Pages
▼
Monday, January 13, 2025
ANAK NA MINAMAHAL
HOMILIYA PARA SA LINGGO NG PAGBAUTISMO SA PANGINOON (Cycle C)
ANAK NA MINAMAHAL
Ang mga babasahin para sa Linggo ng Pagbautismo sa Panginoon (Cycle C) at ang kanilang mga buod ay ang mga sumusunod:
a. Unang Pagbasa – Isaias 42:1-4,6-7 - Narito ang aking lingkod na aking itinataguyod, aking hinirang na kinalulugdan ng aking kaluluwa. Pinagkalooban ko siya ng aking espiritu upang siya ay magdala ng tunay na hustisya sa mga bansa. (Isaias 42:1)
b. Ikalawang Pagbasa – Mga Gawa 10:34-38 - Pinahiran siya ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan (Gawa 10:38)
c. Ebangheliyo - Lukas 3:15-16,21-22 – Ngayon nang ang lahat ng mga tao ay mabautismuhan at habang si Jesus pagkatapos ng kanyang sariling bautismo ay nananalangin, nabuksan ang langit. At ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kanya sa hugis ng katawan, tulad ng isang kalapati. At isang tinig ang dumating mula sa langit, "Ikaw ang aking Anak, ang Minamahal; ang aking paglingap ay sumasa iyo." (Lk. 3:21-22.
Ang pagbautismo ni Juan Bautista kay Jesus ay ang kanyang ordinasyon sa pagkapari sa pakunwaring isang bautismo sa tubig ng pagsisisi kagaya ng ibinibigay ni Juan sa karaniwang Israelitang lumalapit sa kanya. Nguni’t si Jesus ay malinis na sa kasalanan na hindi nangangailangang paghuhugas sa tubig ng pagsisisi. At maaalala natin na si Juan Bautista ay nagbibinyag ng pagsisisi sa pananaw ng paparating na Mesias na siyang magbabautismo sa Espiritu at sa katotohanan. Kaya, ang bautismo ni Juan Bautista kay Jesus ay hindi bautismo sa tubig nguni’t isang ordinasyon sa pagkapari dahil sa pagsampa sa kanya ng isang kalapati na galing sa langit, na sumisimbolo sa Banal na Espiritu, at may tinig na narining na nagwika galing sa langit na “Ito ang aking anak na lubos kong kinalulugdan”
Kailangang ordinahan si Jesus ni Juan Bautista sa pagkapari sa komunidad, o Iglesiya, sa Ilang ng mga Israelita, dahil sa paparating na kamatayan ni Juan sa mga kamay ni Haring Herodes Antipas. Dahil si Jesus ang magtataguyod ng trabaho, o ministeryo, sa Ilang ni Juan Bautista pagkatapus na ito ay mapugutan ng ulo sa utos ni Haring Herodes, kaya kailangang ilipat ni Juan Bautista, sa pamamagitan ng isang sakramento, ang kanyang pagkapari kan Jesus sa paraan ng isang ritwal na Bautismo sa Ilog ng Jordan.
Sa katunayan na ang bautismo ni Juan Bautista kay Jesus ay ang kanyang ordinasyon sa pagkapari ay dahil sa pagkatapus na pagkatapus nito ay nagumpisa na si Jesus na gumampan ng kanyang ministeryo sa mga tao alinsunod sa ipinagagawa sa kanya ni Juan Bautista pagkatapus agad ng kanyang pakikipagtunggali ki Satanas sa Ilang (disyerto). Sa kuwento ng kahit dalawang ebanghelista ay makukuha ang ganitong mga pahayag.
Kaya, wala naman talagang iglesiyang itinayo sina Juan Bautista at Jesukristo maliban sa iglesiya, o kuminidad, ng Israel sa Ilang na nagmula pa kay Propetang Moises sa panahon ng Exodo, o sa paglabas ng mga Israelita sa Ehipto at paglakbay nila sa disyerto sa loob ng apatnapung taon. At sa panahon ni Juan Bautista at Jesukristo, ang iglesiyang ito sa Ilang ay nakapatirapa, o nakabuwal, kung kaya sinabi ni Jesukristo na kailangan niyang itayong muli ang kanyang Iglesiya.
Sa makatuwid, si Jesukristo ay hindi naman talaga gumawa, o nagtayo, ng sarili niyang Iglesiyang pag-aari niya, na galing sa kanyang pagkatao o sa kanyang kapangyarihan bilang isang kinikilalang Mesias, kundi ipinagpatuloy lamang niya ang Iglesiyang tinanggap niya kay Juan Bautista sa kapangyarihan ng pagbautismo sa kanya ni Juan sa Ilog ng Jordan. At ang iglesiyang ito na itinayo ni Jesukristo na galing kay Juan Bautista ay ang antigong iglesiya sa Ilang ng Israel na ipinatayo kan Moises ng Panginoong si Yahweh.
dnmjr_01/14/2025