Pages

Tuesday, October 15, 2024

BAGONG BATAS SA HIERARKIYA NG STA. IGLESIYA

 

  Larawan ng ating Inang Sta. Iglesiya na maluwalhating nakaupo sa harap ng trono    ng Diyos Ama, kasama ang kanyang esposong si Jesukristo.


HOMILIYA PARA SA Ika-29 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B) 

BAGONG BATAS SA HIERARKIYA NG STA. IGLESIYA 

Dito sa ebangheliyo ngayong ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon, na kinuha sa Mk 10:35-45, ang Panginoong Jesukristo ay nagbibigay ng isang bagong batas sa Hierarkiya para sa kanyang Sta. Iglesiya. 

Ano po ba ang hierarkiya? Ang Hierarkiya ay isang sistema sa loob ng isang organisasyon o sosyedad kung saan ang mga tao, o grupo, ay niraranggo ng isa sa itaas ng isa ayon sa katayuan, o awtoridad, sa loob ng organisasyon, o sosyedad, na iyan. 

Kung papaano nagbigay ang Panginoong Jesusktisto ng isang bagong batas sa Hierarkiya, ay pakinggan po muna natin ang kuwento ng ebangheliyo tungkol sa bago at ibang klaseng pagpapatupad ni Kristo ng isang batas sa hierarkiya sa loob kan kanyang Sta. Iglesia, sa ganitong sumusunod na insidente: 

Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo na  sana po ay makasama kami sa inyong maluwalhating trono sa kaharian ng Diyos upang maupo ang isa sa amin sa kanan mo at ang isa naman ay sa kaliwa mo. 

Ngunit sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi.Hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan ng Ama. 

Nang malaman ito ng sampung iba pang mga alagad, nagalit sila sa magkapatid na Santiago at Juan. ͞Kaya't tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na sa mga pagano ang kanilang tinatawag na mga pinuno ay nagpapanginoon sa kanila, at ipinadarama ng kanilang mga dakilang tao ang kanilang kapangyarihan sa kanila. Hindi ito mangyayari sa inyo. Hindi; dahil ang sino mang magnais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging inyong lingkod; At ang sinumang gustong maging una sa inyo ay magpa-alipin sa lahat. Sapagkat kahit ako, na Anak ng Tao, ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para matubos ang maraming tao! 

Kung gayon, malinaw na isinasabi po dito sa ebangheliyo ang tungkol sa luma at ang bagong batas sa Hierarkiya ng Sta. Iglesiya. 

Ano po ang lumang batas ng Hierakiya sa Sta. Iglesiya? Ang sabi ni Jesukristo ang lumang batas daw sa Hierarkiya ay ‘yung sa paganong hierarkiya na ang kanilang tinatawag na mga pinuno ay nagpapanginoon sa kanila, at yaong kanilang mga dakilang tao ay ipinadarama ang kanilang kapangyarihan sa ibabaw nila. Iyan po ang luma. At kung ang lumang batas sa Hierarkiya ng Sta. Iglesiya ang nagaganap, at nakikitang umiiral sa loob ng iglesiyang iyan, malamang na ang iglesiya nga na iyan ay pagano ayon sa katuruan ng ebangheliyong maririnig natin ngayong linggo.

Subali’t ang bagong batas daw na bigay ngayon ni Jesukristo tungkol sa Hierakiya para sa kanya ay ang kung sino ang gustong maging dakila ay dapat magin lingkod ng lahat, at kung sino ang gustong magin una sa lahat ay dapat maging alipin muna ng lahat, dahil sa ang misyon ni Kristo dito sa lupa ay hindi ang pagmimigay ng mga gantimpala sa tao, kundi ang magsakit, magdusa, at mamatay para sa kaligtasan ng tao (cf. Jh. 3:17; 12:47). 

Ang mga huling katagang ito naman po ay may kinalaman sa Unang Pagbasang ginawa natin ngayon sa linggong ito, na nagtutukoy sa tungkulin ng isang “lingkod ni Yahweh.” (Isaias 53:10-11). At iyan ang sinabi ni Jesus na kanyang gagawin, ang maglingkod at magbigay ng kanyang buhay para matubos ang maraming tao sa mundo. 

