Pages

Wednesday, October 30, 2024

100% PAG-IBIG SA PARAAN NG SHEMA

 


HOMILIYA PARA SA Ika-31ng LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B) 

100% PAG-IBIG SA PARAAN NG SHEMA

Bilang pagpapatuloy sa ebangheliyong tinalakay noong nakaraang linggo, ang ebangheliyo natin para sa ika-31ng Linggo sa Karaniwang Panahon (Cycle B) na kinuha sa Ebangheliyo ni San Markos 12:28-34, ay tungkol sa kasagutan sa tanong sa temang natalakay na noong nakaraang linggo kung papaano magmamahal at iibig ang isang kristiyano, at ito ay sa pamamagitan ng Siyento Porsyentong Pag-ibig at Pagmamahal sa pamamaraan ng Shema. 

Ang insidenteng ito sa ebangheliyo ay pwede nating pakahuluganan sa ibang pangungusap sa ganitong paraan: 

May isang Hudyong pantas sa batas na nagtanong kay Jesus: “Guro, paano ako magkakaroon ng buhay na walang hanggan?” (Cf. Lk 10:25-28; Mt 22:34-40). 

Sagot ni Jesus: “Puwede bang makontento ka na lang na ikaw ay buhay?” 

Sagot naman ng Hudyong Pantas: “Guro, hindi naman po sapat na ang isang tao ay buhay lamang, nguni’t kailangan din niyang may “love-life. 

Ani Jesus: “Ah, love-life ba ang gusto mo? Okay, ito po ang love-life: ‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas‘. At ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. 

Ang ebagheliyo ayon kay Markos12:28-34 para sa linggong ito ay ito po talaga:

Ang kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po ba ang pinakamahalagang utos?” Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon nating Diyos ang tanging Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” Wika ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay.” Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya't sinabi niya, “Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos.” At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.

Ito naman po ang Unang Pagbasa na kinuha sa Deuteronomiyo 6:2-6 -  Makinig kayo, O mamamayan ng Israel, at sundin ninyo ang kanyang mga utos para maging mabuti ang inyong kalagayan at upang lalo pa kayong dumami sa maganda at masaganang lupain, ayon sa ipinangako ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. “Makinig kayo, O mga mamamayan ng Israel: Ang Panginoon na ating Dios ay iisang Panginoon lang. Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buo ninyong lakas. Huwag ninyong kalilimutan ang mga utos na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon.

Ang ebangheliyo at ang Unang Pagbasa ay napapatungkol sa “Shema.” Ang salitang "Shema" ay hango sa unang salita sa Dt. 6:4-25 na nagsasabing, “Shema, Israel, Adonai Elohenu, Adonai Ehad” (Dinggin mo, Israel, si Yahweh ang ating Diyos, ang tanging Panginoon at wala nang iba. Kaya't ibigin mo si Yahweh sa ating Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong lakas mo” (Dt. 6:4-5).

Ano naman ang kahulugan ng Shema? Para sa mga Israelita, na siyang unang grupo ng mga tao na kumilala kay Yahweh (AKO AY AKO NGA) bilang kanilang tanging Diyos na dapat sambahin hindi tulad ng ibang grupo ng mga tao na maraming diyos na sinasamba (Tingnan ang Gen. 1:26, Ex. 15 :11, Deut. 6:14, Ex. 15:2, 8:5-6, Ex , Jn 10:5-6, Isa 26:13, 2 Cor 4:4, Mat. 2:36, Ph 2:11, at 1 Cor 12:3, Gal 4:8), ang mga salita ng “Shema” ay isang deklarasyon o pahayag ng isang monoteistikong pananampalataya dahil ang kanilang diin ay ang mga salitang "ikaw ay Panginoon" (1 Tim. 1:9, Gawa 17:24, Eph. 4:4-6, 1 Jn. 5:21, Dt. 10:17-22). Ang deklarasyon ng monoteismo ay sentro ng kanilang pagsamba at espirituwalidad bilang isang bansa.

Ang pagbigkas ng "Shema" para sa mga Israelita ay upang ipahayag na si Yahweh na kanilang Diyos lamang ang kanilang papanginoonin, sasambahin, at paglingkuran (1 Tim. 2:5, Jn. 17:31, 1 Co. 5:4, Ef. 4:4-6, Ga. 3:20). Sa harap ng deklarasyong ito ng pananampalatayang monoteistiko, ang ibang mga diyos (ang “Baal” na nangangahulugang “ang Panginoon”) na nagpapakilala sa kanilang sarili mula sa iba’t ibang kultura, relihiyon at kaisipan ay gustong makipagkumpitensya (Isa. 45:10) para sa kanilang atensyon, papuri at paggalang, laban kay Yahweh Diyos na dapat muna nilang kilalanin, na hindi makakapangyari at walang puwang sa kanilang buong pagkatao (sa isip man, puso at lakas).

