Pages
Sunday, December 15, 2024
PAGDALAW
Monday, December 9, 2024
DISYERTO
Thursday, November 28, 2024
PAGHAHANDA SA PAGDATING NG ANAK NG TAO
Sunday, November 17, 2024
KRISTONG HARI
Monday, November 11, 2024
PAROUSIA
Monday, November 4, 2024
SINO ANG BULAG?
SINO
ANG BULAG?
Sa ebangheliyo para ngayong ika-30 na Linggo sa Karaniwang Panahon (Cycle B), na kinuha sa Ebangheliyo ni San Markos 10:46-52, ito ay ang kuwento ng isang bulag na si Bartimeo.
Nang dumating sina Jesus sa Jerico, may nadaanan silang isang bulag na namamalimos sa tabing daan na ang pangalan ay si Bartimeo. Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Jesus at nagtanong sa kanya, “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakitang muli.” Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya.” Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod na siya kay Jesus.
Sino nga ba ang bulag? Ang bulag daw ay ‘yung isang taong walang paningin. Kun gayon, kung wala siyang paningin ay wala din siyang nakikita.
Subukan nating ipikit saglit ang ating dalawang mata at sabay tanungin ang ating sarili habang nakapikit ang dalawang mata natin: “Mayroon ba akong nakikita?”
May nakikita ka nga ba noong nakapikit ang iyong mga mata? Mayroon ba, o wala? Siyempre, mayroon. Kahit ang sa paligid mo ay wala kang nakikita dahil nakapikit ang iyong mga mata at ang nakikita mo lamang ay ang pusukit na kadiliman, nguni’t sa loob ng iyong pagkatawo ay may nararamdaman ka, ang iyong sarili. Kung gayon, kahit bulag ka at wala kang paningin ay may nakikita ka pa rin, at iyan ay ang iyong sarili.
Sa makatuwid, ang bulag ay sarili lamang niya ang kanyang nakikita at hindi ang ibang taong nasa paligid niya. Kaya, ang isang bulag ay pareho na rin sa isang makasariling tao, dahil sarili lamang niya ang kanyang nakikita at hindi ang iba. Tulad ni Bartimeo sa kuwento sa ebangheliyo na kahit na sinasaway na siya na huwag nang magiingay sa pagdaan ni Jesus ay patuloy pa rin ang kasisigaw niya dahil sarili lamang niya ang iniintindi at hindi ang ibang tao na nasa paligid niya na nagsasaway sa kaniya.
Ang pagkabulag ay sumisimbolo din sa kasalanan dahil ang lahat ng kasalanan ay nag-uugat sa pagiging makasarili ng isang tao. Kung kaya, ang isang makasariling tao ay siyang makasalanang tao. At dahil, lahat ng tao ay makasarili, kaya lahat ng tao ay makasalanan.
Ang pagiging makasarili ay sinimulan ni Eba’t Adan sa kuwento ng Hardin sa Eden, ng sinuway nila ang utos sa kanila ng Diyos, kaya’t ang kasalan na ito ni Eba’t Adan ay ang kasalanang orihinal. At dahil lahat ng tao ay nanggaling kina Eba’t Adan, kaya sinasabi na lahat ng tao ay nagmana ng kasalanang nagawa nila, kung kaya, lahat ng tao ay naging makasalalan. Kung ang lahat ng tao ay makasalanan, samakatuwid lahat ng tao ay makasarili, at kung gayon lahat ng tao ay bulag.
Heto ang mga
halimbawa ng mga makasalanan, kung gayon, mga bulag na tao dahil makasarili
sila:
- Isang Arsobispo na itiniwalag ang kanyang mga miyembro dahil lamang sa nasaktan ang kanyang “amor propyo” na hindi sinunod ang kanyang mga kagustuhan bilang isang nakatataas na superyor;
3. Isang namumuno sa pamahalaan na mas inuuna ang ambisyon niya sa politika, hindi nakikinig sa mga hinaing at pangangailan ng mga mamamayan, ngunit siya ay patuloy na pagiging madamot, mapang-api’t makapritso, at ang pangungurakot sa pundo ng kaban ng bayan;
4. Isang guro sa paaralan, o empleyado ng pribado’t pampublikong sektor, na hindi makontento sa sobra-sobrang sahod na tinatanggap, ngunit humihingi pa rin ng suhol, o anumang pabor materyal o sekswal, sa mga kliyente, o patuloy na pangungurakot sa pundo ng gobyerno;
5. Isang ordinaryong tao na nakaririnig sa katotohanan, ngunit hindi nakikita, o ayaw tanggapin, ang kahulugan nito;
6. At iba pang mga taong katulad nila.
Ang tanong, ang pagkabulag ba ay napagagagaling at nalulunasan? Katulad sa kuwento ng ebangheliyo ngayong linggo na pinagaling ni Jesus ang isang bulag na si Bartimeo dahil lamang sa kanyang pananampalataya, kung gayon, ang pagkabulag ay napagagaling at nalulunasan upang siya’y mamakitang muli.
