Wednesday, January 22, 2025

BINUKSAN ANG BALUMBON

HOMILIYA PARA SA MISA SA IKA-3 LINGGO NG KARANIWANG TAON (Cycle C) BINUKSAN ANG BALUMBON Ang mga babasahin sa Misa para sa Ikatlong Linggo ng Karaniwang Taon (Cycle C) at ang kanilang mga buod ay ang mga sumusunod: Unang Pagbasa - Nehemias 8:2-4a, 5-6, 8-10 - Si Ezra ay nakikita ng lahat sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat. “Purihin si Yahweh, ang dakilang Diyos!” sabi ni Ezra. Itinaas naman ng mga tao ang kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.” Nagsiyuko rin sila at sumamba kay Yahweh. Ikalawang Pagbasa – 1 Cor. 12:12-14, 27 - Si Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan. Ikatlong Pagbasa – Lk. 1:1-4, 4:14-21 - Pumunta si Jesus sa Nazaret, ang bayan kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng kasulatan, 17 at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya, at sa mga bulag na sila'y makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi, at upang ipahayag ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.” Inirolyo niya ang kasulatan, isinauli sa tagapag-ingat at siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, 21 at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.” Sa kuwento sa ebangheliyo ngayong linggo ay nagtuturo sa atin kung papano si Jesus nagbigay ng isang homiliya sa mga tao. Ang homiliya ay naiiba sa isang sermon. Ano ang pakakaiba ng dalawa sa isa’t isa? Ang sermon ay isang pangangaral tungkol sa isang moral na klase ng pamumuhay, o ang paguturo sa mga tao na gumawa ng kung anong tama at ang hindi paggawa ng kung anong mali na dapat nilang palaging sundin upang maging silang kalugod lugod sa Diyos. Samantala, ang homiliya ay isang exhortasyon, o ang paghihikayat sa mga tao na magpatuloy sa kanilang buhay dahil sa nangyari na, o naganap na, ang mga mabubuting bagay para sa kanila. Katulad ‘yan sa mga pananalitang ginamit ng Panginoon sa kanyang diskurso sa mga tao sa ebangheliyo ngayong linggo, na sinabi niya na ang mga bagay na sinasabi ng Diyos sa banal na kasulatan ay naganap na sa mismong araw at oras na naririnig nila iyon. Ang homiliya ay hindi isang pangako sa mga tao ng isang bagay na darating pa lamang, o isang panunumbat dahil sa mga kasalanang nagawa ng mga tao sa kanilang nakaraan, kundi isang paghimok sa kanila na ang mga mabubuting bagay na kanilang inaasam, o inaasahan, ay nangyayari na sa oras mismo ng kanilang pakikinig. Ang sermon ay ang “pagmomoralize”, samantalang ang homliliya ay ang “pagliliberalize”. Sa sermon, ang kondukta ng mga tao ay ang pinakikialaman, o pinipintasan at hinahanapan ng mga deperensya’t mal isa paguugali at mga butas sa batas. Samantalang sa homiliya naman, ang buhay ng mga tao ay pinapalaya at tinatanggalan ng mga haring at bara sa pamamagitan ng mga salitang mapagpalaya at nagpapalakas ng isipa’t damdamin at nagpapatibay sa kanilang determinasyong magpatuloy sa buhay kahit na anong mangyari. Kaya, sinabi ni Jesus pagkatapus ng kanyang pagbasa sa banal na kasulatan na, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.” Ang ibig sabihin nito ay sa pamamagitan ng pagsasalita lamang niya ay may isang kapangyarihang lumabas sa kanyang bibig upang patotohanan at patunayan ang lahat ng mga sinabi at maganap ang lahat na propesiya para sa mga tao. Kaya, kung makarining kayo ng mga panglalait at pamimintas na galling sa kanino man, magsa pari o sa ministro man, tiyak ‘yan ay isang sermon. Nguni’t kung makarining kayo ng mga salitang nagpapagana’t nagpapagaan sa buhay, at masaya sa pakiramdam, tiyak ay homiliya po ‘yon. At ang sagot na lamang ng mga taong nakikinig sa isang homiliya ay walang iba kungdi ang “Amen” dahil sa ang salitang ipinahahayag sa kanila ay naganap na sa kalagitnaan nila. Iyang po ang pagkakaiba ng isang homiliya sa isang sermon.

No comments: