Thursday, January 30, 2025

PAGDADALISAY KAY JESUS SA TEMPLO

HOMILIYA SA MISA PARA SA IKA-APAT NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON (Cycle C) PAGDADALISAY KAY JESUS SA TEMPLO Ang mga babasahin sa Misa para sa Ikaapat na Linggo ng Karaniwang Taon (Cycle C) at ang kanilang mga buod ay ang mga sumusunod: Unang Pagbasa – Malakias 3:1-4 - Sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At si Yahweh na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan.” Ikalawang Pagbasa – Mga Hebreyo 2:14-18 - Yamang ang mga anak ay may laman at dugo, siya din naman ay nakibahagi ng ganoon, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang mapawalang-bisa ang diyablo na siyang may hawak ng kapangyarihan ng kamatayan. Kaya kinakailangang matulad siya sa kaniyang mga kapatid sa lahat ng paraan upang sa kaniyang paglilingkod sa Diyos, siya ay maging mahabagin at matapat na pinaka­punong-saserdote, upang siya ay maging kasiya-siyang hain sa mga kasalanan ng mga tao. Sapagkat nakaranas siya na siya ay tuksuhin. Kaya naman kaya niyang tulungan ang mga tinutukso. Ikatlong Pagbasa – Lk 2:22-40 - Naganap na ang araw ng kanilang pagdadalisay ayon sa kautusan ni Moises. Dinala nila si Jesus upang maghandog ng hain ayon sa sinabi sa kautusan ng Panginoon. Narito, sa Jerusalem ay may isang lalaki na ang pangalan ay Simeon. Ang Banal na Espiritu ay naghayag sa kaniya na hindi siya mamamatay hanggang hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Dinala nga ng mga magulang ang maliit na batang si Jesus sa templo at kinarga siya ni Simeon at pinuri ang Diyos na nagsabi: ‘Panginoon, ngayon ay papanawin mo na ang iyong alipin na may kapayapaan ayon sa iyong salita…sapagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa harap ng lahat ng mga tao’. Si Jose at ang ina ni Jesus ay namangha sa mga bagay na sinabi patungkol sa kaniya. Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria na ina ng bata: ‘Narito, siya ay itinalaga upang ibagsak at itindig ang marami sa Israel. Siya ay magiging isang tanda na kanilang tututulan. Ito ay mangyayari upang mahayag ang mga pagtatalo ng maraming puso. Sa iyo rin, isang tabak ang tatagos sa iyong kaluluwa’. Naroroon din si Ana, isang babaeng propeta na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Siya ay mga walumpu’t-apat na taon na at siya ay isang balo. At hindi na siya umalis sa templo. Araw at gabi siya ay naglilingkod na may mga pag-aayuno at mga pagdalangin. Sa oras ding iyon, pumasok siya sa kinaroroonan nila at nagpuri sa Panginoon. Nagsalita siya patungkol kay Jesus sa kanilang lahat na nasa Jerusalem na naghihintay ng katubusan. Nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay ayon sa kautusan ng Panginoon, sila ay bumalik sa Galilea, sa Nazaret na kanilang lungsod. Ang bata ay lumaki at lumakas sa espiritu. Napuspos siya ng karunungan at ang biyaya ng Diyos ay sumakaniya. Ayon sa Leviticus 12:2 at 6-7, ang batas ng Paglilinis pagkatapos ng panganganak, ang probisyon na ito ay nagsasabing “Kung ang isang babae ay magbuntis at manganganak ng isang lalaki, siya ay magiging marumi sa seremonyal na paraan... at pagkatapos maghintay ng tatlumpu't tatlong araw, siya ay ay lilinisin mula sa pagdurugo ng panganganak. Kapag natapos na ang oras ng paglilinis, ang babae ay dapat magdala ng isang taong gulang na kordero bilang handog na susunugin at isang batang kalapati o kalapati bilang handog sa paglilinis. Dapat niyang dalhin ang kanyang mga handog sa pari sa pasukan ng Tabernakulo. Ihaharap sila ng pari sa Panginoon para dalisayin siya. Pagkatapos siya ay magiging malinis na muli pagkatapos ng kanyang pagdurugo sa panganganak”. Ito po ang binasehan ng ating kuwento sa ebangheliyo ngayong linggo, ang kuwento ng pagpapadalisay, o paglilinis, kay Jesus sa Templo. Para