Pages

Tuesday, August 6, 2024

 

HOMILIYA PARA SA Ika-19 na LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B) sa Misa para sa OL of Peñafrancia Deanery Chapel, Bgy. San Jose-San Pablo, Camaligan, Camarines Sur. 

TINAPAY MO, BUHAY KO! 

Ang ebangheliyo para sa ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon na hango sa Juan 6:41-51 ay patungkol pa rin sa sagutan ni Jesus at ng mga tao doon sa kabilang ibayo ng dagat sa Capernaum tungkol sa tinapay ng buhay, o sa tinapay na buhay. 

Kaya naman, dahil dito ang tema ng ating homiliya ngayong linggo ay “Tinapay Mo, Buhay Ko!” 

Ikinikwento sa ebangheliyo na ang mga Hudyo daw ay nagbulong-bulungan dahil sa sinabi niya na “Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit.” 

Sinagot sila ni Jesus na ang sabi, “Huwag kayong magbulong-bulungan. Totoong sinasabi ko sa inyo: Ako ang tinapay ng buhay. Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit. Maaaring kumain nito ang sinuman at hindi mamamatay. Ako ang tinapay na buhay na bumaba mula sa langit. Ang sinumang makakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpaka­ilanman. Ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman. Ito ang aking ibibigay para sa buhay ng sanlibutan.” 

Sa madaling salita, ang mga pahayag na ito ng Panginoong Jesus, ay para bagang ang ibig sabihin niya sa mga Hudyo ay ang mga katagang TINAPAY MO, BUHAY KO. 

Ano po ba ang ibig sabihin ng mga katagang ito, Tinapay Mo, Buhay Ko? 

Ayon sa kuwento sa ebangheliyo, ang mga Hudyo kasi ay hinahanapan si Jesus ng tinapay na makakain nila, isang materyal na tinapay gaya noong kinain nila doon sa burol sa may lawa ng Tiberias. Nguni’t ang sagot ni Jesus sa kanilang paghingi sa kanya ng tinapay ay ang tinapay na espiritwal, na siyang buhay niya mismo, ang kanyang katawan, o laman. 

Paano ito magiging posible? Mga kanibal ba sila upang kumain ng laman ng tao? 

Ang kuwento na ito sa ating ebangheliyo ay malamang ito na rin ang pinag-ugatan ng tinatawag na sakramento ng Eukaristiya, ang sakramento ng katawan ni Kristo, na isinasagawa sa mga Kanluraning Iglesiya. Kaya, pag-aaralan natin kung ano po ba ang Eukaristiya, na siyang pinupunto ng Panginoong Jesus sa mga salitang “Tinapay Mo, Buhay Ko.” 

Sa parteng consecratory prayer ng Banal na Misa, ito ang sinasabi ng presbytero, “Nang gabing siya'y ipagkanulo ay dumampot siya ng tinapay; at nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, ‘Ito'y aking katawan na iniaalay para sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin’.” 

Sa makatuwid, sa Banal na Misa, na tinatawag ding “Eukaristiya,” o pasasalamat, ang katawan ni Jesukristo ay ginagawang presente sa porma ng tinapay upang maging pagkain ng mga nagsisipagdalo sa pagdating ng oras ng komunyon. 

Nguni’t ano po ba talaga ang sinasabing sakramento ng Eukaristiya para sa mga katoliko romano? 

Ang sakramento ng Eukaristiya ay ang sakramento ng Katawan at Dugo ni Jesukristo na ibinigay sa konteksto ng isang sagradong pagkain, o Christian Agape, sa paggunita sa Hapunan ng Panginoon (1 Co. 11:20), na, noong panahong iyon, ay sariling paraan ng pagdiriwang ni Jesus ng Jewish Pasch kasama ang kanyang mga alagad (Mt. 26:17, 26-29; Mc. 14:12-16; lk. 22:7-13, Jn. 13:1-17:26). 

Sa makatuwid, ang mga elemento ng tinapay at alak sa Eukaristiya, at sa Huling Hapunan ni Jesukristo, ay may pinanggalingan, o pinag-ugatan. Ito ay walang iba kundi ang Paskuwa ng mga Hudyo, o Jewish Passover. Sa taunang selebrasyon ng Paskuwa ng mga Hudyo ay gumagamit sila ng tinapay na tinatawag nilang “matzah”, o unleavened bread. Tungkol naman sa alak ay marami silang alak na ginagamit kapag sila ay nagsasagawa ng taunang Passover Feast. 