Kung ang bulag sa pisikal na katayuan ay napagagaling, samakatuwid, ang isang bulag sa espirituwal na katayuan, ang taong makasarili’t makasalanan, ay may pag-asang mapagaling din. Kailangan lamang niya ay ang katulad ng pananampalatayang taglay ni Bartimeo para sa isang guro na katulad din ni Jesus na may taglay na kapangyarihan at kakayahan na magpagaling sa kanya.
Tama ang sinabi sa Una’t Ikalawang Pagbasa ngayong linggo na, “Ang sabi ni Yahweh, umawit kayo sa kagalakan alang-alang kay Jacob; magpuri kayo at inyong ipahayag na iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan na sila’y pababalikin kasama ang mga bulag at mga pilay, ang mga inang may anak na pasusuhin, pati ang malapit nang manganak; sila'y ibabalik na talagang napakarami! (Jeremias 31:7-9).
At ang Ikalawang Pagbasa naman ay nagsasabi: “Ang bawat Pinakapunong Pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao para mapatawad ang mga kasalanan nila. Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina ring tulad nila” (Mga Hebreyo 5:1-6).
Kung ang kasalanan ay ang pagiging makasarili, ito ay pwedeng magamot at malunasan, tulad ng pagagamot at paglulunas sa isang taong bulag. Kung pinagaling ni Jesus ang isang bulag dahil siya ay may pananampalataya, ang isang tao naman na makasalanan dahil siya ay makasarili, ay pwedeng malunanas at magamot kung matututo siyang magmahal ng muli at umibig sa kapwa-tao niya.
Dahil sa ang kasalanang orihinal ni Eba’t Adan ay ang pagigin makasarili nila dahil tinanggap nila ang katuruan ng Diyablo na “Ang Diyos ay hindi Pag-Ibig, bagkos ay isang malupit na amo, na ibig lamang silang ibilanggo sa kanilang mga sarili”, kaya sa pagtanggap ng pasaring na ito ng kaaway ay tinanggap din nila na hindi sila iniibig ng Diyos kaya sinuhay nila ang kanyang utos na hindi kumain ng prutas sa Kahoy ng Buhay.
Ibig sabihin, ang sinasabing kasalanang orihinal na minana ng lahat ng tao sa ating unang mga magulang ay ang kawalan ng pag-ibig at pagmamahal ng Diyos, na ito ay tuluyang nawala sa damdamin ng tao at napalitan ng pagiging makasarili, ng pagmamahal sa sarili lamang at hindi sa iba.
Samakatuwid, ang
lunas sa pagiging makasarili ng tao ay ang pag-ibig at pagmamahal. At ito ang
sinasabi sa Pangalawang Pagbasa na ginawa ng ating Pinakapunong Pari, na si Jesukristo,
ng mag-alay ng kanyang buhay bilang isang “kaloob at mga handog…at dahil
sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang
para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan.” (Mga Hebreyo 5:3).
Kung ang tao ay muling matututong umibig at magmahal sa kapwa, ay malulunasan na niya ang kanyang pagiging makasarili, at ang lahat ng mga kasalanang nagawa niya sa buhay, malaki man ‘yan o maliit, katulad ng mga kasalanang nabanggit na natin diyan sa itaas, ang lahat ng mga iyan ay mapapatawad dahil sa pag-aalay sa krus ng buhay na unang ginawa ng ating Pinakapunong Pari na si Jesukristo bilang pagtubos sa atin sa ating mga kasalanan.
Tulad ni Bartimeo na nagsabi kay Jesus na “Guro, gusto ko pong makakitang muli.” (Mk. 10:51), bilang pagpahayag ng kanyang pananampalataya sa kanya, ay dapat sabihin na din natin ngayon sa Diyos na “Panginoon, gusto ko na din pong magamot at malunasan ang aking pagkabulag at mga kasalanan ng pagiging makasarili sa paraan ng pagumpisang magmahal sa aking mga kapwa.” AMEN.