sa isang mag-asawang Hudiyong kapanganganak pa lamang, ang gawaing ito ay isang normal at natural na gawain dahil sa pinaguutos ito ng batas. Kaya, ang mag-asawang si Jose at Maria, dala ang kanilang bagong silang na anak, ay pumaroon sa Templo sa araw na itinakda upang isagawa ang isang gawain tungkol sa pag-dadalisay. Sa hindi nila inaasahan, pumunta din doon sa Templo sa oras ding iyon at sa udyok ng Espiritu Santo, ang dalawang Israelitang profetang Simeon at Ana. Sa pagkakita ni Simeon sa bata, ito ay nagwika: Ang batang ito ay itinalaga upang ibagsak at itindig ang marami sa Israel. Siya ay magiging isang tanda na kanilang tututulan. Ito ay mangyayari upang mahayag ang mga pagtatalo ng maraming puso.” At sa kay Mariang ina ng bata, si Simeon ay nagwika rin: “At sa iyo rin, isang tabak ang tatagos sa iyong kaluluwa”. Sa pamamagitan ng mga salitang ito ni Simeon ay hinulaan niya ang paparating na mga kaganapan sa buhay ng bata at ng kanyang ina, na sa kalauna’y natupad nga lahat ayon sa naging takbo ng buhay nila Jesus at Maria na mababasa natin sa mga kuwento sa ebangheliyo. Sinasabi pa dito sa ebangheliyo na ang lahat ng mga kaganapang ito ay iningatan na lamang ni Maria sa kanyang puso hanggang sa panahon na nakita nga niyang natupad ang lahat ng mga bagay na ihinula ni Simeon tungkol sa kanilang dalawa. At dahil dito, ang batang si Jesus ay lumaki at lumakas sa Espiritu at napuspos ng karunungan at mga biyaya ng Diyos pagkatapus na bumalik sa bayan nila sa Nazareth, Galilea, dahil lamang sa pagsunod at pagtupad sa batas ng paglilinis na ayon sa batas ni Moises. Ano po ba ang ibig ipakahulugan ng mga pananalita ni Simeon na: siya ay 1. Itinalaga upang ibagsak at itindig ang marami sa Israel; at 2. Tanda na kanilang tututulan upang mahayag ang mga pagtatalo ng maraming puso. At ang pananalita ni Simeon sa kanyang ina (kay Maria) na: 3. Isang tabak ang tatagos sa iyong kaluluwa. Ang lahat ng mga pananalitang ito ni Simeon ay may kinalaman at pumapatungkol sa PASYON (pagsakit at pagkamatay) ni Jesus sa krus kung saan: 1. Ang kanyang sinapit sa mga kamay ng mga Hudyong kaparian ay nagdala ng labis na kaguluhan sa bayan ng Israel. Ito ang sinabi ni Jesus noon na "Ako'y pumarito hindi upang magdala ng kapayapaan, kungdi ng hidwaan at pag-aalitan" (Lk 12:51-53; Mt. 10:34-36), na patungkol naman ito sa sinabi ni Simeon na "siya'y itinalaga upang ibagsak at itindig ang marami sa Israel"; 2. Ito rin ang dahilan kung bakit sinabi noon ni Jesus na "kung wala kayong espada ay bumili na kayo ngayon, dahil ang mga sinabi tungkol sa akin sa akalat ng kasulatan ay magaganap na" (Lk. 22:36). na ang patungkol naman sa sinabi ni Simeon na "siya'y isang tanda na kanilang tututtulan upang mahayag ang mga pagtatalo ng maraming puso"; 3. Ang kanyang sinapit na mga sakit sa krus ay ang nagong dahilan upang ang puso ng kanyang ina ay mabiyak sa labis na kapighatian at matinding kahirapan sa pagkakita pa lamang sa kanyang nakabitin na duguan na katawan sa krus (Jer. 15:10; Juan 19:25-27), pinarusahan dahil sa ating mga kasalanan (Isaias 53:5). Kung gayon, tayong mga taong makasalanan ang espadang itinurok sa puso ng ina ni Jesus, si Maria, na tiumagos pati sa kangyang kaluluwa. Ang lahat ng mga pangyayaring ito sa kanyang pasyon ay sinabi ni Simeon sa kanyang hula kay Jesus na isang tanda na pagtututulan upang mahayag ang mga pagpapatalo ng maraming puso, dahil tayo-tayo ang nagsisipagtalo laban sa bawa't isa kung sino sa atin ang may kasalanan sa kanyang sinapit na mga sakit at kamatayan sa krus. Sa ngayon, si Jesukristo pa rin ang isang tanda na pinagtatalunan at pinagaawayan ng mga sekta ng relihiyon sa buong mundo, at ng mga miyembro ng iba't ibang grupo ng kristyanong iglesiya na may kanya-kanyang pananampalataya at paniniwala upang