HOMILIYA PARA SA Ika-28 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B)
KAYAMANAN
SA LANGIT HINDI SA LUPA!
Kung dito sa lupa ay mayaman ka na ngayon, handa ka bang ipagbili ang lahat ng iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mahihirap ang lahat na iyong napagbentahan, at saka sumunod ka kay Jesus upang magkaroon ka ng kayamanan sa langit?
Hehehe! Sino daw po ang taong tatanggap sa “challenge” na ito sa atin ngayon? Pakinggan nating muli ang mga sinabi sa ebangheliyo ngayong linggo na kinuha sa Markos 10:17-27.
May isang binatang naglapit kay Jesus, upang magtanong ng ganito: “Mabuting guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”
Napaka-inosente at napaka-simpleng tanong po na’to. Pero, ang ibig tukuyin ng binata na pagusapan nila ni Jesus ay ang tungkol sa buhay na walang hanggan.
Ano po ba ang buhay na walang hanggan? Ang buhay na walang hanggan ay ang pinaka-trabaho ng ating buhay dito sa mundo, o sa lupa. Ito ay ang buhay natin na naguumpisa na ngayon sa lupa at nagpapatuloy sa susunod nating buhay pagkatapus na tayo’y mamatay. Ito ang gustong seguruhing makuha na kaagad ng binata kay Jesus, na kung papano niya ito makakamtan?
Ano naman po ang naging sagot ni Jesus sa binata? Ito ang kanyang sagot: “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang ibang mabuti kundi ang Diyos lamang.” Ang ibig sabihin ni Jesus ay dahil sa ang Diyos lamang ang mabuti; samakatuwid, tayong lahat na mga tao dito sa lupa ay hindi mabubuti.
Kaya nga, sa Unang Pagbasa na kinuha sa Karunungan (7:7-11), ay sinasabi na, “Sapagkat alam kong ako'y tao lamang, ako'y nanalangin na bigyan ako ng pang-unawa kaysa trono at setro, na mas matimbang kaysa alinmang kayamanan, o sa pinakamahal na alahas. Ang ginto ay tulad lamang ng buhangin kung ihahambing sa Karunungan. Ang pilak nama'y nagmimistulang putik kapag inihambing sa kanya. Para sa akin, siya'y higit pa sa kalusugan o kagandahan.”
Ang karunungang po na ito na sinasabi dito sa Unang Pagbasa ay ang kayamanan sa langit na binabanggit naman ni Jesus sa ating ebangheliyo na siyang buhay na walang hanggan na ibig tutukuyin naman ng binata.
Kaya, ang sinasabi dito sa Unang Pagbasa ay kahalintulad sa ikinikuwento ni Jesus sa ating ebanghelio. At dahil hindi nga tayo mabuti ay kailangang umpisahan na nating tupdin ngayon pa lang ang lahat ng mga kautusang isinulat ni Moises upang tayo ay maging mga taong mabubuti, aniya ni Jesus sa binata.
At sumagot naman ang binata, “Nguni’t Guro, sa umpisa at sa simula pa noong maliit na bata pa lamang ako, hanggang ngayon, ay sumusunod na ako sa lahat ng mga ‘yan, tulad ng “huwag kang mangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnakaw, huwag kang sumaksi sa kasinungalingan, huwag kang mandaya, at igalang mo ang iyong ama at ina, at iba pa.”
At napahanga naman talaga si Jesus dahil sa tinuran ng binata. Kaya, aniya ni Jesus, “Kung gayon, isang bagay na lang ang kulang sa ‘yo na di mo pa nagagawa. Heto, ipagbili mo ang lahat ng iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mahihirap ang lahat na iyong napagbentahan, at pagkatapus sumunod ka sa akin upang magkaroon ka ng higit na kayamanan sa langit.”
Ang ibig sabihin po natin ng “kayamanan sa langit” ay ang karunungan na kailangang bilhin ito ng binata kay Jesus sa pamamagitan ng pagbebenta niya ng lahat ng mga pag-aari niya, at pagkatapus niyang ipagbenta ang mga ito ay ang pinagbentahan naman niya ay kailangang ipamigay sa mga taong mahihirap at dukha para lubusang mawalan siya ng anumang alalahanin sa buhay. At pagkatapus na mawalan na siya ng mga aalalahanin sa buhay ay umpisahan na niyang sumunod kay Jesus upang makamtan niya na ang karunungan na bigay ng Diyos sa tao dito sa mundong ibabaw sa pamamagitan ng lubos na pakikinig sa lahat ng mga katuruan ni Jesus.
Ang karunungan na iyan na bigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga katuruan ni Jesus ay ang buhay na walang hanggan na nais na makamtan sana ng binata dahil sa pagtatanong niya kay Jesus na “Ano pa ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?” At sinagot naman ni Jesus ang binata na, “kung gusto mo ng buhay na walang hanggan ay kailangang humayo ka at ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, ipamigay mo ang salapi sa mga dukha at mga mahihirap na tao at, kun gayon, ay magkakaroon ka ng nakaimbak na kayamanan sa langit. Pagkatapos pumarito ka, pasanin mo ang krus at sumunod ka sa akin”.