Sa pagtatapus, ang pagkabulag ay simbolo ng kasalanan dahil sa ang isang taong bulag ay representasyon, o simbolo, ng isang makasariling tao. Ang makasariling tao ay makasalanang tao dahil sarili lamang niya ang iniisip at hindi ang ibang tao. Ang pagmamahal at pag-ibig sa kapwa ang paraan upang maalis tayo sa sitwasyon ng pagiging makasarili. Si Jesukristo ang nagturo sa atin kung paano magmahal sa kapwa dahil sa kanyang sakripisyo at pagpapakasakit sa krus upang maialay ang kanyang buhay sa pagtubos at pagligtas sa sangkatauhan.
dnmjr/10-22-2024
SAKRIPISYO NG DUKHANG BABAENG BALO
HOMILIYA PARA SA
Ika-32 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B)
SAKRIPISYO NG DUKHANG BABAENG BALO
Ang ebangheliyo para sa linggong ito ay kinuha sa Markos 12: 38-44. Tungkol ito sa puna ni Jesus sa mga mapagkunwaring tagapagturo ng kautusan at sa isang kuwento tungkol sa handog sa kabang yaman doon sa Templo ng isang mahirap na balo.
Una, ang pagtuligsa ni Jesukristo sa mga mapagkunwaring tagapagturo ng kautusan na ang sabi niya ay mag-ingat sa mga tagapagturo ng kautusan na gustong laging maglalakad sa mga kalsada na may mahabang kasuotan. Nais din nila ang pagbati ng mga tao sa mga palengke. Nais din nila ang umupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at sa mga handaan. Ito raw ang mga lalaking lumunok ng ari-arian ng mga balo, samantalang nagkukunwaring nananalangin sila ng mahahaba. Ang mga ito raw ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan.
Ang sinabi niyang ito tungkol sa mga mapagkunwaring tagapagturo ng kautusan na ito raw ang mga lalaking lumunok ng ari-arian ng mga balo ay ang naging dahilan ng kuwentong ito sa ebangheliyo para sa ngayong ika-32 na Linggo tungkol sa handog ng isang dukhang babaeng balo.
Sa nabasa pong ebanghelyo, sa unang bahagi nito, ay tinutuligsa muna ni Jesus ang mga tagapagturo ng katuusan dahil sa kanilang mga mapagkunwaring gawa na gustong magsuot ng mga mahahabang damit, na gustong-gustong magpabati sa mga palengke, magupo sa mga kabisera ng mga handaan na ang mga ito raw ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan; at, ang pangalawa bahagi, ay ang kuwento tungkol sa handog ng isang dukhang babaeng balo. At ito ang kanyang kuwento:
“Umupo si Jesus sa tapat ng kaban ng yaman. Nakita niya kung papaano naghuhulog ng salapi sa kaban ng yaman ang napakaraming tao. Maraming mayayaman ang naghulog ng maraming salapi sa kaban ng yaman. Lumapit ang isang dukhang babaeng balo at naghulog ng dalawang sentimo na maliit lang ang halaga. Tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang dukhang babaeng balong ito ang naghulog ng higit na malaking halaga kaysa sa kanilang lahat na naghulog ng salapi sa kaban ng yaman. Ito ay sapagkat silang lahat ay naghulog ng mga labis nila. Ngunit siya, sa kabila ng kaniyang karukhaan, ay inihulog ang lahat ng kaniyang kabuhayan.”
Ang kuwentong ito ay nakahahawig sa kuwentong nangyari tungkol kay Profeta Elias at ang babaeng balong taga-Sidon sa Unang Pagbasa na kuha sa 1 Hari 17:10-16. Ito ang nilalaman:
Kaya pumunta si Elias sa Zarefat. Pagdating niya sa pintuan ng bayan, may nakita siyang biyuda na nangangahoy. Sinabi niya sa babae, “Pakiusap, dalhan mo ako ng kaunting tubig na maiinom…at dalhan mo rin ako ng tinapay.” Sinabi ng biyuda, “Nagsasabi po ako ng totoo, sa harap ng buhay na Panginoon na inyong Dios, na wala na akong tinapay. Ang natitira na lang ay isang dakot na harina sa mangkok at kaunting langis sa banga at kapag naubos na namin ito, mamamatay na kami ng aking anak sa gutom.”
Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang mag-alala. Sapagka’t ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Hindi mauubusan ng harina ang iyong mangkok at hindi mauubusan ng langis ang iyong banga hanggang sa araw na padalhan ko ng ulan ang lupa.’ ” Lumakad ang babae at ginawa niya ang sinabi ni Elias. Kaya may pagkain araw-araw para kay Elias, at para sa biyuda at sa kanyang anak. Sapagkat hindi nauubos ang harina sa mangkok at hindi rin nauubos ang langis sa banga, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.
Sa kabila ng mabibigat na akusasyon at pagtuligsang ito ng Panginoong Jesus laban sa mga Eskriba, ay may magandang bahagi ang kuwento sa ebangheliyo, at ito ang pagpuri niya sa gawang paghahandog ng dalawang sentimo sa Kaban ng Templo ng dukhang babaeng balo, at sinabi ni Jesus na mas matimbang pa ito kisa doon sa handog ng mga mayayaman na nagbigay ng sobra sa kanilang mga pangangailangan, samantalang ang dukha balong ito ay nagbigay sa kabila ng kanyang mga pangangailangan.
Ano ba ang kapuri-puring bagay sa gawang ito ng dukhang babaeng balo? Ang kapuri-puri sa gawang ito ng dukhang balo ay ang kanyang damdaming makapag-sakripisyo at pagsasawalang-bahala sa kanyang sariling kapakanan sa ibabaw ng pangangailangan ng iba; at ito ay isang kahanga-hangang gawa dahil mas masakit ang ginawa ng dukhang balo na nagbigay ng abuloy sa kabila ng kanyang kahirapan at kasalatan sa buhay. Kaya po, ang aral na matutunan sa ebangheliyong ito ay “Magbigay Hangga’t Masaktan”.
Ano po naman ang koneksyon ng aral na ito sa mga bagay na pinupuna’t tinutuligsa ni Jesus sa mga Eskriba’t Pariseo?
Una, dahil sa ang mga ito ay mga mapagkunwari sapagkat sila ay kumilos na maka-diyos sa panlabas, ngunit hindi maka-diyos sa kanilang mga puso, kaya naman itinatapat sila ni Jesus sa kagandahang asal ng dukhang babaeng balo na nagbibigay ng handog hanggat masaktan, at hindi tulad ng mga eskriba’t pariseo na mga taong paimbabaw.
Pangalawa, dahil ang mga Eskriba at Pariseo ay hindi naniniwala sa mga paghahain ng mga pari sa Templo, kaya sa pamamagitan ng paghahambing ng napakaliit na handog na ginawa ng mahirap na balo sa mga aksyon ng mga Eskriba at Pariseo, nais ni Jesus na ipakita na ang pag-aalay sa Templo ay mas mahalaga pa rin kaysa sa mga aral na moral na kanilang ginagawa na pawang mapagpakunwari at mapagpaimbabaw at hindi naman tapat sa kanilang mga puso. Ang katotohanang ito ay sinusuportahan ng pagtuturo sa Ikalawang Pagbasa na kinuha mula sa Hebreo 9:24-28 na nagsasabing:
“Sapagkat hindi pumasok si Cristo sa isang banal na lugar na gawa ng tao at larawan lang ng mga bagay na nasa langit, kundi sa langit mismo. Siya ngayon ay namamagitan para sa atin sa harap ng Dios…Ganoon din naman, minsan lang namatay si Cristo nang inihandog niya ang kanyang sarili para alisin ang kasalanan ng mga tao. At muli siyang babalik dito sa mundo, hindi na para akuing muli ang kasalanan ng mga tao, kundi para iligtas ang mga taong naghihintay sa kanya.”
dnmjr/11-04-2024
Wednesday, October 30, 2024
100% PAG-IBIG SA PARAAN NG SHEMA
HOMILIYA PARA SA
Ika-31ng LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B)
100%
PAG-IBIG SA PARAAN NG SHEMA
Bilang pagpapatuloy sa ebangheliyong tinalakay noong nakaraang linggo, ang ebangheliyo natin para sa ika-31ng Linggo sa Karaniwang Panahon (Cycle B) na kinuha sa Ebangheliyo ni San Markos 12:28-34, ay tungkol sa kasagutan sa tanong sa temang natalakay na noong nakaraang linggo kung papaano magmamahal at iibig ang isang kristiyano, at ito ay sa pamamagitan ng Siyento Porsyentong Pag-ibig at Pagmamahal sa pamamaraan ng Shema.