Sa pag-awit ng Shema, nais nilang ipahayag ang kanilang katatagan sa paniniwala kay Yahweh Diyos bilang tanging Panginoon sa kanilang buhay. Kasabay ng kanilang katatagan ay ang kanilang paghanga, pagsamba at paglilingkod nang buong isip, puso at lakas. Ito ang uri ng pagsamba na hinihingi ni Yahweh na Diyos bilang kapalit ng kanyang proteksyon at pangangalaga sa Israel na kanyang piniling bayan, na kinikilala ni Yahweh bilang kanyang anak o asawa sa lahat ng mga bansa sa mundo.

Ang pagkilala na hinahanap ni Yaweh mula sa Israel ay ang mahalin siya “nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas.” Ito ang pagsamba na dapat ibigay ng Israel sa Diyos na nagbigay ng kanyang buong atensyon, pangangalaga at pagmamahal sa Israel. Ang pag-ibig na ito ay ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang tatlong uri ng espirituwalidad na ang panalangin (pag-ibig nang buong puso), paglilimos (pag-ibig nang buong kaluluwa), at pag-aayuno (pag-ibig nang buong lakas). Ang tatlong anyo ng espirituwalidad na ito ay lumitaw sa Ilang nang sila ay tuksuhin o sinubukan ng mga tukso ng tinapay, mga diyus-diyosan at mga himala.

Ang kasaysayan ng Israel ay naghahayag na bagama't ipinahayag nila ang kanilang katatagan sa pagkilala kay Yahweh bilang ang nag-iisang Panginoon, palagi silang nahuhulog sa pagsamba sa mga Baal at Astoret (Huk. 3:7-8, 2 Hari 17:25-41, Gawa 7). :42-51).

Sa pagdating ni Jesucristo, nagkaroon ng bagong interpretasyon at kahulugan ang Shema. Tinukoy niya ang Shema bilang una at pinakadakila sa lahat ng mga utos (Mk. 12:28-30, Lk. 10:25-28, Mt. 22:34).

Para sa Israel, ang diin sa Shema ay doon sa monoteismo; ang diin sa ikalawang bahagi ng Shema ay “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong pag-iisip mo, at nang buong puso mo, at nang buong lakas mo.” Sinabi ni Jesu-Kristo na ito ang pinakadakila at unang utos.

Ang Ikalawang Pagbasa na kinuha rin sa Mga Hebreyo 7:23-28 ay patungkol naman sa pagtupad ni Jesukristo ng Shema sa kanyang sariling katawan.

Ito ang sinasabi sa Ikalawang Pagbasa: “Maraming pari noon, dahil kapag namatay ang isa, pinapalitan siya ng isa upang maipagpatuloy ang mga gawain nila bilang mga pari. Ngunit si Jesus ay walang kamatayan, kaya hindi naililipat sa iba ang pagkapari niya. Kaya maililigtas niya nang lubos ang sinumang lumalapit sa Dios sa pamamagitan niya, dahil nabubuhay siya magpakailanman upang mamagitan para sa kanila. Kaya si Jesus ang punong pari na kailangan natin. Banal siya, walang kapintasan, walang kasalanan, hiwalay sa mga makasalanan, at itinaas ng higit pa sa kalangitan. Hindi siya katulad ng ibang punong pari na kailangang maghandog araw-araw para sa kasalanan niya, at pagkatapos, para naman sa mga kasalanan ng mga tao. Si Jesus ay minsan lang naghandog para sa lahat nang ialay niya ang kanyang sarili. Ang mga tao na naging punong pari ayon sa Kautusan ay may mga kahinaan. Ngunit ayon sa sinumpaan ng Diyos matapos maibigay ang Kautusan, itinalaga niya ang kanyang Anak na maging punong pari magpakailanman, dahil natupad nito ang layunin ng Diyos.”

Samakatuwid, ang Aritmetik ng kristyanong pagmamahal ay 100% na pag-ibig sa Diyos dahil ang pagmamahal sa Diyos ay buong-buo (buong isip, buong puso at buong lakas); ang pagmamahal sa sarili ay 50% na pag-ibig, at ang pagmamahal sa kapwa ay 50% din, sa suma total na 100% na pagmamahal para sa tao.

Ang pormula ng Shema para sa pag-ibig at pagmamahal ay:

100% na pag-ibig at pagmamahal sa DIYOS, dahil dapat ay buong-buo;

50% pagmamahal sa Sarili; at 50% pagmamahal sa Kapwa, dahil dapat ibigin ang kapwa (50%) kagaya ng pagmamahal sa sarili (50%):

Kaya, suma-total na 100 % na pagmamahal din para sa TAO.

 

dnmjr/10-22-2024