Pages

Thursday, September 12, 2024

 

HOMILIYA PARA SA Ika-24ng LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B) sa Misa para sa OL of Peñafrancia Deanery Chapel, Bgy. San Jose-San Pablo, Camaligan, Camarines Sur. 

“PANANAMPALATAYA O MABUTING GAWA


 

Kung noong nakaraang linggo ang ipinagkumpara natin ay tungkol sa kung alin ang mahalaga sa dalawa, ang pagsunod sa mga tradisyon ng relihiyon o ang pagbigay pryoridad sa pangloob na kalinisan ng puso at pagtulong sa kapwa, ngayon namang linggo ay ikukumpara natin ang pananampalataya sa mabuting gawa. Alin sa dalawang ito ang higit na kailangan ng tao para sa kanyang kaligtasan?

Ang pananampalataya at mabuting gawa ay ang dalawang mahahalagang sangkap sa espirituwal na buhay ng isang kristyano. Masyadong masalimoot ang usaping ito noong magsimula ang doktrinang “Sola Fide” ni Martin Luther, na pinaniwalaan ng kanyang mga tagasunod, at nagin nang masyadong kontrobersiyal para sa karaniwang mambabasa at tagapangaral ng Bibliya. Sabi nila, “hindi ako naligtas sa pamamagitan ng aking mabubuting gawa dahil ako ay naligtas sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya na gumagawa ako ng mabubuting gawa!”  

Ito po ang paboritong talata sa Bibliya na ginagamit ng ating mga kapatid na Protestante upang igiit ang kanilang doktrina sa “Sola Fide”: “Sapagkat dahil sa biyaya kayo ay naligtas, sa pamamagitan ng pananampalataya—at ito ay hindi mula sa inyong sarili, ito ay kaloob ng Diyos—hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang walang sinumang makapaghambog" (Efeso 2:8-9). Tama naman po ang sinasabi ng talatang ito, nguni’t parating mali ang pakahulugan na sinasabi ng iba tungkol sa talatang ito.

Heto po naman ang iba pang sinasabi ng mga binasa natin ngayong linggo na galing din sa Banal na Kasulatan:

Sa Unang Pagbasa na kuha sa Is 50:5-9, sinabi din na: “Binigyan ako ng Panginoong Yahweh ng pang-unawa, hindi ako naghimagsik o tumalikod sa kanya. Hindi ako gumanti nang bugbugin nila ako, hindi ako kumibo nang insultuhin nila ako. Pinabayaan ko silang bunutin ang aking balbas at luraan ang aking mukha. Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila sa akin, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin. Handa akong magtiis, sapagkat aking nalalaman na ako'y hindi mapapahiya. Ang Diyos ay malapit, at siya ang magpapatunay na wala akong sala. May mangangahas bang ako'y usigin? Magharap kami sa hukuman, at ilahad ang kanyang paratang. Ang Panginoong Yahweh mismo ang magtatanggol sa akin. Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala? Mawawalang lahat ang nagbibintang sa akin, tulad ng damit na nginatngat ng insekto.”

Sa Santiago 2:14-18, ang ikalawang pagbasa, sinabi din  na: “Kung talagang may magsasabi, “May pananampalataya ako, at ikaw naman ay may mabuting gawa.” Ito naman ang isasagot ko, paano ko makikita ang pananampalataya mo kung wala ka namang mabuting gawa? Ipapakita ko sa iyo na may pananampalataya ako sa pamamagitan ng mabuti kong gawa.”

Sa ebanghelio na galing sa Markos 8:27-35, sinabi na: “Pinalapit ni Jesus ang mga tao kasama ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin. Ito ay sapagkat ang sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Datapuwat ang sinumang mawalan ng buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas niya ito.”

Kung ipapaliwanag natin ang mga binasa sa Unang Pagbasa na kuha sa Isaias 50:5-9, ay nagsasabi ito na ang mga pagtitiis na sinasapit ng isang mananampalataya ay siya na po ang mga mabuting gawa na bunga, o resulta, ng kanyang pananampalataya.

Diyan sa ikalawang pagbasa naman ay makukuha ang mga argumento pabor para sa mabuting gawa laban sa pananampalataya.

Kung alin sa dalawa ang kailangan ng tao para sa kanyang kaligtasan, ang sagot  ayon sa propesor namin noon sa Teyolohiya, ay ang pananampalataya muna sa umpisa ng kanyang kumbersyon sa kristyanismo upang siya ay tuluyang makapasok sa iglesiya at maligtas. At, kapag siya ay nakapasok na at nailigtas na, siyempre kailangan na siyang gumawa ng mabubuting gawa bilang bunga ng kanyang pananampalataya, mga mabuting gawa tulad ng mga sinabi sa unang pagbasa.

Kaya po naman, ang ebanghelio ngayong linggo ay malinaw na nagpapaalala sa sinumang ibig sumunod kay Jesus na sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito; nguni’t ang sinumang mawawalan ng buhay dahil sa pananampalataya sa kanya at sa pananampalataya sa ebanghelyo ng Diyos ay maililigtas niya ang buhay niya sa mundong ito at sa susunod niyang buhay.

dnmjr_09/13/2024