Ang insidenteng ito sa ebangheliyo ay pwede nating pakahuluganan sa ibang pangungusap sa ganitong paraan:
May isang Hudyong pantas sa batas na nagtanong kay Jesus: “Guro, paano ako magkakaroon ng buhay na walang hanggan?” (Cf. Lk 10:25-28; Mt 22:34-40).
Sagot ni Jesus: “Puwede bang makontento ka na lang na ikaw ay buhay?”
Sagot naman ng Hudyong Pantas: “Guro, hindi naman po sapat na ang isang tao ay buhay lamang, nguni’t kailangan din niyang may “love-life.”
Ani Jesus: “Ah, love-life ba ang gusto mo? Okay, ito po ang love-life: ‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas‘. At ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’
Ang ebagheliyo ayon kay Markos12:28-34 para sa
linggong ito ay ito po talaga:
Ang kanilang pagtatalo ay narinig ng isa
sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot
ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po
ba ang pinakamahalagang utos?” Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang
utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon nating Diyos ang tanging Panginoon.
Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong
pag-iisip at buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa
gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga
ito.” Wika ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo.
Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At higit na mahalaga ang
umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig
sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na
susunugin at iba pang mga alay.” Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito
kaya't sinabi niya, “Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos.” At mula noon
ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.
Ito naman po ang Unang Pagbasa na kinuha sa Deuteronomiyo
6:2-6 - “Makinig kayo, O mamamayan ng Israel, at sundin ninyo ang kanyang mga
utos para maging mabuti ang inyong kalagayan at upang lalo pa kayong dumami sa
maganda at masaganang lupain, ayon sa ipinangako ng Panginoon, ang Dios ng
inyong mga ninuno. “Makinig kayo, O mga mamamayan ng Israel: Ang Panginoon na
ating Dios ay iisang Panginoon lang. Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios
nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buo ninyong lakas. Huwag ninyong
kalilimutan ang mga utos na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon.
Ang ebangheliyo at ang Unang Pagbasa ay
napapatungkol sa “Shema.” Ang salitang "Shema" ay hango sa unang
salita sa Dt. 6:4-25 na nagsasabing, “Shema, Israel, Adonai Elohenu, Adonai
Ehad” (Dinggin mo, Israel, si Yahweh ang ating Diyos, ang tanging Panginoon at
wala nang iba. Kaya't ibigin mo si Yahweh sa ating Diyos nang buong puso mo, at
nang buong kaluluwa mo, at nang buong lakas mo” (Dt. 6:4-5).
Ano naman ang kahulugan ng Shema? Para sa mga
Israelita, na siyang unang grupo ng mga tao na kumilala kay Yahweh (AKO AY AKO
NGA) bilang kanilang tanging Diyos na dapat sambahin hindi tulad ng ibang grupo
ng mga tao na maraming diyos na sinasamba (Tingnan ang Gen. 1:26, Ex. 15
:11, Deut. 6:14, Ex. 15:2, 8:5-6, Ex , Jn 10:5-6, Isa 26:13, 2 Cor 4:4, Mat. 2:36,
Ph 2:11, at 1 Cor 12:3, Gal 4:8), ang mga salita ng “Shema” ay isang
deklarasyon o pahayag ng isang monoteistikong pananampalataya dahil ang
kanilang diin ay ang mga salitang "ikaw ay Panginoon" (1 Tim. 1:9,
Gawa 17:24, Eph. 4:4-6, 1 Jn. 5:21, Dt. 10:17-22). Ang deklarasyon ng
monoteismo ay sentro ng kanilang pagsamba at espirituwalidad bilang isang
bansa.
Ang pagbigkas ng "Shema" para sa mga
Israelita ay upang ipahayag na si Yahweh na kanilang Diyos lamang ang kanilang papanginoonin,
sasambahin, at paglingkuran (1 Tim. 2:5, Jn. 17:31, 1 Co. 5:4, Ef. 4:4-6, Ga.
3:20). Sa harap ng deklarasyong ito ng pananampalatayang monoteistiko, ang
ibang mga diyos (ang “Baal” na nangangahulugang “ang Panginoon”) na
nagpapakilala sa kanilang sarili mula sa iba’t ibang kultura, relihiyon at
kaisipan ay gustong makipagkumpitensya (Isa. 45:10) para sa kanilang atensyon,
papuri at paggalang, laban kay Yahweh Diyos na dapat muna nilang kilalanin, na
hindi makakapangyari at walang puwang sa kanilang buong pagkatao (sa isip man,
puso at lakas).