Ang tanong ay, ito bang bagong batas ng hirarkiya ni Kristo ay nagaganap o nangyayaring nag-iiral ngayong sa ating mga iglesiya sa kasakuyang panahon? O, yung luma at dating batas sa Hierarkiya pa rin ang siyang nagaganap sa ating mga iglesiya? Ano po ang kasalukuyang obserbasyon ninyo? 

Hindi po ba ‘yung ikalawang bahagi sa ebangheliyo na nagkukuwento tungkol sa pag-away-away at nagin alitan ng mga tagasunod ni Kristo ay ang siyang nangyayari sa loob ng ating kasalukuyang mga iglesiya? Hindi ba ang mga posisyon sa loob ng ating mga iglesiya ay promosyon sa karangalan, onra at dignidad at hindi naman posisyon sa paglilingkod, o ministeryo, na kadalasan ay ibinebenta at ikinakalakal, o pinababayaran, sa  mga tao? Kaya nga, dahil sa mayroong parating imbuweltong pera at onra, kaya malimit na mangyari ang mga agawan at awayan para sa mga puwesto at posisiyon ng karangalang ito, na siya namang dahilan ng pagkakadismaya at pagkawatak-watak ng maraming miyembro na dahil sa hindi sila ang naitalaga sa ganitong mga posisyon at nabigyan ng ganitong promosyon ay nagagalit na. Ito ay nagbubunga pa rin ng mga pang-aaway-away at panibugho ng iba pang mga miyembro dahil sa ang gusto ng iba ay sila ang mabigyan, maupo, at maitalaga sa ganitong mga posisyon ng karangalan at onra, at hindi iyong kasalukuyang binigyan ng mga ito. Ang sitwasyon ring ito ay ang dahilan ng paglaganap ng tinatawag na “simony”, o ang pagbenta at pagkalakal ng mga sagradong posisyon ng karangalan, sa loob ng nakaraan at kasalukuyang mga iglesiya ni Kristo.    

Ganyan na ganyan ang nangyari noon sa mga alagad ni Jesus sa pagkukuwento ng ebangheliyo ngayong linggo. Kaya marapat na paalalahanang muli ang mga taong iglesiya tungkol sa bagong batas na ito ng Hirarkiya ni Jesukristo, upang ang katuruang sinasabi sa Ikalawang Pagbasa  na kinuha sa Sulat sa mga Ebreyo (4:14-16) ay siyang mangyari. 

At ito naman po ang sinasabi sa Ikalawang Pagbasa:  Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan. 

Ang Pinakapunong Pari po nating iyan na tinutukoy dito sa Ikalawang Pagbasa ay walang iba kundi si Jesukristo na nagbigay sa atin ng bagong batas ng Hierarkiya, na dahil sa dinanas niyang mga paghihirap, pangungutya, at kaparusahan sa katawan bilang isang Anak ng Diyos at lingkod ni Yahweh sa misyon at gawaing pagtubos sa atin sa mga kahinaan at kasalanang nagawa ng sinaunang mga tao ay ipinasok niya tayo ngayon sa kanyang trono sa kalangitan bilang isang malinis at dalisay na birhen, ang bagong Sta. Iglesiya, upang iharap tayo bilang kanyang bago at malinis na esposa sa ating dakilang Diyos at Ama sa langit. 

Ngayon, ang tanong ay alin po sa dalawang ito, ‘yun bang luma o ang bagong hierarkiya, ang maganda, mainam at epektibong sundan at ipatupad sa loob ng Sta. Iglesiya? Kung si Kristo ang tatanungin, siyempre, ang pipiliin niya ay ang kanyang bagong hierarkiya upang magampanan at maisakatuparan niya ang kanyang misyon bilang isang Mesias at Pinakamataas na Pari ng Bagong Tipan. 

Ako nga din, sa kasalukayang kalagayan ko bilang isang sahuran ng munisipyo ang may iilan pa ang pumupuna at naiinggit sa aking pagtupad ng isang pagiging sekretaryo sa lahat ng mga miting sa munisipyo, na ang buong akala nila ang posisyong ito na mayroong onra at karangalang masasabi. Hindi po nila alam na ito ay isang serbisyo na may kaakibat na mabigat na responsibilidad at trabaho, Sa totoo po ay ginagampanan po lamang natin ang trabahong ito bilang isang masipag, matiyaga at tapat na lingkod bayan.

 

dnmjr/14Oct. 2024