Sa pagkarinig nito ng binata, siya ay nanlumo at malungkot na tumalikod siya upang umalis sapagkat siya'y lubhang napakayaman.
Kaya, sinabihan ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Mga anak, sadyang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos! Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos. Tandaan ninyo, ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Ebanghelio, ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan.”
O, di ba malinaw ang ibig na mangyari sa atin ni Jesus bilang kanyang mga alagad? Una, ipagbenta ang lahat ng ari-arian natin at ang pinagbentahan ay ipamigay sa mga mahihirap na tao at sa mga dukha. Pagkatapus, ang pangalawa, ay pumunta na tayo kay Jesus at umpisahang sumunod sa kanya at makinig sa lahat ng mga katuruan niya upang magkaroon tayo ng mga bagong karunungan sa buhay. Kapag nagawa na natin ito ay magkakaroon na tayo ngayon ng maraming ari-arian bilang kabayaran sa lahat ng mga ipinagbenta natin noon, na may kaakibat na mga persekusyon, pagdurusa’t pag-uusig na dapat sagupain natin ng buong tapang sa tulong ng bagong karunungang taglay natin na itinuro sa atin ni Jesus, at saka pa lamang natin matatamo ang buhay na walang hanggan sa panahong darating. At ang buhay na walang hanggan na ito ay, walang iba, kundi ang buhay na may karunungan, at may maraming nalalaman sa buhay na gamit natin na pananggalang sa mga masasama, at sa mga problemang dumarating sa ating pang-araw-araw na buhay.
Kaya nga sa Pangalawang Pagbasa na galing sa sulat ni San Pablo Apostol sa mga Taga-Ebreyo (4:12-13) ay pinaaalalahanan tayo tungkol sa kapangyarihan ng Karunungan ng Diyos na: “Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Diyos at higit na matalas ito kaysa sa alin mang tabak na may dalawang talim. Bumabaon ito hanggang sa ikapaghihiwalay ng kaluluwa at ng espiritu at ng kasu-kasuan at utak ng buto. Nakakatalos ito ng mga pag-iisip at mga saloobin ng puso. At walang anumang nilikha ang makakapagkubli ng kaniyang mga gawa sa paningin ng Diyos.”
Ang pagkakaroon ng Karunungan ng Diyos na iyan ay siyang buhay na walang hanggan na pinaka-dapat trabahuhin natin sa buhay na ito upang magkaroon tayo ng kayamanan sa langit na hindi masisira ng anumang kalawang, o insekto, dahil ito ay nasa tuktok ng ating mga kaisipan, at ang bunga nito ay magpasawalang hanggan. Iyan po ang buhay na walang hanggan…ang pagkakaroon ng mga karunungan at kaalaman sa pamamagitan ng pag-aaral, o edukasyon, at mga pagsasanay sa buhay.
Iyan po ang buong kaganapan ng kuwento sa likod ng temang “Kayamanan sa langit hindi sa lupa” ayon sa ating ebangheliyo ngayong linggo.
Kaya naman pala, ang sabi sa atin ng mga magulang natin noon ay, “Anak, mag-aral kang mabuti, dahil ‘yan lang ang pamanang maibigay naming sa iyo ng tatay mo.’ Dahil ang edukasyon at pagsasanay pala na natatanggap natin sa ating mga paaralan at natututunan natin sa pang-araw-araw na buhay, ay isang pamanang hindi nasisira, kundi bitbit natin saan man tayo magpunta, at sa kung anumang estado o kalagayan sa buhay ang ating marating. Ang karunungan na nakukuha natin sa pamamagitan ng edukasyon at pagsasanay ay ang buhay na walang hanggan, at ang kayamanan sa langit na tinutukoy ni Jesus sa ating ebangheliyo ngayong linggo, na mas nakahihigit pa sa lahat ng kayamanang makukuha natin ngayon dito sa ibabaw ng lupa. Ito ay sumasangayon sa sinabi sa Unang Binasa na galing sa Aklat ng Karunungan (7:11), na “Nang makamit ko ang Karunungan dumating sa akin ang lahat ng pagpapala; siya ang nagkaloob sa akin ng kayamanang walang kapantay.”
Okay ba sa inyo ‘to? Kung okay sa inyo, ‘e di okay na rin sa akin. Nguni’t mayroon pa tayong isang triviang tanong na dapat nating sagutan na mayroong koneksyon sa ating ebangheliyo ngayong linggo.
Heto po ang isang triviang tanong: Ano po ba ang ginawa ng isang mayaman na tao upang mapapasok siya sa isang napakaliit na butas ng karayom, kagaya ng isang kamelyong nakapasok sa isang maliit na butas ng karayom?
Ang
maliit na butas ng karayom ay sumisimbolo sa isang buhay na mahigpit, masalimoot,
masikip, at napakahirap. Ano po ba ang ginagawa ng isang mayamang tao, na may
napakaraming pera, mga ari-arian, katanyagan sa sosyedad, at mataas na posisyon
sa lipunan, na pwedeng mabuhay sa isang mahigpit, masalimoot, masikip, at
napakahirap na kalagayan sa kasalukuyang
buhay niya? Ano po ba ang sagot dito sa triviang tanong na ito?
dnmjr/7 Oct.
2024