Sa pag-awit ng Shema, nais nilang ipahayag ang
kanilang katatagan sa paniniwala kay Yahweh Diyos bilang tanging Panginoon sa
kanilang buhay. Kasabay ng kanilang katatagan ay ang kanilang paghanga, pagsamba
at paglilingkod nang buong isip, puso at lakas. Ito ang uri ng pagsamba na
hinihingi ni Yahweh na Diyos bilang kapalit ng kanyang proteksyon at
pangangalaga sa Israel na kanyang piniling bayan, na kinikilala ni Yahweh
bilang kanyang anak o asawa sa lahat ng mga bansa sa mundo.
Ang pagkilala na hinahanap ni Yaweh mula sa Israel
ay ang mahalin siya “nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas.” Ito ang
pagsamba na dapat ibigay ng Israel sa Diyos na nagbigay ng kanyang buong
atensyon, pangangalaga at pagmamahal sa Israel. Ang pag-ibig na ito ay
ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang tatlong uri ng espirituwalidad na ang
panalangin (pag-ibig nang buong puso), paglilimos (pag-ibig nang buong
kaluluwa), at pag-aayuno (pag-ibig nang buong lakas). Ang tatlong anyo ng
espirituwalidad na ito ay lumitaw sa Ilang nang sila ay tuksuhin o sinubukan ng
mga tukso ng tinapay, mga diyus-diyosan at mga himala.
Ang kasaysayan ng Israel ay naghahayag na bagama't
ipinahayag nila ang kanilang katatagan sa pagkilala kay Yahweh bilang ang
nag-iisang Panginoon, palagi silang nahuhulog sa pagsamba sa mga Baal at
Astoret (Huk. 3:7-8, 2 Hari 17:25-41, Gawa 7). :42-51).
Sa pagdating ni Jesucristo, nagkaroon ng bagong
interpretasyon at kahulugan ang Shema. Tinukoy niya ang Shema bilang una at
pinakadakila sa lahat ng mga utos (Mk. 12:28-30, Lk. 10:25-28, Mt. 22:34).
Para sa Israel, ang diin sa Shema ay doon sa
monoteismo; ang diin sa ikalawang bahagi ng Shema ay “Ibigin mo ang Panginoon
mong Diyos nang buong pag-iisip mo, at nang buong puso mo, at nang buong lakas
mo.” Sinabi ni Jesu-Kristo na ito ang pinakadakila at unang utos.
Ang Ikalawang Pagbasa na kinuha rin sa Mga Hebreyo
7:23-28 ay patungkol naman sa pagtupad ni Jesukristo ng Shema sa kanyang
sariling katawan.
Ito ang sinasabi sa Ikalawang Pagbasa: “Maraming pari noon, dahil kapag namatay ang
isa, pinapalitan siya ng isa upang maipagpatuloy ang mga gawain nila bilang mga
pari. Ngunit si Jesus ay walang kamatayan, kaya hindi naililipat sa iba ang
pagkapari niya. Kaya maililigtas niya nang lubos ang sinumang lumalapit sa Dios
sa pamamagitan niya, dahil nabubuhay siya magpakailanman upang mamagitan para
sa kanila. Kaya si Jesus ang punong
pari na kailangan natin. Banal siya, walang kapintasan, walang kasalanan,
hiwalay sa mga makasalanan, at itinaas ng higit pa sa kalangitan. Hindi siya
katulad ng ibang punong pari na kailangang maghandog araw-araw para sa
kasalanan niya, at pagkatapos, para naman sa mga kasalanan ng mga tao. Si Jesus
ay minsan lang naghandog para sa lahat nang ialay niya ang kanyang sarili. Ang
mga tao na naging punong pari ayon sa Kautusan ay may mga kahinaan. Ngunit ayon
sa sinumpaan ng Diyos matapos maibigay ang Kautusan, itinalaga niya ang kanyang
Anak na maging punong pari magpakailanman, dahil natupad nito ang layunin ng Diyos.”
Samakatuwid, ang Aritmetik
ng kristyanong pagmamahal ay 100% na pag-ibig sa Diyos dahil ang pagmamahal sa
Diyos ay buong-buo (buong isip, buong puso at buong lakas); ang pagmamahal sa
sarili ay 50% na pag-ibig, at ang pagmamahal sa kapwa ay 50% din,
sa suma total na 100% na pagmamahal para sa tao.