Sa Paskuwa ng mga Hudyo, ang tinapay na tinatawag nilang “matzah”, o unleavened bread, ay isang simbolo ng pag-aalaala nila sa matagal na pagka-alipin ng mga Israelita noon sa lupain ng Ehipto, kung saan  nakaranas sila ng pagpapakasakit, pangungulila, at kamatayan sa kamay ng mga dayuhan.  Ang alak na naman ay simbolo ng kaligayahan, kapayapaan at muling pagkabuhay laban sa kamayatan, na nakamtan nila ng makapasok at makabalik sila sa Kanaan, ang Lupang Pangako. 

Kaya naman, ang tinapay at alak na nakikita natin sa Banal na Misa, ay siya ring tinapay at alak na ginagamit sa Eukaristiya, na parehong may simbolismo ng katawan at dugo ng Panginoong Jesukristo na kanyang inialay sa konteksto, o ideya, ng isang Paskuwa, o Passover, ng maialay niya ang kanyang literal na katawan sa isang krus ng Kalbaryo ng kamatayan, nguni’t maluwalhating naibalik ng muli sa kanyang muling pagkabuhay. 

Ang mga tanda ng tinapay at alak, ngayon ay mga simbolo na ng Katawan at Dugo ni Jesukristo, na ibinabahagi sa gitna ng Christian Assembly, o Komunidad ng mga mananampalataya, upang palakasin ang banal na buklod at pakikipag-isa sa mga miyembro ng Sta. Iglesia, ang muling nabuhay na Katawan ni Kristo (ang Corpore Mystico ni Kristo), kung sa gayun ay patuloy silang makapagbahagi sa Misteryo Paskuwal ni Jesukristo na ngayon ay muling binuhay at ipinakita sa isang ritwal ng Eukaristiya, o Sta. Misa.

Samakatuwid, ang tinapay at alak sa Eukaristiya ay ang mga bagong simbolo ng Muling Nabuhay na Anak ng Diyos, si Jesukristo. 

Kung ang Paskuwa, o Passover Feast, ng mga Hudyo ay isang tunay at totoong piyesta, kun gayun ang Eukaristya ay isinasagawa ng Sta. Iglesia natin sa konteksto ng isang banal na kainan, o bangkete, na gumagamit ng isang tunay at totoong tinapay, at hindi laman isang ostiya, o wafer, na nakikita nating ginagamit sa Banal na Misa sa kasalukuyang panahon. 

Bakit " Tinapay Mo, Buhay Ko"? Dahil literal na tinapay ang gusto ng mga Hudyo, kaya binigyan sila ni Hesus ng literal na tinapay, ang tinapay ng Eukaristiya, na siya ding simbolo ng tinapay na ginamit ni Jesus sa Huling Hapunan nang sinabi niyang "Kunin ninyo ito at kainin. Ito ang aking katawan na iniaalay para sa inyo." 

Kaya nga, ang tinapay kapag kinakain ng mga Kristiyanong tagasunod ay nagiging simbolo rin ng kanyang katawan na iniaalay para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang buhay ni Jesus ay nagiging handog upang matubos ang mundo sa kasalanan. 

Kaya, ang tinapay na literal na ninais ng mga Hudyo na ibigay sa kanila ni Jesus ay naging ngayon isang espirituwal na tinapay, ang kanyang laman na mistikal, ang Sta. Iglesia, na kapag kinain ang espirituwal na tinapay na ito ng mga miyembro ng kristyanong komunidad ay nabubuhay ng muli ang katawan at laman ni Kristo sa pagkakaisa, pagkakabukold-buklod, at pagmamahalan sa loob ng Sta. Iglesia. 

Kung ganun, ang tema natin sa homiliya na “Tinapay Mo, Buhay Ko” ay tumutukoy, walang pong iba, kundi sa Eukaristiya, na iniuugnay din sa sakramento ng Eukaristiya ng ating ebanghelio ngayon linggo. 

Kung hindi po lubos na maintindihan ang homiliyang ito sa ngayon ay dahil sa ang Eukaristiya ay isang napakalalim na misteryo na nangangailangan na pagaralan ng mabuti. 

dnmjr/4 Aug. 2024