HOMILIYA SA LINGGO NG PISTA NG PENTECOSTES (CYCLE C)
ESPIRITU SANTO: ANG KAPANGYARIHAN NG DIYOS
Narito ang mga buod ng ating mga babasahin sa Linggo ng Pentecostes (Cycle C).
Unang Pagbasa – Gawa 2:1-11- Nang sumapit ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nasa iisang pook na nagkakaisa. Sila ay nakaupo sa loob ng isang bahay. Biglang may umugong mula sa langit tulad ng humahagibis na marahas na hangin at pinuno nito ang buong bahay. May nagpakita sa kanila na nagkakabaha-bahaging mga dila tulad ng apoy at ito ay lumapag sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at nagsimulang magsalita sa ibang mga wika ayon sa ibinigay ng Espiritu sa kanila na kanilang sasabihin.
Ikalawang Pagbasa –1 Co 12:3b-7, 12-13 – Kaya nga, walang sinumang tao ang makakapagsabing si Jesus ay Panginoon maliban sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
Ebangheliyo –Juan 20:19-23 - Sinabi ngang muli ni Jesus sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo. Kung papaano ako isinugo ng Ama, gayundin, isinusugo ko kayo. Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi sa kanila: Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. Ang kaninumang mga kasalanan na inyong pinatatawad ay ipinatatawad iyon sa kanila. Ang kaninumang mga kasalanan na hindi ninyo pinatatawad, ang mga ito ay hindi pinatatawad.
Ang kasalukuyang kristyanong pista ng Pentecostes ay mula sa isa sa tatlong pista ng mga Hudyo na may Griyegong pangalan ng “Pentecostes” (Ex 23. 14-17 - ang talababa a ng Gawa 2:1 ay nagsasabi na, “Ang kapistahan ng Pag-aani, na tinatawag na “kapistahan ng mga Linggo’ sa Ex. 34:22; ito ay ginanap ng pitong linggo (Dt 16:19), o limampung araw, Lv. 23:16, pagkatapos ng Paskuwa (samakatuwid ang Griyegong pangalan nito ay ‘Pentecost’, Tb. 2:1) at minarkahan ang pagtatapos ng pag-aani ng trigo”. Tingnan sa Jerusalem Bible).
Ang Pentecostes ay itinutugma sa isang ekperyensiya ng mga sinaunang apostoles ni Jesus na pagkatapus na si Jesus pinatay sa krus ay nagkulong sila sa isang kuwarto sa Jerusalem dahil sa takot nila sa mga Hudiyong kaparian na baka sila rin ay isunod na ipadakip at ipapatay ng kagaya sa kanilang tagpagturo. Nguni’t sa pagtitipong ‘yun sa itaas na kuwarto ay pinukaw ang kanilang mga isipan at damdamin sa isang bago at masidhing katotohanan tungkol sa kanilang guro at napagtanto nila na siya pala ay isang sugo ng Diyos kung kaya ito ay namatay nguni’t muling binuhay upang iligtas ang mga tao sa kanilang miserableng kalagayan sa buhay.
Kaya, nakatanggap sila ng bagong lakas at kapangyarihang lumabas sa kanilang pagtatago sa isang kuwarto sa itaas at hayag-hayagang magsalita sa mga tao sa labas tungkol kay Jesus na kanilang tagapagligtas.
Ito na po ang pagsilang ng Sta. Iglesiya mula sa eksperyensiya ng mga sinaunang apostoles sa araw ng isang Pentecostes, kung saan nagbuhos sa kanila ang Espiritu Santo ng isang maliwanag na inspirasyon tungkol sa misyon at mga gawain ni Jesus para sa kaligtasan ng mga tao.
Ang Espiritu Santo ay ang kapangyarihan at lakas ng Diyos na siyang ginagamit niya upang siya’y makapagtrabaho.