Ang pormula ng
Shema para sa pag-ibig at pagmamahal ay:
100% na pag-ibig
at pagmamahal sa DIYOS, dahil dapat ay buong-buo;
50% pagmamahal
sa Sarili; at 50% pagmamahal sa Kapwa, dahil dapat ibigin ang kapwa (50%) kagaya ng
pagmamahal sa sarili (50%):
Kaya, suma-total na 100 % na pagmamahal din para sa TAO.
dnmjr/10-22-2024
Tuesday, October 15, 2024
BAGONG BATAS SA HIERARKIYA NG STA. IGLESIYA
Larawan ng ating
Inang Sta. Iglesiya na maluwalhating nakaupo sa harap ng trono ng Diyos Ama, kasama
ang kanyang esposong si Jesukristo.
HOMILIYA PARA SA Ika-29 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (Cycle B)
BAGONG BATAS SA HIERARKIYA NG STA. IGLESIYA
Dito sa ebangheliyo ngayong ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon, na kinuha sa Mk 10:35-45, ang Panginoong Jesukristo ay nagbibigay ng isang bagong batas sa Hierarkiya para sa kanyang Sta. Iglesiya.
Ano po ba ang hierarkiya? Ang Hierarkiya ay isang sistema sa loob ng isang organisasyon o sosyedad kung saan ang mga tao, o grupo, ay niraranggo ng isa sa itaas ng isa ayon sa katayuan, o awtoridad, sa loob ng organisasyon, o sosyedad, na iyan.
Kung papaano nagbigay ang Panginoong Jesusktisto ng isang bagong batas sa Hierarkiya, ay pakinggan po muna natin ang kuwento ng ebangheliyo tungkol sa bago at ibang klaseng pagpapatupad ni Kristo ng isang batas sa hierarkiya sa loob kan kanyang Sta. Iglesia, sa ganitong sumusunod na insidente:
Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo na sana po ay makasama kami sa inyong maluwalhating trono sa kaharian ng Diyos upang maupo ang isa sa amin sa kanan mo at ang isa naman ay sa kaliwa mo.”
Ngunit sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi.Hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan ng Ama.”
Nang malaman ito ng sampung iba pang mga alagad, nagalit sila sa magkapatid na Santiago at Juan. ͞Kaya't tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na sa mga pagano ang kanilang tinatawag na mga pinuno ay nagpapanginoon sa kanila, at ipinadarama ng kanilang mga dakilang tao ang kanilang kapangyarihan sa kanila. Hindi ito mangyayari sa inyo. Hindi; dahil ang sino mang magnais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging inyong lingkod; At ang sinumang gustong maging una sa inyo ay magpa-alipin sa lahat. Sapagkat kahit ako, na Anak ng Tao, ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para matubos ang maraming tao!”
Kung gayon, malinaw na isinasabi po dito sa ebangheliyo ang tungkol sa luma at ang bagong batas sa Hierarkiya ng Sta. Iglesiya.
Ano po ang
lumang batas ng Hierakiya sa Sta. Iglesiya? Ang sabi ni Jesukristo ang lumang
batas daw sa Hierarkiya ay ‘yung sa paganong hierarkiya na ang kanilang tinatawag na
mga pinuno ay nagpapanginoon sa kanila, at yaong kanilang mga dakilang tao ay ipinadarama
ang kanilang kapangyarihan sa ibabaw nila. Iyan po ang luma. At kung ang lumang
batas sa Hierarkiya ng Sta. Iglesiya ang nagaganap, at nakikitang umiiral sa loob
ng iglesiyang iyan, malamang na ang iglesiya nga na iyan ay pagano ayon sa
katuruan ng ebangheliyong maririnig natin ngayong linggo.
Subali’t ang bagong batas daw na bigay ngayon ni Jesukristo tungkol sa Hierakiya para sa kanya ay ang kung sino ang gustong maging dakila ay dapat magin lingkod ng lahat, at kung sino ang gustong magin una sa lahat ay dapat maging alipin muna ng lahat, dahil sa ang misyon ni Kristo dito sa lupa ay hindi ang pagmimigay ng mga gantimpala sa tao, kundi ang magsakit, magdusa, at mamatay para sa kaligtasan ng tao (cf. Jh. 3:17; 12:47).
Ang mga huling katagang ito naman po ay may kinalaman sa Unang Pagbasang ginawa natin ngayon sa linggong ito, na nagtutukoy sa tungkulin ng isang “lingkod ni Yahweh.” (Isaias 53:10-11). At iyan ang sinabi ni Jesus na kanyang gagawin, ang maglingkod at magbigay ng kanyang buhay para matubos ang maraming tao sa mundo.