sila'y magkagulo, maghiwa-hiwalay, at magsiraan laban sa isa't isa kung sino sa kanila ang may tama o may maling paniniwala at doktrinang taglay, o kaya kung sino sa kanila ang mas nakararami, mas mapera at mas maimpluwensiya sa lipunan ng mga tao. "Yan pa rin ang mga bagay na pinagtatalunan ng mga relihiyon at mga sekta ng relihiyon na ang ugat nga ng kanilang pagtatalo ay kung sino ang tunay at dalisay na mananampalataya at may malalim na pagmamahal kay Jesukristo. Kaya, ang mga hula ni Simeon noon kay Jesukristo doon sa Templo nang siya'y dinalisay ay hindi lamang naganap sa panahon ni Jesukristo kungdi nagaganap hanggang ngayon sa ating kasalukuyang panahon. Nakakahiya sa mga di-kristyano at walang pananampalataya sa Dios, dahil sa ang mga nagsisipagtawag sa kanilang mga sarili na kristyano, at pare-parehong mga kristyano daw, ay nagsisiraan, nagbabanatan, nag-eekskumonyonan, nagsususpensyonan, nagpapalayas sa samahan, nag-aakusahan sa mga korte, at nagbibintang ng kung anu-ano sa kapwa kristyanong Iglesiya ng schism, null-and-void-ab initio ang grant ng communion, mali at walang apostolic succession, at iba pang kagaya nito. Naiiskandalo ang mga di-kristyano at walang pananampalataya sa Dios, dahil sa hidwaan at siraan ng mga krisyano sa ngalan ng iisa nilang Kristo. Ibig sabihin hindi pa rin tapos ang mga paghihirap na dinanas ni Jesukristo noon habang nakabitin siya at duguan sa krus at patuloy pa rin sa kasalukuyan ang kanyang paghihirap habang nakapako sa krus, dahil sa mga kaguluhan, awayan, banatan at siraan na nangyayari ngayon sa mga iglesiyang nagtataglay at gumagamit ng pangalan ni Jesukristo na sila raw ay mga kristyano at mga kaanib sa iisa lang daw na Iglesiya ni Kristo. Nakakahiya nga sa mga di-kristyano at walang pananampalataya sa Diyos dahil ang sinasabing pagtubos ni Kristo sa atin ay hindi pa pala nangyayari sa kabila ng pahayag ng iilang kristyano na natubos na raw tayo ni Kristo, at tapus na raw ang kangyang pagligtas sa sangkatauhan, nguni’t nagpapatuloy pa rin pala ang mga paghihirap niya na nakabitin at duguan diyan sa taas ng krus upang tubusin tayo sa ating kasalukuyang mga kasalanan ng mga siraan, banatan, akusahan, at batuhan ng kung anu-anong mga paratang at sumbong laban sa ating mga kapwa kristyano at kapwa mga miyembro ng iisa raw na iglesiya ni Kristo. Ang buong akala natin ay nasa loob na tayo ng iglesiya ni Kristo at nagsisipagpuri na ng lubos sa Diyos dahil sa natamo na raw natin ang kaligtasan at tagumpay laban sa kasalanan at kapangyarihan ng Diyablo at ni Satanas dahil sa pagtubos sa atin ni Jesukristo sa krus ng kaligtasan. Nguni’t sa nakakalungkot at nakakalumong reyalidad ng ating kasalukuyang takbo ng awayan ng mga iglesiya ni Kristo ay hindi pa pala tayo ligtas, at kung gayun ay hindi pa tayo dapat na magdiwang ng ating kaligtasan at magpuri sa Diyos sa loob ng ating mga iglesiya sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ating mga liturhiya’t mga gawain pagsamba. Sayang lahat ang mga gawaing ito dahil sa totoo lang ay wala pa talagang nailigtas si Kristo sa kapangyarihan ng kaaway ng Diyos! Kaya, tama pala na dapat sariwain at ganapin natin taun-taon ang pagsagawa ng pasyon, mga sakit at kamatayan, ni Kristo sa ating mga kalsada’t kaburulan dahil sa ganoong paraan ipinapakita at ipinahahayag natin sa buong mundo na patuloy pa rin tayong iliniligtas ni KRISTO. Kaya naman pala hindi masugpu-sugpo, mapuksa at masawata ang mga kurupsyon, katiwalian, krimen, kalaswaan, at mga panghahalay na nagaganap sa ating kasalukuyang lipunan dahil wala pa tayong hinahawakang pruweba ng ating kaligtasan laban sa lahat ng porma ng kasalan at kasamaan. Sino ngayon ang PEKE, 'yun bang mga taong nagpapaka-kristyano, o yung mga kristyanong nagpapaka-pagano? dnmjr_28 Jan. 2025

No comments: