh at
maglingkod ibang mga diyos!"
Upang hindi mangyari at maranasan sa mga mag-asawa ang pait at lupit dahil sa ipinagpalit ang sinuman sa kanila sa iba, si Apostol Pablo ay may napakabuting hulit sa kanila sa Ikalawang Pagbasa ngayong linggo na kuha Ep 5:21-32, na nagsasabi: “Ipasakop ninyo ang inyong mga sarili sa isa’t isa sa pagkatakot sa Diyos. Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyo-inyong asawang lalaki gaya ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Ito ay sapagkat ang asawang lalaki ay siyang ulo ng asawang babae, tulad ni Cristo na ulo ng iglesiya at tagapagligtas ng katawan. Kung papaanong ang iglesiya ay nagpasakop kay Cristo, gayundin ang mga asawang babae ay magpasakop sa sarili nilang mga asawang lalaki sa lahat ng mga bagay.
Mga
asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyong asawa tulad ng pagmamahal ni Cristo sa
iglesiya. Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikipag-isa
sa kaniyang asawa at ang dalawa ay magiging isang laman.
“Yun naman pala ang sikreto kung papano magtatagal ang pagsasama ng mag-asawa sa iisang buklod ng pagmamahalang habang-buhay, at ito po ang “magic word”: sakripisyo.
Dito sa binasa, malinaw na sinabi ni Apostol Pablo na ang dapat na maging tratamyento raw ng mag-asawa sa bawat isa, sampu ng kanilang buong pamilya, ay ang pagmamahalan ni Cristo at ng Sta. Iglesiyang kanyang esposa.
Ang asawang babae ay dapat matutong magpasakop sa kanyang asawang lalaki, dahil kung papaanong ang iglesiya ay nagpasakop kay Cristo, gayundin ang mga asawang babae ay magpasakop sa sarili nilang mga asawang lalaki sa lahat ng mga bagay. Ang asawang babae ay magpitagan sa kaniyang asawang lalaki. Ito ay ginagawa ng asawang babae dahil nagpapasakop din siya sa Panginoong Jesukristo na kanyang pangulo sa Sta. Iglesia kung siya ay isang miyembro nito.
Ang asawang lalaki ay dapat ibigin ang kanyang asawang babae tulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesiya na ipinagkaloob ang kaniyang sarili para dito. Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kanilang mga asawa tulad ng pag-ibig nila sa kanilang sariling katawan. Ang asawang lalaki na nagmamahal sa kaniyang asawang babae ay nagmamahal sa kaniyang sarili katawan. Ito ay sapagkat wala pang sinumang namumuhi sa kaniyang sariling katawan kundi inaalagaan ito at minamahal tulad ng ginagawa ng Panginoon Jesus sa Sta. Iglesiya, ang kanyang minamahal na esposa. Ito ay dahil ang kanyang pamilya ay bahagi ng kaniyang sariling katawan, ng kaniyang sariling laman at ng kaniyang sariling mga buto, na ipinagkakaloob niya ang kaniyang sariling buhay sa buong miyembro ng kanyang sariling sambahayan. Gayunman, ang bawat asawang lalaki ay magmahal sa kaniyang asawang babae tulad sa kaniyang sarili.
Ang pag-ibig ni Kristo sa Sta. Iglesia ay ganito: na gawing banal ang Sta Iglesiya sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig at sa salita sa paraan ng bautismo. Ipinagkaloob niya ang kaniyang sarili upang gawing banal ang Sta. Iglesiya sa paghain niya ng kanyang buhay sa krus ng kaligtasan. Ito ay upang maiharap niya ang Sta Iglesiya sa kaniyang sarili na isang marilag na iglesiya, walang batik o kulubot o anumang mga gayong bagay, sa halip, ang Sta. Iglesiya ay maging banal at walang kapintasan sa pagdating mga wakas ng mga panahon.
Ang ginagawa ng Panginoon sa Sta. Iglesiyang kanyang esposa ay trinato niya ito bilang bahagi ng kaniyang iisang katawan, ng kaniyang laman at ng kaniyang mga buto, na ipinagkaloob niya ang kaniyang sarili sa Sta. Iglesiya na kanyang sariling katawan. Ito ay isang dakilang hiwaga tungkol kay Kristo at sa Sta. Iglesiya.
‘Yun naman pala, dahil ang mag-asawa, sampu ng kanilang mga anak, ay bumubuo ng iisang katawan lamang, kaya naman ang kaugnayan ng bawat miyembro ng pamilya ay isang tinatawag na teleological relationship, o kaugnayang mala-bituin at mga planeta sa kalangitang bumubuo na isang solar system.
Ang isang pamilya, o pamahayan, ay isang kumpletong sistema na binubuo ng iba’t ibang parte, o bahagi, na may kanya-kanyang tungkulin, nguni’t may kaugnayan sa bawa’t isa, sa loob ng iisang katawan. Kung mawala ang isang parte, ay wala rin mangyayari sa buong katawan, o kaya ang buong katawan ay magdurusa. Kung masaya naman ang isang parte, ay buong katawan din ang sasaya. Ito po ang tinatawag na teleological relationship sa mag-asawa at isang buong pamilya nila. Ang bawa’t bahagi ng pamilya ay nagtutulungan, nagtatanggolan, at nagsusustentuhan sa isa’t isa upang ang buong pamilya ay maging malakas, masaya, at kapaki-pakinabang At ang iisang espiritu na humihinga at nagpapalakas sa iisang katawan na ito ay ang espiritu ng sakrispisyo.
Ang
pagsasakripisyo ng bawa’t isang miyembro ng pamilya ay mahalaga para sa buong
sambahayan (viz. ama, ina, sampu ng lahat ng kanilang mga anak) upang
mapanatili ang pagmamahal ng bawa’t isa sa loob ng kanilang sariling pamilya
habang-buhay. Kung matutupad ito sa bawa’t pamilyang kristyano, ito na po ang
sinasabing pagmamahal ng mag-asawang hanggang hukay, hanggang kamatayan, sa
hirap man o sa ginahawa, sa sakit man at karamdaman, sa tuwa at lungkot man,
sila pa rin ang magsasama-sama na walang iwanan, at walang sinumang ipapalit sa
iba, hanggang sila ay nabubuhay. “Yan po ang “married in the Lord”.
Kaya nga po para maiwasan natin na tayo ay ipagpalit, at tuluyan nang talikuran para sa iba, kailangan pong matuto tayong maging mga anak ng Diyos na handang magsakripisyo ng sarili upang ang iba ay mabuhay, gaya ng sinabi ni Pedro Apostol kay Jesus: “Kanino kami pupunta? Nasa iyo ang mga salita ng buhay na walang hanggan. Ikaw ay isang Banal ng Dios.”
Alalahanin po nating palagi, na masakit kung tayo ay ipinagpapalit, at malupit kung tayo ay mabubuhay na palaging may galit.
Ang mga katuroang ito ay makukuha naman po natin sa mga artikulong sumusunod:
1. “FAMILIES IN
EVANGELISM: God’s Plan for Families”, na nasa isang Escuela Catekumenal
blogspot na may link na: https://www.blogger.com/blog/posts/8333280335257363326
No comments:
Post a Comment