Ang tanong ay, ito bang bagong batas ng hirarkiya ni Kristo ay nagaganap o nangyayaring nag-iiral ngayong sa ating mga iglesiya sa kasakuyang panahon? O, yung luma at dating batas sa Hierarkiya pa rin ang siyang nagaganap sa ating mga iglesiya? Ano po ang kasalukuyang obserbasyon ninyo?
Hindi po ba ‘yung ikalawang bahagi sa ebangheliyo na nagkukuwento tungkol sa pag-away-away at nagin alitan ng mga tagasunod ni Kristo ay ang siyang nangyayari sa loob ng ating kasalukuyang mga iglesiya? Hindi ba ang mga posisyon sa loob ng ating mga iglesiya ay promosyon sa karangalan, onra at dignidad at hindi naman posisyon sa paglilingkod, o ministeryo, na kadalasan ay ibinebenta at ikinakalakal, o pinababayaran, sa mga tao? Kaya nga, dahil sa mayroong parating imbuweltong pera at onra, kaya malimit na mangyari ang mga agawan at awayan para sa mga puwesto at posisiyon ng karangalang ito, na siya namang dahilan ng pagkakadismaya at pagkawatak-watak ng maraming miyembro na dahil sa hindi sila ang naitalaga sa ganitong mga posisyon at nabigyan ng ganitong promosyon ay nagagalit na. Ito ay nagbubunga pa rin ng mga pang-aaway-away at panibugho ng iba pang mga miyembro dahil sa ang gusto ng iba ay sila ang mabigyan, maupo, at maitalaga sa ganitong mga posisyon ng karangalan at onra, at hindi iyong kasalukuyang binigyan ng mga ito. Ang sitwasyon ring ito ay ang dahilan ng paglaganap ng tinatawag na “simony”, o ang pagbenta at pagkalakal ng mga sagradong posisyon ng karangalan, sa loob ng nakaraan at kasalukuyang mga iglesiya ni Kristo.
Ganyan na ganyan ang nangyari noon sa mga alagad ni Jesus sa pagkukuwento ng ebangheliyo ngayong linggo. Kaya marapat na paalalahanang muli ang mga taong iglesiya tungkol sa bagong batas na ito ng Hirarkiya ni Jesukristo, upang ang katuruang sinasabi sa Ikalawang Pagbasa na kinuha sa Sulat sa mga Ebreyo (4:14-16) ay siyang mangyari.
At ito naman po ang sinasabi sa Ikalawang Pagbasa: “Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan.”
Ang Pinakapunong Pari po nating iyan na tinutukoy dito sa Ikalawang Pagbasa ay walang iba kundi si Jesukristo na nagbigay sa atin ng bagong batas ng Hierarkiya, na dahil sa dinanas niyang mga paghihirap, pangungutya, at kaparusahan sa katawan bilang isang Anak ng Diyos at lingkod ni Yahweh sa misyon at gawaing pagtubos sa atin sa mga kahinaan at kasalanang nagawa ng sinaunang mga tao ay ipinasok niya tayo ngayon sa kanyang trono sa kalangitan bilang isang malinis at dalisay na birhen, ang bagong Sta. Iglesiya, upang iharap tayo bilang kanyang bago at malinis na esposa sa ating dakilang Diyos at Ama sa langit.
Ngayon, ang tanong ay alin po sa dalawang ito, ‘yun bang luma o ang bagong hierarkiya, ang maganda, mainam at epektibong sundan at ipatupad sa loob ng Sta. Iglesiya? Kung si Kristo ang tatanungin, siyempre, ang pipiliin niya ay ang kanyang bagong hierarkiya upang magampanan at maisakatuparan niya ang kanyang misyon bilang isang Mesias at Pinakamataas na Pari ng Bagong Tipan.
Ako nga din, sa kasalukayang kalagayan ko bilang isang sahuran ng munisipyo ang may iilan pa ang pumupuna at naiinggit sa aking pagtupad ng isang pagiging sekretaryo sa lahat ng mga miting sa munisipyo, na ang buong akala nila ang posisyong ito na mayroong onra at karangalang masasabi. Hindi po nila alam na ito ay isang serbisyo na may kaakibat na mabigat na responsibilidad at trabaho, Sa totoo po ay ginagampanan po lamang natin ang trabahong ito bilang isang masipag, matiyaga at tapat na lingkod bayan.
dnmjr/14Oct. 2024