Halimbawa: Una, sa Gen. 1:2, sinasabi na ang Espiritu ng Diyos ay umaaligid sa ibabaw ng katubigan, at sa simula pa lamang ng paglikha niya ng sanglibutan ay nadoon na ang kanyang Espiritu upang gumawa ng kaniyang mga gawain.
Pangalawa, sa Lukas 1:35, sinabi ng anghel kay Maria na darating sa kanya ang Banal na Espiritu, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ang lililim sa kanya, dahil sa ang Espiritu Santo ay isang binhi (Gk., “esperma”, “seed”) ng Diyos na pagmumulan ng buhay ng magiging anak ni Maria. Ang binhing ito ay may kapangyarihang taglay upang makapagsimula at makapagbigay ng buhay.
Pangatlo, sa ating ebangheliyong binasa para sa linggo ito ay sinabi na tatanggap sila ng Espiritu Santo upang ang mga kasalan ng sinuman na kanilang ipapatawad ay patatawarin. Samakatuwid, ang Espiritu Santo lamang ang may kapangyarihang magpatawad at mag-alis ng mga kasalanan ng sinuman tao.
Pang-apat, sa ikalawang pagbasa sa linggong ito, si apostol Pablo mismo ang nagsabi na “iisang Espiritu ay ibinigay sa lahat upang siya’y inumin” (1 Co 12:13). Ang isang kapangyarihan lamang ay siyang pwedeng inumin ninuman.
Panglima, sa pangatlong stanza ng kantang “Veni Creator Spiritus”, sinasabi na ang Espiritu Santo ay ang daliri ng kanang kamay ng Ama. Ang talatang ito ay tumutukoy sa Espiritu Santo bilang kapangyarihan ng Diyos.
Sinasabi din natin na isang persona ang Espiritu Santo, ang ikatlong persona ng Diyos, dahil siya an ikatlong manipestasyon (na kilala rin bilang: Latin, “persona”, na may mga kahulugan na aspeto, imahe, maskara, o manipestasyon) ng Diyos.
Ang unang persona, o manipestasyon ng Diyos ng kanyang sarili, ay bilang siya ay liwanag, na siyang tinatawag na Diyos Ama, na tagapagbigay ilaw at buhay sa lahat ng mga linalang.
Ang ikalawang manipestasyon ng Diyos ng kanyang sarili ay ang tinig, tunog, salita, o verbo, na siya ring tinatawag na Diyos Anak.
At ang ikatlong persona, o manipestasyon, ng Diyos ng kanyang sarili ay bilang lakas, o kapangyarihan sa paggawa, na tinatawag Espiritu Santo na siya ring semilya ng buhay.
Ang tatlong ito ay mga manipestasyon ng iisang Natura (na galing sa salitang Latin “nascor”, na ibig sabihin ay simula, orihen, pagsilang, kapanganakan, at iba pa), ang Inang tagapagsilang, tagagabay, at tagapagligtas ng buhay ng mga tao dito sa ating mundo.
Bilang pangtapus, hiramin natin ang isang pahayag tungkol sa mga gawain ng Espiritu Santo sa ating Iglesiya, na nagsasabing, “Hayaang ang Banal na Espiritu ang maghirang, magpahid, at magbigay ng kapangyarihan—hindi pulitika, hindi mga alyansa, hindi mga personal na agenda. Bumalik tayo sa silid sa itaas, kung saan nagsimula ang Iglesiya—hindi sa kompetisyon, kundi sa panalangin; hindi sa posisyon, ngunit sa pagkakaisa; hindi sa kontrol, ngunit sa pagsuko. Kung talagang mahal natin ang Sta, Iglesiya, hahayaan nating kumilos ang Diyos. Magtitiwala tayo na ang Espiritu ang nagtatayo, hindi ang ambisyon” (Post ni Ken Ken na may titulong “When Service Becomes Self-Interest”, Facebook: June 3, 2025).
dnmjr/2 Hunyo 2025
No comments:
Post a Comment